Lungkot
Danilo B. Abacahin
sana bumbilya ang lungkot:
patay-sindi, patay-sindi, napupundi;
sa isang pindot, sa isang pihit,
napapatid ang kapatid ng puso,
pumipikit na liwanag na pumapaso
sa magdamag
sana damit ang lungkot:
suot-hubad, suot-hubad, napupunit;
higpit ng kapit na nakakalag;
sapin lamang o saplot,
hindi balat ng buhay-kirot
na kulay-inip
sana daga ang lungkot:
labas-masok, labas-masok, nahuhuli
kahit nagkukubli sa mga lungga
ng kaluluwa; pesteng puwedeng
lasunin, akitin sa patibong, ipain
sa pusang gutom
sana lagnat ang lungkot:
init-lamig, init-lamig, nalulusaw
sa pawis, nalulunod sa tiis;
hindi binat na habang-buhay
na bumubulag, bumabalot, lumuluray
ng ulirat
Mga Gabay na Tanong:
Saan-saan inihambing ang lungkot? Bakit dito inihambing?
Ano-ano ang katangian ng kalungkutan?
Bakit higit na mauunawaan ang konsepto ng kalungklutan sa ganitong paglalarawan?
Gamitin ang gugelform na ito sa pagsagot sa mga tanong: