Ang buong komunidad ng Ateneo Junior High School ay lubos na nangungulila sa biglaang pagpanaw ng isang kasama, guro at kaibigan.
Nangungulila kami dahil tila ba ay nawalan kami ng isang kasama na may matinding adhikain na mahubog ang bawat isang mag-aaral na maging mapagmahal sa bansa at sa Diyos.
Nangungulila kami dahil nabawasan na naman ang sintang paaralan ng mahusay at masigasig na guro. Isang guro na handang magtaya upang maisakatuparan ang mga paniniwala at pinaninindigan ng paaralan.
Nangungulila kami dahil, higit sa lahat, ay nawalan kami ng napakabuting kaibigan na parating handang tumulong at umagapay sa lahat ng buong-puso.
Mabigat at may kurot sa aming puso ngayon dahil sa biglaan mong pagkawala. Sa kabila ng lahat ng tulong at suporta mula sa napakaraming nagmamahal sa 'yo, tila hindi pa rin ito naging sapat. Paumanhin. Hindi siguro namin lubos na maiintindihan ang dahilan ng Diyos, ngunit alam namin na mas masaya ka ngayon sa piling Niya.
Salamat sa iyong dedikasyon at pagsisilbi sa Ateneo at sa mga katuwang na komunidad natin. Isa kang napakagandang halimbawa kung paano maging tao para sa kapwa, sa bansa, at sa Diyos!
Humayo kang mapayapa at baunin mo ang aming pasasalamat, pagmamahal at panalangin.
Paalam, Ser Bok!
Si Ser Bok bilang guro ng CSIP
Siya ay unang nagtrabaho sa Ateneo bilang guro sa Kagawaran ng Filipino at dahil sa kanyang matinding adhikain na mahubog ang mga mag-aaral na maging magpagmahal sa bayan at sa Diyos ay ninakis niyang lumipat sa Programa sa Kristiyanong Paglilingkod at Pakikisangkot o CSIP. Naging matingkad ang CSIP dahil sa tulong ni Ser Bok at ibinuhos n'ya ang lahat ng kanyang kakayanan para mas ilapit ang mga programa sa mga mag-aaral, mga kapwa guro at kawani ng paaralan, at iba't ibang komunidad na katuwang ng CSIP.
Tunghayan natin ang isa sa bidyo habang kanyang pinoproseso ang mga katuwang na pamilya ng Damay Immersion Program mula sa Sapang Palay - F sa Bulacan:
Si Ser Bok sa mata ng mga mag-aaral
Hindi maitatanggi na ang pagiging palakaibigan ni Ser Bok ay ramdam din ng mga mag-aaral na kanyang naturuan at nakasalamuha. Madalas s'yang puntahan ng mga mag-aaral upang makipagkwentuhan o humingi ng payo. May mga mag-aaral pa nga na bumabalik sa paaralan upang mabisita at makakwentuhan lang siya.
Kakaiba ang impluwensya ni Ser Bok sa mga mag-aaral kaya naman siguradong marami s'yang naitanim na binhi sa puso't isipan ng bawat mag-aaral na nakausap at nakarinig ng kanyang kwento, turo at pangarap, hindi lamang sa sarili kundi para din sa bayan. Kaya naman siguradong darating ang panahon na ang mga binhi na ito ay yayabong at mamumunga. Tulad nga ng nasabi ng kanyang estudyante na si Neo Aison sa kanyang Facebook account:
"Pangako namin ang pangarap mo, Ser Bok. Tutupdin namin ito."
"Gaya ng nakasaad sa koro ng paborito niyang kanta, nagtuturo siya sa mga maykaya upang anyayahan at himukin silang alamin at awitin ang mga mapagpalayang awit, dahil dito niya itinaya at inialay ang buong buhay niya, sa pag-asang kahit isa man lang sa tanang tinuruan niya ang tumupad sa kaniyang pangarap."
________________________________________________
Mula sa panulat ni Neo Aison