Malalim na ang gabi at abalang-abala pa sa pananahi ang dalawang magkapatid na babae. Tinatahi nila ang mga kamisa at saya nila, na isusuot nila para sa isang misa kinaumagahan. Ibinilin ng kanilang ina na siguruhing nakasara ang pinto at mga bintana ng kanilang bahay, kundi ay papasok ang duwende, na bumibisita sa kanila tuwing hatinggabi. Upang malaman ng kaniyang mga anak kung ano ang duwende, ikinuwento niya ito:
"Katulad lang ng mga ordinaryong tao ang mga duwende. Tuso silang mga nilalang, ngunit matulungin din. Ilan sa mga kapilyuhang ginagawa nila ay ang pagsira sa mga muwebles at mga larawan, pagbasag sa mga salamin, baso, plato, at tasa. Kung hindi sila makahanap ng mga bagay na sisirain o babasagin, kinukurot nila ang mga pisngi, braso, at katawan ng mga tulog na babae, upang maging mabigat ang pakiramdam nila pagkagising. Kung hindi kinaasaran ng mga duwende ang mga nakatira sa bahay na madalas nilang bisitahin, nagpapakita sila ng kabaitan sa mga ito.
Sinasabing dinadalhan nila ang mga kaibigan nila ng mga masasarap na pagkain at ipinagtatanggol sila mula sa mga masasamang nilalang. Maraming tao tuloy ang sabik ngunit balisang makakilala ng duwende. Itinuturing nila ang mga nilalang na nagtataglay ng kakaibang karunungan dahil sinasabing alam na alam nila ang mga lihim at ikinikilos ng mga tao. Ngunit kung sakaling ang mga naging kaibigan ng duwende ay biglang nagsabi ng anumang masama o nagbalak ng masama sa kanila, kahit pa hindi sila marinig ng mga duwende, ay parurusahan sila at hindi na muling babalikan.
"Ang duwendeng binabanggit ko rito ay madalas sa bahay namin habang ang nanay ko, o ang lola ninyo, ay buhay pa. Parati niyang sinasabi sa aming isara ang pinto at mga bintana bago kami matulog. Isang gabi, nang nagtatahi rin kami ng kapatid ko ng kamisa at saya, nakalimutan naming isara ang mga bintana at pinto. Ilang segundo bago maghatinggabi, naroon ang isang maliit na nilalang na nakatayo sa aming pinto. Maliit siya, kasinliit lamang ng isang dalawang taong gulang na bata; pula ang kaniyang mukha; mayroon siyang mahabang bigote at maputing kulot na buhok. Maigsi ang mga braso niyang balingkinitan, ngunit malaki ang mga kamay niya--malaki para sa kaniyang braso."
Nang marinig ng mga dalaga ang kuwento ng kanilang ina, natakot sila. Nang maghatinggabi, narinig nila ang mga tunog: takla, takla, takla. Gawa ito ng duwende. Takot na takot ang dalawa. Lumingon ang panganay, at nakita niya ang duwende na pumapasok sa pinto. At katulad ng inaasahan, tumakbo at tumalon siya papasok ng bahay, papunta sa mga dalaga. Dahil doon, nasipa niya ang isang gasera, na nagpaliyab sa mga kamisa at saya.
Mula noon, naging maingat na ang magkapatid at ang buong bayan ng Legaspi sa duwende. Isinasara na nila ang kanilang mga pinto at mga bintana bago sila matulog sa gabi.
Si Maria ay isang magsasakang babae na masigasig sa pag-aararo ng kanyang lupang sakahan. Isang araw, habang siya’y naglalakad sa kagubatan patungo sa kanyang bukid, napansin niya ang isang puno na totoong kakaiba. Ito’y may matataas na sanga at malalapad na dahon na sumasayaw sa ihip ng hangin.
Naglakbay siya patungo sa puno, at doon ay makikita niya ang isang kalalakihan na may katawan na tila gawa sa mga galamay ng kahoy. Ang kalalakihan ay may napakalaking matang nakatutok sa kanya. Sa kabila ng kakaibang itsura ng kalalakihan, hindi siya nagpatalo sa takot. Tinapunan niya ito ng magiting na boses, “Sino ka?”
“Tahimik ka lang, Maria,” sabi ng kalalakihan na may malalim na boses. “Ako’y isang Kapre, tagapangalaga ng kagubatan.”
Namangha si Maria sa naririnig niyang boses na nagmumula sa malaking puno. Matapos ang sandali ng pagkabigla, naging mas maayos ang pakiramdam niya at nagpakilala siya sa Kapre. Nagsimula silang magkwentuhan at magbahagi ng kanilang mga kuwento.
Ipinamalas ng Kapre ang kanyang pagmamahal sa kalikasan. Kuwento niya kung paano niya inaalagaan ang mga puno at halaman, at kung paano niya sila pinanatili para sa mga darating pang henerasyon. Ipinakita niya kay Maria ang mga lihim ng kagubatan, kung paano ang mga puno ay may sariling mga buhay at kakaibang galang sa mga engkanto na tulad niya.
