Sa totoo lang, nung iniisip palang ni Ness ang ideya na isalin ang artikulong “Ang kalakasan at pag asa sa sining” ay kinilabutan ako.
Naalala ko kasi noong nasa isang samahan ako ng mga bumalik na migranteng kababaihan, nakabuo kami ng mga tula at kwento ng buhay na naging zine at aklat din, kaya lang mas marami dito ang nakasulat sa salitang Filipino kaya nang dinala ko ito sa ibang bansa ay nahihirapan akong ipaliwanag ang aming mga kwento, kaya naiintindihan ko ang pakiramdam ni Ness kapag kinukwento nyang gusto nyang ipaintindi sa mga kaklase niya ang artikulo.
Para sa akin, napakahalaga ng makapag sulat ng mga karanasan sa buhay lalo na sa sarili mong wika, dahil marami talagang salita na walang kasing kahulugan, kagaya ng mga sining likha na madalas din para sa akin ay walang katumbas na salita.
Kagaya ng kahalagahan ng pagsulat sa sariling wika ay ganoon din kahalaga ang pag salin nito para sa mas malawak na mambabasa, magandang malaman ng marami ang mga kwento mula sa perspektibo ng taong may sariling karanasan at hindi ng mga propesyonal na manunulat.
Nang magsimula ang proyektong ito, mayroong malakas na impact sa aking mga sining likha ang pakikipag ugnayan ng grupo. Dahil nga ako ay nag aaral pa rin, ilan sa mga plates ko ay hango sa karanasan ng aming pag uusap, ang “liham para kay ilyang” ay isang pag bisita sa sarili o ang sabi ng ni Chesca ay pag update kung ano na nga ba ang nangyayari sa aking buhay pagkatapos ng artikulong isinalin.
liham para kay ilyang (2021)
Dalikamata (2021)
Hindi lamang ako nagkaroon ng mga kaibigan, nagbigay ito ng motibasyon, lakas at higit na paniniwala sa aking sarili at kakayahan na madalas kong pinanghihinaan. Ang pintang “Dalikamata”, ang diwata na maraming mata na nagpapagaling ng mga sakit sa mata. Siya rin daw ay isang madamaying diyosa, umiiyak sa gabi sa mga kasawian at masasamang gawain na maaaring ginawa ng mga taganayon sa araw at ang kanyang mga luha ay makikita sa lupa sa anyo ng hamog sa umaga. Ang mga babaylan noong sinaunang panahon ay nag-iipon ng hamog sa umaga sa mga kaldero sa paniniwalang ang mga luha ng mabait na diyosa ng mata ay isang kahanga-hangang manggagawa ng himala sa mga gayuma, at mga gamot na nagpapagaling sa pagod at may depekto ng mga mata ng ilang tao. Kagaya ng aming grupo, hindi lamang ito tungkol sa aking kwento, kundi sabay sabay naming pinipilit hilumin ang mga sarili mula sa mga hindi kaaya ayang karanasan sa buhay, narito ang apat na babaeng nag dadamayan, nagkakaunawaan at nagtutulungan.
Skinship. Image courtesy of Thailand Biennale, Korat 2021 https://www.thailandbiennale.org/artists/yllang-montenegro/
Isa ring likha ay ang Skinship na bago pa man mabuo ang grupong ito ay nagpapahayag ng pakikipagkapwa-tao na isang naging tampok na usapin ni Yume.
Sa bandang huli alam kong mahalaga ang ating mga personal na kwento, at ang aking kwento ay isa lamang sa milyon milyong mga migranteng manggagawa sa buong mundo, sana ay hindi matapos ang pagbubuo ng ganitong mga proyekto dahil malaking bagay na mamulat ang marami sa mga panyayaring maaaring hindi natin nararanasan, subalit nararanasan ng iba, dahil dito mas naiintindihan natin ang ating kapwa, at maiiwasan ang panghuhusga at diskriminasyon. Sa palagay ko, malaki ang tulong nito sa pagbubukas ng sariling damdamin at isip para sa mas maka-taong pakikipag ugnayan sa kapwa-tao, hayop at kalikasan dahil tayo ay iisa, iisa lamang tayo…
Yllang
12/17/21