Sama-sama nating labanan ang cancer!
Makilahok sa #BustOutCancer: Breast Screening & Lay Forum ngayong March 27, 2026. Isang mahalagang hakbang para sa maagang pagtuklas, tamang kaalaman, at pag-aalaga sa kalusugan ng bawat kababaihan.
✨Maagang screening = Mas mataas na tsansa ng paggaling
✨Kaalaman = Lakas laban sa sakit
Inaanyayahan ang lahat na makiisa at magbahagi ng mensaheng ito para sa ating mga ina, kapatid, kaibigan, at sarili.
Magpatingin. Magpa-screen. Magpakatatag.
WORLD TUBERCULOSIS DAY LAY FORUM
Bilang pakikiisa sa paggunita ng World Tuberculosis Day, isinagawa sa Outpatient Department (OPD) ng Ospital ng Maynila Medical Center ang isang Lay Forum na pinangunahan ng Department of Internal Medicine.
Ang gawaing ito ay naglalayong magbigay ng wastong impormasyon ukol sa tuberculosis, kabilang ang kahalagahan ng maagang pagtukoy, tamang pag-iwas, at wastong gamutan upang maprotektahan ang kalusugan ng bawat isa.
Patuloy nating palakasin ang kamalayan ng komunidad para sa isang mas ligtas at mas malusog na lipunan.
Ikinagagalak ng Ospital ng Maynila Medical Center na makipagtulungan sa Department of Labor and Employment NCR upang mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa ating mga manggagawa.
Sa pamamagitan ng YAKAP Clinic, patuloy nating itinataguyod ang kalusugan at kapakanan ng mga empleyado bilang bahagi ng pagdiriwang ng Women’s Month.
Isinasagawa ang YAKAP Clinic ngayong araw, Marso 23, 2026, mula 8:00 AM hanggang 12:00 NN, sa DOLE-NCR Building, Maligaya St., Malate, Maynila, kung saan inaasahang makikinabang ang humigit kumulang 100 empleyado.
Layunin ng programang ito na magbigay ng accessible at dekalidad na serbisyong medikal, pati na rin ang pagpapalaganap ng kaalaman ukol sa kalusugan.
RABIES AWARENESS LAY FORUM
Isinagawa sa Outpatient Department (OPD) ng Ospital ng Maynila Medical Center ang Rabies Awareness Lay Forum, na inihandog ng Department of Family and Community Medicine sa pakikipagtulungan ng Public Health Unit.
March 18, 2026
9:00 AM
OMMC – OPD
Tampok ang pagbibigay kaalaman mula kay Dr. Loida Del Rosario (Head – ABTC) tungkol sa pag-iwas, tamang pangangalaga, at kahalagahan ng bakuna laban sa rabies.
Protektahan ang sarili at ang inyong mga alagang hayop—maging responsable at maagap!
Sama-sama nating isulong ang isang komunidad na ligtas at protektado laban sa rabies.
ALAM MO BA? Maaaring maiwasan at maagapan ang Colorectal Cancer kung maaga itong matutukoy.
Isinagawa ang Colorectal Cancer Lay Forum sa Outpatient Department ng Ospital ng Maynila, sa pangunguna ng Internal Medicine Department at sa pakikipagtulungan ng Public Health Unit. Layunin ng aktibidad na magbigay ng tamang kaalaman tungkol sa mga senyales, pag-iwas, at kahalagahan ng maagang screening para sa colorectal cancer.
Sa pamamagitan ng ganitong mga gawain, patuloy nating pinapalakas ang kamalayan ng komunidad tungo sa mas malusog na pamumuhay.
HATAW JUANA! Buwan ng Sigla at Ganda
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan, nagsagawa ang Department of Obstetrics and Gynecology ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC), sa pakikipagtulungan ng Public Health Unit, ng isang health education activity na “Hataw Juana! Buwan ng Sigla at Ganda!” sa OB-Gyne OPD.
Layunin ng programang ito na mapalawak ang kaalaman ng kababaihan tungkol sa mahahalagang usaping pangkalusugan tulad ng:
✔️Regular na pagpapasuri
✔️Pagpapabakuna
✔️Pagsusuri para sa kanser
✔️Pagbabago sa paraan ng pamumuhay
✔️Mga payo para sa ligtas at malusog na pagbubuntis
Sa pamamagitan ng mga ganitong gawain, patuloy nating pinalalakas ang kamalayan at pangangalaga sa kalusugan ng bawat Juana.
Happening Now
Glaucoma Awareness Week
Makilahok sa Glaucoma Awareness Week na inihahandog ng Department of Ophthalmology ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC). Layunin ng programang ito na mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol sa kahalagahan ng maagang pagsusuri at agarang paggamot upang maiwasan ang permanenteng pagkawala ng paningin.
📌Mga Aktibidad:
• Lay Forum tungkol sa Glaucoma
• LIBRENG Glaucoma Screening
📆Petsa: March 12, 2026
⏰Oras: 8:00 AM – 12:00 NN
📍Lugar: 10th Floor Auditorium, Ospital ng Maynila Medical Center
Inaanyayahan ang lahat na makiisa at samantalahin ang pagkakataong ito upang mapangalagaan ang kalusugan ng ating mga mata.
Maagang pagsusuri, mahalaga sa pag-iwas sa pagkabulag.
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng World Kidney Month, nagsagawa ang Outpatient Department ng OMMC, sa pangunguna ng Internal Medicine Department, sa pakikipagtulungan ng Public Health Unit, ng isang Lay Forum upang magbigay kaalaman tungkol sa pangangalaga sa kalusugan ng ating mga bato (kidneys).
Layunin ng aktibidad na mapalawak ang kaalaman ng mga pasyente at ng komunidad tungkol sa kahalagahan ng maagang pag-iwas, tamang nutrisyon, regular na pagpapatingin sa doktor, at pagpapanatili ng malusog na pamumuhay upang mapangalagaan ang kalusugan ng ating mga bato.
Sama sama nating itaguyod ang kalusugan ng bawat isa sa pamamagitan ng patuloy na pagbibigay ng tamang impormasyon at serbisyong pangkalusugan.
Lay Forum Activity | World Hearing Month
Isinagawa ang Lay Forum Activity sa Out-Patient Department (OPD) ng Ospital ng Maynila Medical Center bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Hearing Month.
Layunin ng aktibidad na magbigay ng kaalaman at kamalayan sa publiko tungkol sa kahalagahan ng pangangalaga sa ating pandinig, maagang pagtuklas ng problema sa pandinig, at tamang paraan upang mapanatili ang kalusugan ng ating tainga.
Isinagawa ang gawaing ito sa pakikiisa at pakikipagtulungan ng Public Health Unit, bilang patuloy na suporta sa pagpapalaganap ng health awareness at pangangalaga sa kalusugan ng ating komunidad.
Lay Forum Activity | World Obesity Month
Isinagawa ang Lay Forum Activity sa Out-Patient Department (OPD) ng Ospital ng Maynila Medical Center bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Obesity Month.
Layunin ng aktibidad na magbigay ng kaalaman at kamalayan sa publiko tungkol sa kahalagahan ng tamang nutrisyon, regular na ehersisyo, at pagpapanatili ng malusog na pangangatawan upang maiwasan ang obesity at iba pang kaugnay na sakit.
Isinagawa ang gawaing ito sa pakikiisa at pakikipagtulungan ng Public Health Unit, bilang patuloy na suporta sa pagpapalaganap ng health awareness at pangangalaga sa kalusugan ng ating komunidad.
Isinasagawa ang Lay Forum Activity sa Out-Patient Department (OPD) ng Ospital ng Maynila Medical Center bilang bahagi ng pagdiriwang ng Philippine Digestive Health Week.
Layunin ng aktibidad na magbigay ng tamang kaalaman at kamalayan tungkol sa kalusugan ng ating digestive system sa pamamagitan ng pagbabahagi ng impormasyon mula sa mga health professionals.
Isinagawa ito sa pakikipagtulungan ng Public Health Unit, bilang patuloy na pagsuporta sa kalusugan at kapakanan ng ating komunidad.
Leprosy Lay Forum
Isinagawa sa Outpatient Department (OPD) ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) sa pakikipagtulungan ng Department of Family Medicine.
Layunin ng forum na magbigay ng tamang kaalaman tungkol sa ketong (leprosy), kabilang ang sintomas, pag-iwas, at kahalagahan ng maagang pagpapatingin.
Para sa mas malusog at mas ligtas na komunidad.
Nagsagawa ang Ospital ng Maynila Medical Center ng isang lay forum sa OPD bilang pagdiriwang ng Philippine Heart Month, sa pangunguna ng Public Health Unit na pinamumunuan ni Dr. Reynaldo Lemos Salinel Jr., upang palawakin ang kaalaman tungkol sa kalusugan ng puso at hikayatin ang mas malusog na pamumuhay.
Nanatiling isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay ang mga sakit sa puso, kaya mahalagang bigyang-prayoridad ang pangangalaga sa puso sa pamamagitan ng regular na ehersisyo, balanseng pagkain, at rutin na pagpapasuri. Sama-sama nating alagaan ang ating mga puso, palawakin ang kaalaman, at hikayatin ang ating komunidad na mamuhay nang may malasakit sa kalusugan ng puso.
