Dahil nga nabago na ang silbi ng obheto at tumungo na sa daigdig ng personalisasyon, ayon nga kay Baudrillard, nagbago na rin ang pagpapahalaga dito mula teknolohikong aspekto patungo sa kultural na aspekto. Ang susing salita samakatwid ay “personalisasyon”. Ganito pa man, hayag na itong teknolohikong aspekto ang may direktang kaugnayan sa pagsulpot ng mga terminong nagtatampok ng kulturang nagpapaunawa ng pamumuhay na babad sa/epekto ng selfon—“kitikitext”, “observe phonetics”, “Don’t text and drive”, “e-load”, “pasaload”, “unlitext” at iba pa. Ang salitang “lobat”, na salitang balbal ay humango sa salitang “battery low” na pinaikli, binaligtad na ayon kay Capilos ay tinaguriang “Tagalog speech disguise” ni Harold Conklin at “transposition of syllables” naman ayon kay Herminia Menez. Ganito pa man, isang pag-angkin na artikulasyon din ng sariling pagpapahalaga at pagpapakahulugan ng mga Pilipino ang salitang lobat. Pakiramdam ito na tumutukoy sa kawalang gana o lakas. Sa ganito, nakikita natin ang uri ng pamumuhay (sa modernong panahon) na kinapapalooban ng mga Pilipino ngayon. Nakauubos din ng lakas. Ngunit dahil nagsalikop na nga ang karanasan sa teknolohiya, gaya ng baterya na puwedeng i-recharge, may ganoon ding pag-asam sa pagpapanibago ng lakas sa pagharap sa ganitong uri ng pamumuhay. Kaya, magkakaroon ng pagkakataon ang mga negosyante sa pag-udyok ng pagkonsumo ng mga nalolobat—mga bitamina at iba pang suplementong pagkain para ma-recharge. Patunay rin ito ng nag-ibang pagtanaw na sa indibidwal.