HANGGANG SAAN ANG DISIPLINA?
HANGGANG SAAN ANG DISIPLINA?
Tama na, sobra na! Mahalaga ang pagkakaroon ng disiplina sa pagsasaayos ng karakter at kaugalian ng isang mag-aaral subalit lumilihis ito sa magandang layuning dapat nitong taglayin kung nagmimistula na itong rehas na pumipigil sa mga estudyante sa pagkamit ng kanilang kabutihan.
Hindi ko lubos mawari na kailangang pakahigpitan ng disciplinary officer ng Unibersidad ng Batangas (UB) ang pagpapatupad ng mga nakatalang probisyon sa student handbook kahit sa mga estudyanteng puspusan namang tumatalima. Kahit kailan ay hindi magiging katanggap-tanggap ang tahasang paghihigpit ni Bb. Maria Concepcion Aglibut o mas kilala bilang Ma’am Macon na nagdudulot minsan ng sobrang takot at pangamba sa mga mag-aaral na kagaya ko. Tumatak na sa aking isipan ang isang bagay na ginawa niya sa akin na kanyang ihiningi naman ng tawad kalaunan, iyon ay ang pagbulyaw niya sa akin kahit na ipinapaliwanag ko lamang ang kadahilanan kung bakit hindi ko kaagad nakuha ang aking school identification card dahil na rin sa hindi pagkakaroon ng naaangkop na tabas ng buhok alinsunod sa student handbook.
Isa pa nga ay ang haircut policy na ipinapatupad sa paaralan. Bakit ba kailangan pa ang ganitong bagay ganoong hindi naman ito nakakaapekto sa pagkatuto ng mga mag-aaral? Tila ba binibigyang-pokus pa ito ng paaralan sa halip na ang paglaanan ng pansin ay ang pagpapahusay pa sa kalidad na edukasyon na ibinabahagi nito sa mga estudyante. Katawa-tawa na nag- aaksaya ng oras ang paaralan para sa bagay na ito na wala namang gaanong kabuluhan.
Ang isa pang bagay na talaga namang nakakainis ay ang palagiang paghingi ng disciplinary officer ng slips sa tuwing liliban o mahuhuli ang mga mag-aaral sa klase. Naalala ko tuloy ang karanasan ng isa sa mga kaklase ko na napilitang asikasuhin ang mga bagay na ito kaysa makinig sa aming guro sa oras na iyon. Nasayang ang isang oras niya sa paglilibot para lang makapangalap ng kopya ng slips na iyon. Sa halip sana na nakinig na lang siya sa klase ay ginugol pa niya ang kanyang oras para sa isa o dalawang piraso lamang ng papel. Nakakapanlumo!
Bukod sa lahat ng nabanggit, nakakagalit din ang palagiang pagsita sa mga mag-aaral na nahuhuli sa pagpapasa ng non-compliance sheets kahit na ang dahilan naman ay katanggap-tanggap. Mas dapat pa ba naming unahin ang mga ganoong bagay kaysa sa paggawa at pagpapasa ng mga aktibidad na ibinibigay sa amin ng mga guro? Nakakatawang isipin na ang mga bagay na wala namang gaanong kawawaan ang gusto nilang mas bigyan namin ng pansin.
Batid ko namang mahalaga ang pagkakaroon ng disiplina at mga polisiya sapagkat ito ang nagsisilbing pamantayan sa kung ano ba talaga ang tama sa mali subalit dapat din namang isaisip na ang lahat ng sobra ay masama. Panahon na marahil upang hindi magbulag-bulagan ang paaralan, maging si Ma’am Macon, na dapat matigil na ang walang kabuluhang paghihigpit sa mga mag-aaral na pinipili namang sumunod sa mga polisiyang ibinibigay ng pamantasan.
Sa halip na disiplinahin, mahalagang maikintal sa mga mag- aaral ang mga bagay na maaari nilang maiwasan kung pipiliin nilang makinig o sumunod. Mas mainam kung babawasan ang paghihigpit para naman maramdaman ng mga mag-aaral na ang UB ay isang lugar kung saan malaya silang gawin ang kanilang nais basta hindi ito makasasama sa iba at sa kapwa.