Habang nag-uusap sila, nadama ni Maria ang kalma at kakaibang kasiyahan sa pagiging kasama ng Kapre. Ipinakita sa kanya ng engkanto ang magandang bahagi ng mga bagay na hindi madalas napapansin ng mga tao. Natutunan ni Maria na mahalin ang kalikasan nang higit pa at magkaroon ng malalim na paggalang sa mga diwata at engkanto na naninirahan sa mga pook na ito.
Nang dumating ang oras na kailangan na niyang magpatuloy sa kanyang paglalakbay, nagpaalam si Maria sa Kapre. Ngunit naiwan sa kanya ang isang natatanging alaala at bagong pang-unawa sa mundo ng mga engkanto. Patuloy niyang isinusuong ang kanyang buhay sa sakahan, ngunit sa bawat paggiling ng araw at pagsapit ng gabi, lagi niyang iniisip ang kuwento ng Kapre at ang mga aral na natutunan niya mula dito.
At mula noon, ipinasa ni Maria ang mga kuwento at aral ng Kapre sa kanyang mga anak at apo. Hanggang sa mga sumunod na henerasyon, itinuturo ang halaga ng pangangalaga sa kalikasan at ang pagrespeto sa mga engkanto sa kagubatan. Isinilang ang alamat ng Kapre sa mga puso ng mga tao, na patuloy na nagpapaalala sa kanila na ang kalikasan ay dapat alagaan at igalang, at na may mga bagay sa mundo na higit pa sa kanilang mga mata ang nakikita.
Noong unang panahon,lima pa lamang ang tao sa mundo.Isa na dito ay ang batang si Lam-eng.
Kasama niya sa kanilang kahariang patag ang kaniyang Tiyo Samuel.
Nandoon din ang dalawa nilang alalay na sina Inas dilim at si Amir-ika sinag.Gabi-gabing nananaginip si Lam-eng tungkol sa isang lalaking kamukhang kamukha niya na nakatira sa bundok.Dahil sa pagkabahala, tinanong niya ang kaniyang Tiyo Samuel ukol dito.
Sinabi sa kaniya ng kanyang Tiyo Samuel na kambal silang ipinanganak ng kanilang inang supremong bathala.
Siya ay pinatira sa patag kasama ng ng kanyang tiyo at ang kaniyang kambal na si Asuw-eng naman ay mag-isang iniwan sa bundok.Napatigil ang kaniyang tiyo sa pagkukuwento.
Naisip kasi nito na kung sakaling magkasama ang dalawang magkapatid, ay magsasama din ang malalakas na kapangyarihan ng mga ito na maaring makapagpawala sa taglay na kapangyarihan ni Tiyo Samuel.
Kaya naman sinabi agad nito na napakabangis na taong may pakpak at dalawang malalaking pangil si Asuw-eng.
Kaya umano ito inilagay sa bundok para doon kumuha ng mga karne ng hayop bilang pagkain. Mas malakas din umano ito kay Lam-eng at maaari itong lapain sakaling lumapit si Lam-eng kay Asuw-eng.Gayumpaman, nais pa ring makita ni Lam-eng ang kaniyang kapatid. Hindi siya pinayagan ng kaniyang Tiyo Samuel kaya sinabi nito na uutusan na lang niya ang dalawang alalay na umakyat sa bundok para makuha si Asuw-eng. Gagawin ito pagsikat ng araw kinabukasan.
Gabi bago ang araw ng pag-akyat sa bundok, pasikretong tinawag ni Tiyo Samuel si Amir-ika.
Sa kanilang pag-uusap, ibinigay ni Tiyo Samuel kay Amir-ika ang dalawang malalaking karayom.
Kailangan umanong itusok ang dalawang karayom sa leeg ni Inas bago pa sila makarating sa tuktok ng bundok.
Dagdag pa rito, kailangan ding sugat-sugatan si Inas na para bang nilapa ng isang mabangis na hayop.
Umakyat na nga ang dalawang alalay sa bundok, at nangyari ang ayon sa plano. Bumaba si Amir-ika na dala-dala ang bangkay ng kasamang si Inas.
Sinabi nito kay Lam-eng na inatake sila ng isang lalaking may pakpak at malalaking pangil. Buti na lang daw at nakatakbo siya ngunit si Inas ang nabiktima.
Natakot si Lam-eng sa nangyari at paniwalang-paniwala siya na halimaw nga ang kanyang kapatid. Bumaba ang dalawang babaeng anghel na itinakdang magbibigay ng anak sa magkapatid.
Ang isa ay pumunta sa bundok at ang isa kay Lam-eng.Nang magkaanak na si Lam-eng, binalaan niya ang mga ito na huwag pupunta sa bundok dahil nandoon ang halimaw niyang kapatid na si Asuw-eng.Nagpasalin-salin sa lahi ni Lam-eng ang kuwento tungkol kay Asuw-eng.
Unti-unti ding nabago ang tawag sa halimaw, mula sa Asuw-eng ay naging asuwang at ngayon nga ay aswang. Nagkaroon din umano ito ng mga anak.
