SINA MA'AM AT SIR NAMAN
SINA MA'AM AT SIR NAMAN
Ayon sa sikat na manunulat sa filipino na si F. Sionil Jose, “Ang trabaho ng mga guro ay hindi lamang sa labas ng silid-aralan ngunit maging sa hinaharap” ngunit paano ang kinabukasan ng mg1a guro kung ang trabaho ng buong kamaestrahan ay pangalagaan ang kanilang mga estudyante sa kalusugang pangkaisipan man o pisikal; sino naman ang sasalo sa kanila?
Ang kalusugang pangkaisipan ay kabilang sa mga pangunahing isyu na kinahaharap matapos ang nangyaring pandemya, lalo na sa mga kabataan na kabilang sa sektor ng edukasyon.
Sa pagbalik ng face-to-face class, napansin ang pagdami ng populasyon ng mga estudyante na apektado ang kaisipang pangkalusugan na binigyang pokus at aksyon naman ng mga eskwelahan, ngunit sa napakatinding pokus, tila nakalimutan ng institusyon na ang mga guro ay nakaranas din ng pandemya.
Para sa akin, hindi maaaring sa mga estudyante lamang ang maging pokus ng institusyon sapagkat kabilang din ang mga guro sa sektor ng edukasyon. Hindi ito nangangahulugang na alisin ang pokus sa mga estudyante datapwat bigyan din ng balanse at parehong atensyon ang mga maestra para makabuo ng mas produktibong kapaligiran sa silid-aralan.
Hindi lamang ito tungkol simpleng pangangamusta sa kanila ngunit ito’y tungkol din sa pagbibigay pansin sa kanilang mga hiling na bawasan ang sobra- sobrang workload na iniaangkla sa kanila na patuloy na nakakaapekto sa iba’t ibang aspeto ng kanilang kalusugan.
Bilang isa sa mga haligi ng lipunan, nararapat lamang na magsagawa ng karampatang aksyon ang administrasyon at mga katuwang na departamentong responsable sa sistema ng edukasyon ng bansa para matulungan sila sa kasalukuyan at higit lalo sa hinaharap para sa pagpapatuloy nila sa paggabay sa inaasahang pag-asa ng bayan.