Kasabay ng pagbabago ng sikat na Social Media platform na Twitter sa bago nitong pangalan na X ay ang unti- unting pagpait ng tamis ng kabataan, kapalit ang init ng kalaswaan. Ang lugar kung saan nag-uugnay ang maraming tao sa mundo ay nauwi sa madumi laro ng negosyo. 

Kilala ang lugar na ito bilang isang tila “online diary” kung saan ikaw ay may kalayaan maghayag ng iyong nararamdaman sa politika, kasiyahan, persona o kahit anuman, maging ang kalaswaan. Dito, maraming tao ang nakapaligid sa iyo, mayroon din silang laya na ito ay I-retweet, I-heart, o magbigay ng mga kumento. 

Subalit sa gitna ng laya, pag-ibig at saya ay may nakakubling isang madilim na bahagi ng X, at ito ay maaring marating sa pamamagitan ng isang Hashtag- ang Hashtag #Alter. Para sa mga gumagamit ng X o Twitter, hindi na ito bago subalit dahil sa pag-usbong ng teknolohiya, ang bahaging ito ay naging kilala. Sa isang refresh, Taas at baba ang mga content ng kalaswaan. Mga litrato at bidyo ng katawan kundi isa na ring lugar para sa maduming bentahan. 

Sa gitna ng pagpapasaya sa gising na laman ay marami dito ang nakatago ang katauhan. Nagpapalaro upang makakuha ng kasikatan kapalit ng pagbabahagi ng imahe ng pribadong bahagi ng katawan. 

Walang ideya kung ito ba ay galing sa isang nakatatanda,o galing na lamang sa sang bata. Dahil sa kahirapan at upang malamanan ang kumakalam na tyan, handa kahit mga bata na ipagbenta, ipahawak at magpahulog sa mapusok na galamay ng katiwalian at karahasan sa ngalan ng pera. May mga pagkakataong wala sa mga palaruan, o paaralan ang mga batang ito, Doon sila matatagpuan, sa mga mall o panuluyan kasama ang kanilang mga nakilala sa Twitter. 

Hindi para makipagkaibigan, hindi para lasapin ang tamis ng kabataan, hindi para ipahinga ang katawan bagkus upang makipag-patintero sa laro ng kalaswaan, ipinahahawak ang katawan kapalit ng laman tyan. 

Ang maduming kabuhayan ng mga batang ito na may palitan ng pawis at katas ay maaring magdulot ng pagkahulog sa patibong ng isang sakit na walang lunas- ang HIV. Ang trese, katorse at kinse ang edad kung saan dapat sila ay napoprotektahan at labis na inaalagan dahil sa oras na sila ay mahulog sa maduming laro ng ilegal na kalaswaan, walang batang masayang maglalaro sa mga lansangan, tataas ang kamay sa tuwing may recitation sa paaralan, nakangiting kakain sa hapag-kainan dahil sa huli, hindi na sila magiging bata muli. 

Sila ay mga indibidwal na hilaw pa ang kaalaman at hindi ito isang imbitasyon upang sila ay pagdausan. Sila ay anak ng mga magulang, kaibigan ng maraming tao , kapatid at kayamanan sa isang tahanan. Hindi isang laruan lamang.