Isang dahilan kung bakit malimit na may pagkatakot at pag-aalinlangan sa pagharap sa tula ay ang pagtataglay nito ng katangian bilang pagpapahayag na di-tuwiran. Sa halip na sabihin nang diretso-sa-punto, nagpapaliguy-ligoy pa ito, gumagamit ng lumang salita, at naglalagay pa ng iba’t ibang bagay na tila yata lalo pang nagpapagulo sa tula.
Sa halip na sabihing “Papatayin kita!” ipahahayag pa sa matalinghagang paraan tulad ng: “Lalagyan kita ng gripo sa tagiliran.” o di kaya’y “Magsisimba ka nang may bulak sa ilong.” Kapag nais namang sabihin ay “Gagawin ko ang lahat para sa iyo.” ipahahayag pa ito ng “Sisirin ko ang pinakamalalim na dagat at aakyatin ko ang pinakamataas na bundok.” o di kaya’y “Ihahandog ko sa iyo ang buwan at bituin.”
Gawa ko na ang balang lulusaw sa ulikba mong buto!!
Likas naman kasi ito sa mga Pilipino, simula’t sapul pa lamang, bago pa nakolonisa ang bayan, mahilig nang magpahayag nang di-tuwiran ang mga Pinoy. Mas pinipili nilang magsalita na nananalinghaga dahil, para sa kanila, mas maganda itong pakinggan at madaling maintindihan at matandaan.
Narito pa ang ilang halimbawa:
Isa kang leong sasakmalin ang kanyang biktima.
Tulad ka ng diamanteng nagniningning sa kalagitnaan ng gabi.
Gumising na ang araw sa silangan.
Siya na ang inatasang maging San Pedro ng aming silid-aralan.
TAYUTAY ang tawag sa mga pahayag na ito. Kapag gumagamit ka ng mga paglalarawan o pahayag na hindi tuwiran, at sa gayon ay nagkakaroon ng katangi-tanging-bisa, gumagamit ka na ng tayutay.
Ang pagiging hindi literal ang pangunahing katangian ng tayutay. Dahil kung literal man ito, kailan mo nga ba nakikitang nagiging leon ang isang tao? O gumigising ang araw? Pero alam mong may mga taong matinding magalit at kapag dumating na ang umaga ay sumisikat ang araw, para bang tao na gumigising sa umaga. Hindi eksakto ang karanasan subalit may katwiran kang gamitin ang mga salitang nabanggit.
Marami ring uri ng tayutay. Subalit kung papansinin mo lamang ang apat na halimbawa kanina, ito ay:
SIMILI o Pagtutulad — anyo na nagpapahayag ng paghahambing ng dalawang magkatulad na bagay. Sa pagsasabing magkapareho, gumagamit ito ng mga salitang: parang, tulad, tila, animo, gaya, paris, mistula at iba pa.
Ang mga halimbawa nito’y:
Tila sumabog na bulkang Pinatubo si Ms. Sungit kaninang kinakausap si David.
Tulad ng bote ng Coke ang katawan ng babaeng nagdaan.
Mistulang yelo sa lamig ang sementong hinihigaan ng batang lansangan.
"Humanda na kayong lupon ni Satanas! Sa aking pagbabalik, parang bulkang sasabog ang mga tumbong ninyo! "
METAPORA o Pagwawangis – nagpapahayag din ito ng paghahambing ng dalawang bagay subalit sa ibang paraan naman. Sa metapora, inililipat sa isang bagay ang mga katangiang dapat ay sa iba. Pinag-iisa ng mga salita ang dalawang bagay na magkaiba.
META = beyond
FORE = form
Ilang halimbawa:
Nabigla ako sa bahay ni Joe. Nakatira pala siya sa isang palasyo.
Manok na putak nang putak na naman ang nanay mo. Bakit galit na naman siya?
Matanda na si Ka Pedring pero bakal na hindi pa kinakalawang ang tibay ng kanyang katawan.
PERSONIPIKASYON o Pagsasatao – sa anyong ito inihahambing, itinuturing o kinakausap ang isang bagay bilang tao, kaya nitong mag-isip, kumilos at dumama na tulad ng isang tao.
Ang mga halimbawa nito’y:
Taimtim na nanalangin ang mga palaka sa paghingi ng ulan.
Mapayapa akong hinahagod ng malamig na softdrink.
Luhaan ang kanyang kaluluwa na lumapit sa Panginoon.
ALUSYON – ang pagtukoy/ paggamit ng mga tao, lugar, o pangyayari sa kasaysayan o mga lumang salaysay upang ipanghalili sa tunay na tinutukoy. Halimbawa, “Si Rob na ang inatasang maging San Pedro ng aming silid-aralan dahil lagi naman siyang pinakamaagang pumasok.” Dito inihambing na si Rob kay San Pedro na tagahawak ng susi ng langit. Dahil si Rob naman ang pinakamaagang pumasok sa mag-aaral, sa kanya na pinamahala ang susi at ang pagbubukas ng kanilang silid-aralan.
Ilan pang halimbawa:
Ang kapitbahay natin ay Sisa na naghahanap sa kanyang bunso.
Si Bb. Santos ang Venus ng ating paaralan.
Nagsilbing Hudas si Brad nang pagtaksilan niya ang kanyang kaibigan.