PELIGROSONG PAGHINTO
PELIGROSONG PAGHINTO
Tinuldukan na ng CNN Philippines, isang tanyag na broadcasting channel ang pagpapalaganap ng makatotohanang mga impormasyon nitong nagdaang Enero 31, 2024. Lubos na nakababahala ang pangyayaring ito lalo na at paunti ng paunti ang mga news at media outlet dito sa Pilipinas na maaasahan sa larangan ng pamamahayag na nagbunsod sa patuloy na paglaganap ng pekeng balita sa lipunan.
Ang larangan ng pamamahayag ay isa sa mga pinakamahalagang haligi ng isang bansa. Sa pamamagitan nito, ang bawat mamamayan ay nagkakaroon ng kaalaman hinggil sa mga pangyayaring pambansa at pandaigdig.
Samakatuwid, nakakapangambang makita ang paghinto sa pagbibigay-serbisyo ng isa sa mga kilalang pinagmumulan ng mapagpalayang balita at impormasyon. Isang malaking problema ang paglaganap ng pekeng balita hindi lamang sa ating bansa, kundi sa buong mundo.
Ayon sa istatistika, naitalang 9 sa 10 tao sa Pilipinas ang naniniwalang isang malaking suliranin ang pagkalat ng pekeng balita sa ating lipunan. Alinsunod dito, 68% ay naniniwalang sa internet napupulot ang pekeng balita at 67% naman ang naniniwalang sa telebisyon ito nagmula.
Maihahalintulad naman natin dito ang nangyaring pagsasara ng ABS-CBN, isa rin sa mga kilalang news outlet sa bansa. Sa pangyayaring ito, nawalan din ang mga PIlipino ng pagkukunan ng impormasyon at ito rin ang siyang nagdulot sa pagdududa sa gobyerno ukol sa kanilang pagsusulong ng press freedom sa bansa.
Dulot nito ang kawalan ng trabaho ng mga ordinaryong manggagawa natin. Sa paghinto ng CNN Philippines, 300 na empleyado ang naitalang naapektuhan ng pagkawalang ito. Tumataas din ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho; at dahil dito, lubusang maaapektuhan din ang ekonomiya ng Pilipinas. Lalong bababa ang tinatawag na Human Resources ng bansa.
Kung talagang may paninindigan ang ating gobyerno sa kanilang pangakong patatagin pa ang press freedom, kailangan nilang gumawa ng isang panukalang higit na magpapatibay rito.
Bagkus, maaaring patuloy pang lumaganap ang pekeng balita sa ating bansa at malinlang ang mga Pilipino ng mga mapagbalatkayong impormasyon. Samakatwid, maaaring ito ang makaimpluwensiya sa hindi mabuting pagdedesisyon, pag-uugali, at paggawa ng mga mamamayan.
Upang mapatibay ang kalidad ng pamamahayag sa bansa, nararapat lamang na magsagawa ang ating gobyerno ng panukalang sumusuporta sa mga mamamahayag at sa kanilang kalayaang magpahayag ng totoong impormasyon.