Ang isa ay nahahati ang katawan na kung tawagin ay manananggal at ang lalaking malaki't matikas na tinatawag na kapre, ang lalaking anak ni Asuw-eng.
"Ate, totoo bang may tikbalang? Pananakot lamang iyon para magbait ang mga bata, hindi ba?" tanong ni Edith sa panganay na kapatid.
"E sabi ni Tiyo Jose mayroon nga raw. Kasama pa raw siya noong makahuli sila nito."
"Sige nga, Ate, ikuwento mo sa amin ang nangyari," pakiusap naman ng bunsong si Teresa.
"O, halikayo at makinig kayo."
Mayroon raw sa baryo nina Tiyo Jose na isang napakagandang dalagang nagngangalang Linda. Ang dami raw lumiligaw dito dahil bukod sa maganda na ay mabait pa.
Ngunit sa dinami-rami ng taga-baryong nangingibig sa kanya, walang nagpapatibok sa kanyang puso. Isang araw, may nakilala ang dalaga na binatang taga-Maynila, guwapo, matangkad, at mukhang kagalang-galang. Maraming mga dalagang nayon ang nahalina kay Roberto nguni't ang napaglaanan nito ng pagtingin ay si Linda.
Ang pamimintuho ng binata ay sinuklian din ng pagmamahal ng dalaga kaya't hindi nagtagal at sila'y ikinasal. Maligayang mga araw, ang nagdaan sa mag-asawang lubos ang pagmamahalan.
Ang naging supling ng kanilang pagmamahalan ay isang magandang batang babae na pinangalanang Ligaya. Nguni't sa maaliwalas nilang langit ay dumating ang madilim na ulap. Nagkasakit si Linda at di-naglaon ay pumanaw. Naiwan ang mag-amang parang binagsakan ng sangmundong kapighatian.
Isang gabi nang binibigyan ni Roberto ang sanggol ng bote ng gatas, naramdaman niyang may dumating na tao sa kanyang likuran. Laking mangha niya nang makita sa pintuan ng silid ang asawa na kalilibing pa lamang nila noong nagdaang linggo. Hindi ito nagsasalita ngunit nakaunat ang mga kamay at waring hinihingi ang bata.
"Huwag, Linda, ikaw ay patay na. Hindi maaari!" Hinigpitan ni Roberto ang pagkapangko sa bata at umiiling.
Umalis ang babae, ngunit sa sunod na gabi ay naroon uli. Lalong mahigpit ang pagtanggi ni Roberto na iabot ang bata. Nguni't hindi siya makatulog sa malaking takot at pagtataka. Nang nangyari uli sa ikatlong gabi, naisip niyang sumangguni sa mga matatandang taga-nayon.
"Hindi multo ni Linda iyon, Roberto. Tikbalang iyon na nag-aanyong tulad ng asawa mo. May mga tikbalang diyan sa ating parang. Doon sa mga puno ng lumbang sila natutulog pag-araw at sa gabi lumalabas."
"Tunay po bang may tikbalang? Akala ko po'y mga istorya lang iyon," takang-takang tanong ni Roberto.
"Totoong may tikbalang. Kilala mo ba si Karyong sintu-sinto? Kaya naging ganoon ang taong iyon ay dahil nakuha iyon ng tikbalang noong bata pa. Nawala nang dalawang araw at natagpuan ng ama sa ilalim ng puno ng lumbang."
"Naku, ano po ang aking gagawin? Gabi-gabi po ay lalong humihigpit ang pamimilit niyang makuha ang bata," halos maiyak-iyak si Roberto.
"Hayaan mo't paghahandaan natin," pangako ng matanda.
Nang gabing iyon, dumating sa dating oras ang tikbalang na mukhang si Linda. Nang dudukwangin na sana nito ang batang pangko ni Roberto, biglang naglabasan sa silid ang mga lalaki. Nagitla ang tikbalang at dagling tumalon sa bintana.
Ngunit sa ibaba ay nakahanda rin ang ilang taong bigla siyang nasunggaban sa buhok. Pinagtulung-tulungan nila itong iginapos sa puno ng niyog. Hinampas nang hinampas hanggang magsisigaw ito sa paghingi ng awa.
"Patawarin! Aalis na ako rito sa lugar ninyo, pakawalan lamang ninyo ako. Isasama ko lahat ng mga kampon ko. Lalayo na kami at di na kayo gagambalain. Maawa kayo."
Sa kasisigaw nito at sa pangakong di na maninikbalang uli, naawa ang mga lalaking nayon at pinaalpasan na rin ang maligno.
Buhat nga noon, wala nang tikbalang pang nabalitaan sa baryo. Ang batang si Ligaya ay lumaki't naging isang mabait at magandang babaeng tulad ng ina. Kahit nang mag-asawa siya ay di niya iniwan ang ama at inalagaan niya ito hanggang sa katandaan.
"Ang ganda ng kwento mo, pero nakakatakot, Ate," sabi ni Edith. "Baka kami hindi makatulog."
"Magdasal muna kayo bago mahiga," paalala ng panganay, "kung hindi, sige, dadalawin kayo ng mga tikbalang!"