Sa pagsikat ng AlDub, matutunton ang dahilan sa mga “natugunan” nito sa audience: pagtatagpo ng tradisyon at moderno at kaligayahang bigay ng pantasya. Ayon sa manunulat, “napahintulutan” ang pabebe ni Yaya Dub dahil nilagyan din ito ng hangganan ng tradisyon. Habang siya mismo ang nagpapahayag na gusto niyang mapansin siya ni Alden, sumusunod pa rin siya sa tradisyon ng ligawang Pilipino (mala-Maria Clara)—pagpapaalam sa magulang ng babae, pagdadala ng pasalubong, paggalang at paghingi ng payo sa matatanda habang kinikilig na pinagdaraan ang panahong ito sa kanyang pagdadalaga. Sa gitna nito, naipapakilala rin ang mga tatak ng modernong panahon—kailangang ipagdiwang ang weeksary. Hindi na ang dating anniversary. Dahil ipinauunawa ng salita na ang relasyong ito sa panahong ito ay hindi na nakasandal ideya ng “matagal” na pagsasama. Maihahawig ito sa popular na sentimiyentong “walang forever”. Samantala, ang balangkas ng naratibo ng pag-ibig nina Yaya Dub at Alden na mala-Cinderella ang magbibigay ng patuloy na paniniwala sa pantasyang puwedeng mangibabaw sa realidad. Ang mahirap na pabebeng si Yaya Dub ay nakatagpo ng guwapong Alden. Mari Clara at Cinderella—paano nito ipinapahiwatig ang kritika sa lipunang patriyarkal? Babae ba siyang mahina, mabuti ang loob, at lagi nang maghihintay sa kanyang “knight in shining armor”? O ito mismo ang komentaryo ng pabebeng Yaya Dub sa imahen/larawang hinhubog ng patriyarka sa kababaihan? Paano nga ba bibigyang kahulugan ng mga nagpapabebe ang pagkababae? Ayon sa manunulat, mahalaga ring banggitin ang komentaryong “pagpapabebe” ni Mary Jaydeeryn Elias o si Mamon Queen. Dahil ayon sa awtor, naitawid ni Mamon Queen ang posisyon sa pagkababaeng puwedeng magpakyut habang pinupuntirya ang usapin ng pag-uuri-uring panlipunan sa bansa. Sa ganitong pagsusuri sa kulturang pabebe sa bansa, makikita natin kung papaanong sinisipat ng mga Pilipino kung ano itong bagong dumating sa bansa at nagbibigay-daan din sa muling pagbabalik sa sarili. “Para saan kaya?” maitatanong ninyo. Paggigiit ba ng sa atin o pakikiangkop ng atin sa iba/banyaga? Iiwan ko ang tanong na iyan sa inyo.