Tinunton ng manunulat sa mga bansang Hapon at South Korea ang ugat ng popular na pabebe sa bansa. Ang “kawaii” ng Hapon ay kolokyal na salita na nagsimula noong dekada otsenta at lumaganap noong huling taon ng dekada nobenta. Sa tinakbo ng kasasayan ng kawaii, naging isa itong pamumuhay na ipinahapahayag sa disenyo, ginagamit sa wika, paggalaw, pakikipagkapwa, at pagtingin sa sarili. Naging paraan ito sa pagpapahayag ng pagtutol kaugnay ng mahigpit na disiplina na katangian ng paghahanapbuhay sa kanilang bansa. Ang popular na “aegyo” ng South Korea at tatak-Korea na mauugat sa pasikat ng tinawag na Hallyu o Korean wave. Nangyari naman ito noong dekada nobenta. Makikita ito sa kanilang mga palabas sa telebisyon, pelikula, mga popular na kanta, estilo ng pananamit, pagkain, pampaganda, at mga kagamitang teknolohiko. Pinakapopular sa mga Pilipino ngayon ang paggawa ng hugis puso sa pamamagitan ng pinagdikit na hintuturo at hinlalaki. Sa mga nababad sa KDrama at KPOP, kasabay ring natutuhan ang “saranghae” (matinis na binibigkas ). Sa parehong KDrama (lalo na iyong pa-kyut na love story) at KPOP idols (sa kanilang performances/concerts) mapapansin ang eksena ng pagpapakuha ng mga litrato at ang “V” na itinatabi sa mukha--ito ang pagpapakita ng aegyo. Para sa mga Koreano ang aegyo ang daan upang mapansin sila ng nagugustuhan nila. Iyon ang pinagsimulan ng tambalang “AlDub” na sumikat sa Eat Bulaga! Nagpapabebe si Maine upang mapansin ni Alden. Samantala, ang konsepto ng pabebe ay itinumbas sa produktong gaya ng Sanrio dahil sa paglaganap ng aegyo at kawaii sa maraming bansa. Kahit pambata ang Hello Kitty, maraming nahilig na kababaihan dito at iyon ang naging paraan ng kanilang pagpapahayag ng pagpapabebe. Kung minsan, hindi lamang malilit na bagay na Hello Kitty (pitaka, unan, headban, at iba pa) may makikita ring mga kotse na hindi nakaligtas sa artikulasyon ng pabebe ng may-ari. Mula loob hanggang labas punong-puno ng Hello Kitty.