Magandang halimbawa ng natatanging (unique) teknik sa paglalahad/pag-uulat ang sanaysay na ito ni Capilos. Ginamit niya mismo ang mga karanasan ng tao at proseso sa daigdig ng paggamit ng selfon na pamilyar sa lahat ng tao—opening, sending, at message sent. Sa pagpapaunawa kung paano nagsimula ang pagkawala ng orihinal na kahulugan, ipinaliwanag ng manunulat ang mga karanasan ng pagkalobat ng selfon sa mga pagkakataong krusyal ito sa buhay ng indibidwal. Tinukoy niya ang tatlong magkakaibang kaso ng pagdanas sa selfon na lobat: Kaso blg.1: kaso ng magkasintahang nagkatampuhan at noong magpapasya na ang lalaki na makipagbati sa kanyang nobya, hindi niya nagawa dahil sa paggamit niya ng selfon, pagkaraan niyang pindutin ang “call” button, dead na ang iskrin. Wala nang baterya. Kaso blg 2: kaso ni Inday na nag-aabang sa paboritong programang pantelebisyon na nangakong magbibigay ng isang milyong pisong papremyo. Kahit hindi isang milyon ang mapanalunan, premyong konsolasyon man ay magpapasaya kay Inday. Kaya sa tindi ng pag-aabang, pagkabanggit pa lamang ng host sa numero, nagdayal si Inday. Walang ring sa kabilang linya. Tiningnan ni Inday ang iskrin niya, dead na. wala nang baterya. Kaso blg.3: kaso ng pagkidnap kay Gloria na kahit ikinulong sa kuta at tinalian ng mga kidnapper, nakagawa ng paraan na mapalaya ang kanang kamay at makuha ang selfon na nakasukbit sa kanyang baywang. Gagamitin niya ang selfon upang makahingi ng tulong. May nakainstalang track finder program dito. Tiyak kapag nakatawag siya, maliligtas siya! Ngunit hahanapin pa lamang ni Gloria ang phone memory ng kakilala, dead na ang iskrin ng selfon niya. Wala nang baterya. Ano ang napansin ninyo sa tatlong kasong ito? Tama, para itong komersiyal na pelikulang Pilipino na madalas nating pinupuna sa tatlong sangkap na laging taglay nito—romance/love story, pantasya (sana’y biglang yaman), at aksyon. Subalit, hindi natin inaalintana dahil kahit hindi pelikula o sa totoong buhay natin, marami sa atin kundi pa lahat ay nakadaan o dumaraan sa tatlong sangkap na iyon sa ating makulay na buhay, mga krusyal na karanasan. Ano pa ang napansin ninyo? Tama, uli. Sa bandang dulo na nalalapit na sa resolusyon o inaasam na masayang wakas, hindi ito nangyari. Dahil sa ano? Dahil sa lobat na selfon! Kapansin-pansin sa tatlong kasong ito na ang pagkalobat ng selfon ay naging katumbas ng panghihinayang, kawalan ng loob, at panghihina.
Ganito rin natatangi ang paggamit ni Capilos sa prosesong pamilyar sa daigdig ng selfon na pamilyar sa maraming tao: opening, sending at message sent upang ipaliwanag ang mga impormasyon o datos sa kanyang sinaliksik na paksa. Gamit ang unang hakbang “opening”—ang depinisyon at pinaghanguan ng selfon: “battery low”; ang baterya na aparato at ang “low” na hudyat ng pagkaubos, kulang o nagbabadya ng pagkawala na. Kailangang kargahan ng boltahe ang baterya at ang paggamit dito bilang katumbas ng pakiramdam ng katawan. Matatagpuan naman sa “sending” ang impormasyon o datos sa bilang ng mga mamamayang gumagamit ng selfon at naiimpluwensiyahan na ang pang-araw-araw na pamumuhay sa lahat ng larang. Sa pagpapaunawa ni Capilos sa paksa, ginamit din ang batayan ng kritika ni Jean Baudrillard sa kung paanong nalipat ang kahulugan ng selfon mula sa “pakinabang” sa komunikasyon patungo sa pagiging parte ng kulturang popular na pinakikinabangan ayon na sa anumang pangangailangan ng tao. Isang pagpapaunawa rin ang bahaging ito ng pag-usbong ng mga terminolohiyang may kaugnayan sa selfon, popular sa mga ito ang naimbentong lobat ng mga Pilipino. Gayon din ng usapin ng deshumanisasyon. Sa kanyang “message sent” sa konteksto ng paggamit sa selfon at kung ano ang kahulugang itinawid sa atin ng pagpasok sa buhay at pamumuhay natin ng gadyet na ito. Para kay Capilos, ito ang mensahe: walang dudang sintomas ito ng problemang hatid/bunga ng modernisadong mundo ngunit sa isang banda ay nagtampok sa pagkamalikhain ng mga Pilipino--lumihis at hindi nagpatali sa itinakdang silbi ng selfon sa sariling pamumuhay.