Ipinagdiriwang ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) ang Oral Health Month bilang bahagi ng kanilang ika-22 taon ng patuloy na paglilingkod, sa pangunguna ng Dental Department Public Health Unit, katuwang ang YAKULT. Layunin ng pagdiriwang na palawakin ang kaalaman ng publiko tungkol sa kahalagahan ng wastong pangangalaga sa ngipin at bibig bilang pundasyon ng pangkalahatang kalusugan.
Bilang tampok na aktibidad, nagsagawa ng isang lay forum sa Out Patient Department (OPD) kung saan nabigyan ng makabuluhang talakayan ang mga pasyente at bisita tungkol sa tamang paraan ng pagsisipilyo, kahalagahan ng regular na dental check-up, at wastong nutrisyon para sa malusog na ngipin at gilagid. Ang forum ay nagbigay-diin na ang simpleng araw-araw na pag-aalaga sa bibig ay may malaking epekto sa pag-iwas sa mga sakit sa ngipin.
Bilang suporta sa adbokasiyang ito, namahagi rin ng libreng toothbrush, toothpaste, calcium tablets, at Yakult upang hikayatin ang pagpapanatili ng mabubuting gawi sa kalinisan ng bibig.
Sa pamamagitan ng gawaing ito, muling pinagtitibay ng OMMC ang kanilang dedikasyon sa preventive healthcare, edukasyong pangkalusugan, at serbisyong makatao upang mapanatiling malusog ang bawat ngiti ng komunidad.
Kamalayan sa Goiter | Alamin, Iwasan, Agapan
Ang Department of Surgery, katuwang ang Public Health Unit, ay nagsagawa ng isang lay forum sa Out-Patient Department (OPD) upang magbigay-kaalaman tungkol sa goiter, o ang paglaki ng thyroid gland sa leeg.
Alam mo ba?
• Ang kakulangan sa iodine ay isa sa pangunahing sanhi ng goiter.
• Maaari itong magdulot ng pamamaga sa leeg, hirap sa paglunok, pagbabago sa boses, at madaling pagkapagod.
• Mas mataas ang panganib sa edad 40 pataas at mas madalas itong maranasan ng kababaihan dahil sa hormonal changes.
• Ang maagang check-up at tamang nutrisyon ay mahalaga upang maiwasan ang komplikasyon.
Ang kaalaman ay susi sa maagap na pag-iingat. Sama-sama nating pangalagaan ang kalusugan ng thyroid para sa mas malusog na pamayanan.
National Deworming Month!!!
Ang Department of Pediatrics, kasama ang Public Health Unit, ay nagsagawa ng Lay Forum kaugnay ng National Deworming Month. Ang naging tagapagsalita ay si Dr. Eulice Ang, na may pamagat na “Purga Party: Goodbye Bulati!”
Alamin! Iwasan! Protektahan!
Ang pagkakaroon ng bulati sa tiyan ay maaaring makuha mula sa kontaminadong pagkain o tubig, maruming paghawak ng pagkain, at paglalaro sa lupa nang walang suot na tsinelas o sapat na proteksyon.
Para maiwasan ang pagkakaroon ng bulati, ugaliin ang mga sumusunod:
1.Maghugas ng kamay bago at pagkatapos kumain.
2.Ugaliin ang wastong paggamit ng palikuran.
3.Magsuot ng tsinelas o sapatos tuwing lalabas.
4.Hugasan nang mabuti ang mga gulay at prutas bago kainin.
5.Magpapurga dalawang beses sa isang taon, karaniwang tuwing Enero at Hunyo.
Protektado ang tiyan, protektado ang kalusugan.
Tuwing buwan ng Enero, ipinigadiriwang natin ang Mass Deworming Month. Ang regular na pagde-deworm ay mahalaga para maiwasan ang bulati sa tiyan at mapanatiling malusog at masigla ang mga bata.
Alamin natin kung paano ba nagkakaroon ng bulati sa tyan at kung paano ito maiiwasan. Sama-sama tayo at pakinggan si Dr. Eulice Ang. Isang 3rd year resident mula sa Department of Family and Community Medicine.
Layforum on Mass Deworming Program for National Deworming Month
Purga Party: Good bye bulati
Theme: Protektado ang tiyan, Protektado ang Kalusugan
Ospital ng Maynila Medical Center OPD Waiting Area
January 28, 2026
10:00 AM
Kita-kits mga ka-Pedia!
WORLD LEPROSY DAY 2026
January 27, 2026 | OMMC OPD
Matagumpay na ginanap ng Ospital ng Maynila Medical Center – Department of Dermatology ang paggunita ng World Leprosy Day, isang mahalagang aktibidad na naglalayong magbigay-kaalaman at magpataas ng kamalayan tungkol sa leprosy o ketong.
