SUMOSOBRA KA NA!
SUMOSOBRA KA NA!
Sa muling pagbubukas ng school cafeteria noong 2022 matapos ang pandemyang hinarap ng bawat estudyante at miyembro ng paaralan sa Unibersidad ng Batangas, maraming batikos ang inabot ng mga pagkain dito dahil sa sobrang tataas ng mga presyo nito. Karamihan sa mga mag-aaral at mga guro ay hindi nasisiyahan sa presyo ng mga pagkain sa kapiterya.
Ayon sa mga estudyante, madalang silang bumili sa kapiterya ng UB at mas pinipili na lang bumili sa labas dahil mas makakamura sila ng mabibili. Karagdagan dito, maraming mag-aaral ang hindi kayang bilhin ang mga pagkain dito sa sobrang mahal nito kaysa sa mga kainan sa labas ng paaralan. Kailangan itong masolusyonan kaagad dahil maraming kabuhayan ang maaapektuhan dito sa hindi pagbili ng mga estudyante sa mga binebentang pagkain at maaaring masayang ang mga binebentang pagkain.
“Sobrang mahal ng mga bilihin sa kantin, sa labas na ‘ko nabili kasi mas maraming pagpipilian na mas abot-kaya kumpara sa loob ng paaralan. Kahit P100, hindi ka pa rin mabubusog sa sobrang mahal ng pagkain. Nasasarapan naman ako sa pagkain at komportable ako sa pasilidad, pero mas matimbang ang presyo nito kaysa sa lasa ng kinakain ko kaya mas pinipili ‘kong bumili sa labas para makapag-tipid ako,” saad ni Marcus Dimaano, Grade 10 student.
Bagama’t sumobra ang presyo ng mga bilihin, isa sa mga dahilan kung bakit ganito ang sitwasyon sa kapiterya ng paaralan ay ang inflation na tumataas pa rin na labis na nakakaapekto sa mga negosyo at sa mga konsyumer kaya napipilitan itaas ang mga presyo ng mga pagkain dito. Ngunit kailangan maglaan ng atensyon at sapat na pamamahala ang paaralan upang hindi malugi ang mga nagtitinda at ang mga mamimili.
Sa aking pagpasok sa eskwelahan, kalimitan ‘kong napapansin tuwing oras ng recess at lunch na may mga estudyanteng dumederetso sa labas at doon bumibili ng pagkain nila para sa oras na iyon. Maging ang sarili ko ay bumibili sa labas dahil mahal ang mga paninda sa kantin. Ganito ang nangyayari araw-araw dahil kung mas pipiliing bumili sa loob ng paaralan, wala nang matitirang pera sa iyo.
Sa isyung ito, nararapat na mapansin at masolusyonan ang problemang ito sapagkat kailangan ng mga estudyante at ng iba pang tao sa UB na makakain na hindi gagastos nang malaki. Mahalagang mapansin ang pagtaas ng presyo sa mga bilihin upang magkaroon ng mga alternatibong paraan na makikinabang ang lahat at mabigyang-pansin ang mga mag-aaral na nagtitipid o hindi makabili ng pagkain.
Hindi maitatanggi na mahirap na ang panahon ngayon sa sobrang taas ng presyo ng mga pagkain. Hindi lang ang mga konsyumer ang naaapektuhan pati rin ang mga nagbebenta sa kantin. Hindi dapat hinahadlangan ng napakalaking presyo ang mga mamimili sa kapiterya pagdating sa pamimili nila ng mga produkto. Maaaring magdulot ito ng malubhang problema ang kakaharapin ng lahat kung hindi ito maaaksyunan dahil hindi nakasisiguro kung maaayos pa ang problema ng presyo ng mga pagkain sa school cafeteria ng nasabing paaralan.