Heto ang dalawang tula. Subukin mong suriin at alamin ang nais sabihin ng tula gamit ang mga talinghaga.
Dalawang Saknong Anim Na Taludtod Ng Paalam
ni Khan dela Cruz
Kuyom ang puso kong hindi
na hahaplos yayakap hahalik
sa iyong nakadamit na katawan.
Wala na itong silbi kundi
panuntok sa pader na laging
mas matigas at hindi nasusugatan.
Kung iyong mapapansin, ginamit na talinghaga rito ang puso. Binuhay ang puso na tulad ng tao, nakahahaplos, nakayayakap, nakahahalik. Subalit hindi na ito muling magagawa sa kausap ng nagsasalita. Para sa nagsasalita, wala nang silbi ang kanyang puso kundi bilang panuntok sa pader, tulad ng isang kuyom na kamao. Subalit higit niyang pinagdiinan ito nang ipahayag niyang ito’y laging mas matigas at hindi nasusugatan.
Maaari bang ito ang kanyang puso? Na sa ngayo’y mas matigas na sa pader at hindi na masusugatan pa? Ang puso ba ang tintutkoy na matigas at hindi nasusugatan? Ano ngayon ang emosyong dala ng nagsasalita? Sa anong tono niya ito ipinahayag?
Basahin mong muli ang ikalawang saknong.
Paano kung ang pader pala ang mas matigas at hindi nasusugatan? Ano ang ipinahihiwatig nito sa puso ng persona na ang silbi na lamang ay panuntok sa pader na ito? Ano ngayon ang emosyong lumalabas dulot ng talinghagang ito? Sa anong tono naipahayag ng persona ang kanyang pamamaalam? Naging maganda bang sabitan ng emosyon ang talinghagang ginamit?
Pamamaalam
ni Khan dela Cruz
Ayan, nasabi ko na. Iyun nga lang, sa utak ko, sa hangin, sa upuan,
sa sahig, sa dingding, sa kompyuter. Hindi sa iyo.
Hindi naman kasi ito kasindali ng
Pagtapon ng bata sa bangin
Paghiwa sa tiyan ng buntis na isda
Pagpigil ng hininga sa ilalim ng maruming tubig.
Hindi ito katulad ng pagbigkas ng Mahal Kita.
Kailangang mamaalam, subalit mahirap itong gawin. Kaya nga nasabi na lamang ito ng nagsasalita sa utak niya, sa hangin, at sa mga bagay na walang buhay. Hindi niya ito masabi sa kanyang dapat pagsabihan. Para sa kanya mas mahirap pa ito sa pagtapon ng bata sa bangin, na sa totoong buhay ay sobra nang hirap gawin.
Hindi rin ito kasindali ng pagpapahayag ng pagmamahal. Kung ganoon, mas madaling magmahal kaysa magpaalam. Masasabi mo bang ayaw magpaalam ng persona dahil mahal na mahal niya ang kanyang kausap?
Hirap ang nagsasalita na magpaalam. Kaya’t iyong tingnan kung paano niya ipinahayag ito sa kongkretong paraan. Pumili ang nagsasalita ng mga bagay na mahirap gawin tulad ng pagtapon ng bata sa bangin (na nangangahulugan ng pagpatay sa walang-malay), paghiwa ng tiyan ng buntis na isda (at maglalabasan ang mga itlog nito), at pagpigil ng hininga sa ilalim ng tubig na marumi (na mahirap na ngang gawin sa malinis na tubig). At sa lahat ng ito, binanggit niyang mas mahirap pa rito ang magpaalam. Sa iyong palagay, anong damdamin ang pinili ng nagsasalita upang ipahayag ang kanyang nararamdaman?
Bigkasin mo nga nang malakas ang tula.
Samakatwid, sa pamamagitan ng mga talinghaga, nadadala ka sa mas tuwiran, mas ekonomikal, at mas epektibong daan ng pag-unawa sa bagay na abstrakto. At dahil na rin sa emosyong nadaragdag dito, nagkakaroon ng karakter ang mga kongkretong bagay na ito, nahihigatan na nila ang kanilang pagiging bagay.