PURO KA GALA!
PURO KA GALA!
Nakakagalit na palaging kasama ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang mga pandaigdigang kaganapan ang kanyang pamilya, pati na rin si House Speaker Martin Romualdez. Hindi na nila inisip ang paglobo ng gastusin ng bansa sa kanilang mga paglalakbay sa labas ng bansa.
Tinatayang 9 na bansa ang binisita ni Marcos sa kabuuan ng 2023 kabilang ang Tsina, Switzerland, Hapon, Amerika, United Kingdom, Indonesia, Malaysia, Singapore, at Saudi Arabia. Dalawang beses niyang tinungo ang Amerika, Hapon, at Indonesia. Nakakatawang isipin na nagawa nilang gumastos ng napakalaking halaga para lang sa kanilang pagpaparangya at pagpapasarap sa ibang bansa habang karamihan sa mga Pilipino ay patuloy pa ring naghihirap.
Tumaas ng 995 porsyento ang travel expenses ng tanggapan ng pangulo simula nang umupo si Marcos. Ang kapal talaga ng mukha ng kasalukuyang administrasyon para ipagpatuloy ang ganitong gawain kahit na kasalukuyan tayong may utang na PHP 14.6 T.
Kahit na nagnanais lamang si Marcos na magkaroon ng maraming foreign investors sa ating bansa na maaaring makapagbigay ng trabaho sa mga Pilipino, nakakapanglumo pa rin na makitang ganito kalaki ang kanyang ginugugol para lang sa kanyang foreign travels.
Dapat lang niyang bawasan ang kanyang paglalagalag sa ibang bansa. Hindi pa ito ang tamang panahon para maglustay ng milyun- milyong pera para sa mga paglalakbay na wala namang nasisiguradong benepisyo sa taumbayan. Sa halip, dapat suportahan ng pamahalaan ang mga lokal na negosyo upang mamayani ang Pilipino sa merkado.