Ikatlong Pambansang Kumperensiya sa Pilosopiyang Pilipino
Tema: Pilosopiyang Pilipino: Pag-uugat, Hamon, at Direksiyon
Sa mga nagdaang dekada, patuloy ang mga pagpupunyagi na maunawaan, pagyamanin at palawigin ang Pilosopiyang Pilipino. Bilang isang larangan, nag-uugat ang Pilosopiyang Pilipino sa mga unang pagtatangkang pangkaisipan ng ilang mga Pilipinong iskolar at edukador na tuklasin at tukuyin ang isang pilosopiya na nakaugat sa karanasan, kultura, wika, at kasaysayan ng sambayanang Pilipino. Sila ay naglatag ng matitibay na pundasyon sa pagtataguyod ng isang paraan ng pamimilosopiya na natatanging Pilipino — pag-iisip na hindi hango sa banyagang pananaw kundi sumisibol mula sa sariling karanasan at perspektibo ng mga Pilipino. Inaanyayahan ng kumperensiyang ito ang mga iskolar na muling balikan at suriin ang kasaysayan, simulain, at ambag ng mga unang haliging nagtaguyod ng Pilosopiyang Pilipino.
Gayunman, sa kabila ng mga pundasyong ito, humaharap pa rin ang Pilosopiyang Pilipino sa mga seryosong hamon tungo sa mas malawak na pagkilala at pagtanggap—sa loob man ng akademya o sa mas malawak na diskursong intelektwal. Isa sa mga pangunahing usapin ay ang patuloy na pagtatalo kung ano nga ba talaga ang bumubuo sa Pilosopiyang Pilipino: Ito ba ay pilosopiyang isinulat ng mga Pilipino? Sa wikang Pilipino? O pilosopiya tungkol sa karanasan ng mga Pilipino? Bukod pa rito, patuloy pa ring nangingibabaw ang impluwensiya ng Kanluraning kaisipan at teorya sa mga diskursong pilosopikal – etika, metapisika, epistemolohiya at iba pa – na kadalasang nagbubunga ng pag-iisantabi sa lokal at katutubong kaisipan. Sa kontekstong ito, layunin ng kumperensiya na lumikha ng espasyo upang mapagnilayan ang mga isyu at hamong ito sa Pilosopiyang Pilipino at makahanap ng mga makabuluhang tugon sa mga hamon.
Ang ikatlong bahagi ng tema ay nakatuon sa hinaharap: Saan patutungo ang Pilosopiyang Pilipino? Ano ang mga kasalukuyang direksiyong tinatahak nito? Anong papel ang ginagampanan nito sa iba't ibang larangan tulad ng pulitika, edukasyon, araling kultural, katutubong kaalaman, kalikasan, kasarian, at teknolohiya? Sa kasalukuyan, nasasaksihan natin ang paglago ng Pilosopiyang Pilipino sa pamamagitan ng paggamit ng katutubong wika, ng mga oral na tradisyon, ng pampublikong diskurso, at ng interdisiplinaryong ugnayan. Gayundin, mahalaga ang usapin ng pedagohiya: Paano itinuturo ang Pilosopiyang Pilipino sa paraang makabuluhan, makabago, at may kakayahang humubog ng kamalayan ng mga bagong henerasyon? Layunin ng kumperensiyang ito na itampok ang mga makabago at mapanlikhang pamamaraan sa pag-aaral, pagtuturo, at aplikasyon ng Pilosopiyang Pilipino sa ating panahon.
Sa kabuuan, ang pambansang pagtitipong ito ng mga pilosopo, iskolar, guro, at mananaliksik ay isang panawagan upang higit pang pagyamanin ang kolektibong pagmumuni-muni sa Pilosopiyang Pilipino—mula sa pinagmulan nito, sa kasalukuyang hamon, at hanggang sa mga direksiyon at posibleng landas nito sa hinaharap. Sa pamamagitan ng masusing pag-unawa sa mga ugat nito, pagharap sa mga hamon, at pagbubuo ng mga pananaw sa hinaharap, ating itinataguyod, pinalalawig, pinalalalim at pinayayabong ang ating sariling kaisipan at pag-iisip, ang ating sariling pilosopiya at pamimilosopiya.