Sa pagdaraos ng Ikatlong Pambansang Kumperensiya sa Pilosopiyang Pilipino sa darating na Pebrero 26-28, 2026, mahalagang balikan ang pinagmulan at kasaysayan ng mga naunang pagtitipon na naglalayong payabungin ang diskurso sa Pilosopiyang Pilipino.
Sa mahigit dalawampung taong lumipas mula nang ganapin ang serye ng mga kumperensiyang ito, anu-ano kaya ang ating mga mapapagtanto sa mga naganap na pagbabago, direksyon, at pag-unlad ng Pilosopiyang Pilipino mula noon hanggang ngayon?
Ang unang pambansang kumperensiya ay ginanap noong Setyembre 24-25, 1998 sa SEARCA Auditorium, UPLB. Ito ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Departamento ng Humanidades (UPLB), Sentro ng Wikang Filipino (UP Sistema), Departamento ng Pilosopiya (UP Diliman), at Kolehiyo ng Agham at Sining (UPLB).
Sa pagbabalik-tanaw, ang mga nakalap na mga bagay mula sa kumperensiyang ito ay makikita sa mga larawan. Ito ang kit, ilang papel na binasa at/o ipinamahagi, at mga aklat na inilunsad.
Ang ikalawang pambansang kumperensiya ay ginanap noong Oktubre 28-29, 1999 sa Science Teacher Training Center (STTC) Auditorium, NISMED, UP Diliman. Ito ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Departamento ng Pilosopiya (UP Diliman) at Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (UP Diliman).
Sa pagbabalik-tanaw, makikita sa mga larawan ang ilang mga papel na binasa at/o ipinamahagi sa kumperensiyang ito.
Pagkalipas ng mahigit dalawang dekada, muling magtitipon ang mga iskolar, guro, at mag-aaral para sa Ikatlong Pambansang Kumperensiya sa Pilosopiyang Pilipino. Sa pagbubukas ng panibagong yugto, anu-ano kaya ang mga tanong na muli nating tatalakayin? Ano ang mga bagong ideyang ngayon pa lamang lilitaw? At sa huli, anong direksyon ang mahuhubog para sa kinabukasan ng Pilosopiyang Pilipino?