Sa temang “Pantál sa Balat, Huwag Ikahiya”, binigyang-diin na ang leprosy ay isang sakit sa balat na nagagamot, at na ang maagang konsultasyon at tamang gamutan ay susi upang maiwasan ang komplikasyon at maputol ang pagkalat nito.
Tinalakay sa aktibidad ang:
• Ano ang leprosy o ketong
• Paano ito nakukuha at kumakalat
• Mga epekto nito sa katawan kapag hindi agad naagapan
• At ang mga available na paraan ng paggamot at suporta
Isang paalala na ang kaalaman ay sandata laban sa diskriminasyon, at ang malasakit ay susi sa mas malusog na komunidad.
Ang buwan ng Enero ay ginugunita bilang Buwan ng Kamalayan at Pag-iwas sa Kanser sa Atay at Viral Hepatitis,
Ang Department of Medicine and ICU pinangunahan nila Dr Enrik John Aguila at Dr. Young Hee Lee kasama ang Public Health Unit ay nagsagawa ng Lay Forum sa Bagong Ospital Ng Maynila Out Patient Department na pinamagatang " Alagaan ang Atay, Buhay ay Ingatan".
Binibigyang-diin ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalusugan ng atay sa pamamagitan ng maagang pag-iwas at napapanahong pangangalaga.
Ang kanser sa atay ay kadalasang may kaugnayan sa talamak na viral hepatitis, labis na pag-inom ng alak, at hindi malusog na mga gawi sa pamumuhay. Maaaring mabawasan ang mga panganib na ito sa pamamagitan ng pagpapabakuna laban sa Hepatitis B, regular na pagpapasuri sa kalusugan, at responsableng mga pagpili para sa kalusugan, kabilang ang pag-iwas sa labis na pag-inom ng alak.
Hinihikayat na bumisita sa kanilang pinakamalapit na health center para sa screening, pagbabakuna, at wastong gabay medikal. Ang maagang pagkilos ay nananatiling isa sa mga pinakaepektibong paraan upang maiwasan ang malubhang sakit sa atay.
#Tatak OMMC
#LiverDiseaseandViral HepatitisAwareness
“Pantal sa Balat: Huwag Ikahiya, Magpakonsulta at Magpagamot nang Tama”
Alamin ang tamang impormasyon tungkol sa pantal sa balat, mga posibleng sanhi nito, at kung bakit mahalaga ang maagang pagpapatingin at wastong gamutan.
Tagapagsalita: Richanne Carmelle S.M. Saturno, MD
Kailan: Enero 27, 2026
Oras: 8:00 AM
Lugar: Ospital ng Maynila Medical Center – OPD
Bakit ka dapat dumalo?
Matutunan ang mga palatandaan ng mga sakit sa balat, kabilang ang Hansen’s disease
Alamin na ang mga sakit sa balat ay may lunas at libreng gamutan
Maiwasan ang komplikasyon sa pamamagitan ng maagang konsultasyon
Mabigyang-linaw ang maling paniniwala at takot tungkol sa mga pantal sa balat
Libre ito at bukas para sa lahat!
Dalhin ang iyong pamilya at kaibigan —
sama-sama nating wakasan ang stigma at pangalagaan ang kalusugan ng balat.
Kamalayan sa Cervical Cancer
Pagdiriwang ng International Cervical Cancer Awareness Month. Ang Obstetrics and Gynecology Department kasama ang Public Health Unit ay nagsagawa ng isang lay forum sa OB-GYN Outpatient Department na pinamagatang “Kaalaman at Your Cervix: Isang Forum sa Kamalayan sa Cervical Cancer.”
Ang lay forum ay isinagawa upang masusing talakayin ang cervical cancer sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kaalaman hinggil sa sakit, screening, pag-iwas, at maagang pagtuklas. Nagbigay ito ng malinaw at batay-sa-ebidensiyang impormasyon tungkol sa kalikasan ng cervical cancer, mga risk factor, karaniwang palatandaan at sintomas, at ang kahalagahan ng agarang pagpapatingin sa doktor.
Binigyang-diin din sa forum ang regular na cervical cancer screening at HPV vaccination bilang mabisang paraan ng pag-iwas sa nasabing sakit at makatulong sa pagbawas ng mga kaso ng cervical cancer.
Layunin ng aktibidad ay
magbigay ng malinaw at madaling maunawaang impormasyong pangkalusugan ulang mapabuti ang kalagayan ng kababaihan
#OMMCpublichealth #cervicalcancerawarenessmonth