Sa paliwanag ni Capilos, may paghahambing sa indibidwal sa makina na mauugat sa pagsasalikop ng karanasan at teknolohiya. Sa mga sosyologo at siyentistang behebyoral, ang tawag dito ay deshumanisasyon. Napag-usapan na natin ito sa Modyul 3 sa sanaysay na Kubeta ni Kimuell-Gabriel, ganoon ang pagturing sa hindi makataong kalagayan at wari ay eksklusyon ng mahihirap sa lipunan (“animalistic dehumanization” ang uring ito ). Sa sanaysay namang Lobat, nakakabit sa makina ang pagkadehumanisado ng indibidwal, “technological dehumanization ang tawag dito. Paliwanag ng manunulat, ang esensiya nito, nagiging robot na ang pagkilos ng mga tao dahil sa mga kahingian ng lipunang kapitalista at industriyalisado. Kahit ultimo sa paghahanap ng pagkain, tumutugon na ngayon ang tao na parang robot sa itinakdang paraan ng industriyalisadong mundo.