HULING BIPBIP NG DYIP
HULING BIPBIP NG DYIP
Noong Disyembre 31, 2023, tuluyan ng pumarada ang mga hari ng kalsada dahil sa ‘jeepney phaseout’ para bigyang daan ang modernisasyong pinapantasya ng pamahalaan para sa transportasyon. Matapos ang pitong taon na pakikipaglaban ng mamamayan para tutulan ang ‘PUV Modernnization’ ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB, ang hari ng daan tuluyan ng inagawan ng kaharian. Ang aksyon na ito ng pamahalaan para sa modernisasyon ng transportasyon ay tila isang pangiiwan sa mga drayber ng dyip sa kabila ng pagbabago.
Sa kasalukuyan, 200,000 libong mga dyip ang pumapasada sa iba’t ibang kalye o kalsada sa Pilipinas, siyam na porsiyento lamang ito sa mga sasakyan na nakarehistro sa bansa. Ayon sa Blacksmith Institute and Clean Air Asia, 15 porsiyento lamang ng polusyon sa bansa ang nag mumula sa mga dyip, multicab, at UV express, ito ay ang mga green house gasses tulad ng carbon dioxide na namumula sa usok ng mga sasakyang ito. Ayon sa LTFRB, sampung beses na mas hindi ligtas ang mga dyip para sa komyuter kumpara sa mga makabagong dyip, ito ay dulot ng katandaan ng piyesa at maging ng buong sasakyan na karamihan ay pumapasada. Pero sigaw ng taong bayan, bakit hindi ang halos 90 porsiyento ng mga pribadong sasakyan ang gawing modernisado sapagkat sila ang may kakayahan na magsagawa nito? Bakit sa kabila ng ulat ng LTFRB na hindi ligtas ang mga dyip, patuloy padin itong naghahari sa kalsada?
Mahigit kumulang 80 taon ng naghahari sa kalsada ng Pilipinas ang mga dyip. Naging parte na ito sa bawat araw at tagumpay ng bawat Pilipino at maging ang bumubuhay sa madaming pamilya sa bansa. Ang programa ng pamahalaan na ito ay hindi makatarungan sapagkat lalo lang nitong ibabaon sa kahirapan ang mga tsuper na barya na nga lang ang kinikita sa araw araw. Makatarungan ba ang pagpapatupad ng mga modern jeepneys na nagkakahalaga ng humigit kumulang 2.5 milyong piso laban sa 650 pesos na kinikita ng mga drayber ng dyip sa araw araw? Mukhang sa bagong Pilipinas, dehado at iwan ang karamihan sa mga Pilipino.
Hindi lang ang mga tsuper ang maaapektuhan ng modernisasyon na ito sa transportasyon, pati na rin ang mga komyuter na araw araw sumasakay ng dyip ay maapektuhan din dahil sa dagdag singil sa pamasahe kapag ang mga makabagong dyip na ang pumapasada sa kalsada. Hindi ito nailagay sa konsiderasyon ng mga taong naka upo, dahil ang modernisasyong kanilang tinatanaw ay para lang sa mga nasa itaas na antas ng lipunan at ang mga tsuper na nasa laylayan, ano ang pagkukunan?
Isa din itong pagkitil sa kultura ng bansa. Tanging ang Pilipinas lamang ay may ganitong klase ng transportasyon dahil ito ay nagmula sa mga dyip ng mga amerikano na kanilang iniwan dito pagkatapos ng ikalawang digmaang pang daigdig. Naging simbolo na ng lahing Pilipino ang dyip na ito. Hindi na maiaalis ang dyip sa Pilipinas at hindi nadin maiaalis ang Pilipinas sa dyip. Mahalaga ang dyip sa kuluturang Pilipino dahil isa ito sa mga nagpapakita ng ating pagkakakilanlan. Parte na ng buhay ng karamihan ang dyip, ngunit kahit anong laban, kahit anong daing ng mamamayan, nananatiling nagbibingi bingihan ang pamahalaan na mas lalong nagpapahirap sa bawat mamamayan.
Hindi maikakaila na kaakibat ng pagbabago ng panahon ang modernisasyon. Ngunit hindi makatarungan at makatao kung ang pagbabago na ito na inaasam ng gobyerno ay ang lalong magpapahirap sa bawat Pilipino. Para sa mga tsuper, ito ang pinakamalaking ‘1 2 3’ na kanilang naranasan sa kanilang pamamasada, sapagkat hindi lamang pasahe ang nawala sa kanila, kundi hanap-buhay, kaibigan at maging tahanan. Ang bangungot na dala ng pamahalaan na ito sa mga tsuper, ay syang tuluyang nagtanggal ng busina sa kapangyarihan at boses ng mamamayan