Isang gabi noon, ako'y nanaginip:
Mag-isa ako sa gitna ng tubig.
Sa tindi ng amoy at kalat sa gilid,
Alam ko na agad ito'y Ilog Pasig.
"Saklolo! Saklolo!" itong aking sigaw,
Walang makarinig, walang nagdaraan.
Ulila ang gabi, ulilang karimlan,
Ang matinding takot ang naramdaman.
"O llog na itim, samo ko sa iyo,
Sa alon mong dilim, ililigtas ba ako?"
"Ano iyang turan? Binging-bingi ako
Sa mga basurang nasa katawan ko"
"Kaibigang Tabla na makakapitan,
Lapit-lapit sana nang maabot naman."
"Ako ang nalabi sa mga kagubatang
Kinalbo, sinunog, hindi tinaniman.
"Dati kaming puno, mayabong, mataas;
Sanggalang sa bagyo, sa baha'y panlunas
Nang putulin kami't kanilang winasak,
Ang sinira nila'y kanila ring bukas."
Wala na bang isda, wala na bang buhay
Na makaririnig sa aking panawagan?
Pati hangin yata'y walang pakialam
Sa kapal ng usok na nakabalatay.
Lumulubog ako di-makahinga
Sa dumi ng tubig at amoy-basura
Mabuti na lamang panaginip pala.
May hatid na aral sa ating balana.