CHILD PROTECTION POLICY
Ang mga mag-aaral na wala pang 18 taon ay itinuturing na “Bata” kaya nararapat na sila ay pangalagaan at proteksyunan. Bilang isang bata kailangan nila ang pagkalinga, pagmamahal, ipagtanggol sa anumang panganib, pagpapasensyahan at masusing pang- unawa sa kanilang mga pagkakamali at mga pagkukulang. Ang mga guro sa paaralan ay kanilang pangalawang magulang na kailangang gumabay at magbigay payo sa ikabubuti ng kanilang pag-aaral.
Ang SFNHS ay dapat magkaroon ng Komite (Child Protection Committee) na mangangalaga at magdedesisyon para sa kapakanan ng mag-aaral.
Ang lahat ng guro at iba pang nanunungkulan sa paaralan ay dapat mabigyan ng kaalaman at oryentasyon tungkol sa wastong pagtrato at pangangalaga sa mga mag-aaral alinsunod sa mga batas ng Child Protection Policy.
Ipinagbabawal sa mga guro ang anumang uri ng eksploytasyon.
a) Pag-uutos na walang kaugnayan sa gawain sa paaralan, pagpapatinda ng anumang produkto, utusan ang mag-aaral na maglinis sa labas ng paaralan.
b) Ipinagbabawal ang anumang anyo ng Favoritism, pagbibigay ng sobrang pabor sa mag-aaral dahil siya ay kaibigan, kamag-anak, inaanak, pinsan, pamangkin na may kaugnayan sa marka at mga gawain na magiging dahilan ng hindi pantay na pagtrato sa mga mag-aaral.
Ipinagbabawal ang anumang uri ng diskriminasyon o pagtatangi dahil sa hitsura, kulay ng balat, sekswalidad, kinabibilangang relihiyon, pangkat etniko o rehiyon, katayuan sa buhay at kapansanan.
Ipinagbabawal ang anumang uri ng pananakit, pisikal, sikolohikal, emosyonal na pwedeng isagawa ng berbal, sa pamamagitan ng text o facebook o anumang midyum na makakapagdulot ng sakit sa kalooban.
PISIKAL – paghampas, pagsampal, pagsipa,pagpalo,pagsabunot sa buhok, pagkurot,paghatak, pagtulak, pag-untog, o kahit anumang paaraan makakasakit sa mag-aaral.
Sikolohikal (Psychological) – paninira, pamimintas, pag-alipusta, pagpapahiya, pananakot, pagbabanta o kahit na anumang paraang makakapagdulot ng “mental stress” sa mag-aaral.
Emosyonal / Berbal - pagbigkas o pagsasalita ng hindi maganda sa mag-aaral gaya ng pagmumura, panlalait, pamimintas, panunuri, paghahambing, pagpaparinig, bastos na mga salita o anumang paraang makakapagdulot ng sama ng loob at sakit sa damdamin ng mag-aaral.
Ipinagbabawal ang anumang pagpapahayag ng pagka gusto ng guro sa mag-aaral sa kahit anong paraan.
Ipinagbabawal sa mga guro ang pakikipag-usap ng sarilinan, pagiging sobrang malapit ng guro sa mag-aaral, pagreregalo na may kakaibang kahulugan, pagpapadala ng mensahe sa text o facebook.
Ipinagbabawal sa mga guro ang paghipo sa anumang bahagi ng katawan ng mag-aaral, babae o lalake.
Ipinagbabawal sa mga guro ang pagpatol sa mga mag-aaral na nagkakagusto o nahuhumaling sa kanila na ipinahahayag ng derekta sa text o facebook upang iparating sa guro ang kanilang saloobin.
Anumang problema sa mag-aaral na may kaugnayan sa pagkagusto o pagkahumaling ng mag-aaral sa guro ay dapat ipagbigay alam sa magulang at guidance counselor at child protection committee.
Hindi dapat kausapin ng sarilinan ang mag-aaral ng guro o advisers sa mga seryosong problema na hindi kaharap ng guidance counselor at magulang.
Dapat ipaskil sa loob ng silid aralan ang Child Protection Policy.
Ang relasyon ng guro sa mag-aaral ay dapat parang magulang sa kaniyang anak na hindi dapat mauwi sa anupaman.
Dapat iwasan ng guro ang mga gawaing labag sa Child Protection Policy.
Ang Child Protection Committee lamang ang may karapatang magbigay ng desisyon tungkol sa pagbibigay ng mabigat na parusa sa mag-aaral gaya ng suspensyon ng higit sa tatlong (3) araw, ekspulsyon o pag-tanggal sa mag-aaral sa paaralan.