Anu-anong tayutay ang mga nakita mo? Itala ito at bigyan ng kahulugan ang bawat isa. Mayroon ka bang ibang uri ng tayutay na nakita na wala sa apat na nabanggit kanina? Ano ito? Ipaliwanag.
Halik-Araw
ni Jozon Angeles Lorenzana
Sa bawat pagsilip mo
sa kurtinang ulap,
di ko natatakasan
ang sinag-halik, tumatagos
sa banat kong pisngi,
namumula, bakas ng labi mong nagbabaga.
At sa isang kindat
sinalubong mo ang aking labi,
napapaso.
Butil ng dugo’y pumapatak
sa bawat mahapding guhit
ng iyong halik.
Muli kong didilaan
ang aking labi.
Halimbawa na ang araw ang kinakausap dito ng personang nagsasalita sa tula, tingnan mo ang kanyang naging karanasan. Sa bawat pagkakataong tatagos (sisilip) ang sinag ng araw sa kanyang manipis at puting (ulap) kurtina, tatamaan (halik) nito ang kanyang bata (banat) pang pisngi. Magmamarka ng pamumula sa pisngi (bakas ng labi) dahil na rin sa init (nagbabaga) na dulot ng araw. At sa isang iglap (kindat), pagharap (salubong) niya sa araw, mapapaso ang kanyang labi hanggang sa ito’y matuyo’t magsugat (dugo). Tuloy, kailangan niyang muling basain (dilaan) ang kanyang labi.
Ngayon, titigil na nga ba ito sa pagpapaaraw (sunbathing), sa sunburn, sa chapped lips? Paano kung tao rin pala ang kinausap ng persona? Paano kung ito’y ukol pala sa isang magkapareha/magkasintahan? Paano ngayon ito maitutulad sa nagbabagang araw, na humahalik nang nakapapaso, nakasusugat? Kung sila nga’y nag-iibigan bakit sila nasasaktan? Ito kaya’y tungkol sa bawal na pag-ibig?