Ang materyal na ito ay para sa mga kabataan na queer. Pangunahing layunin ng zine na ito na maging gabay para sa mga kabataang kinikilala ang kanilang sarili o alam na ang kanilang pagkakakilanlan pagdating sa kasarian.
Ang nilalaman ng zine na ito ay mayroong pagbibigay-diin sa karapatan ng LGBTQIA+, introduksyon sa ilang mga termino, mga pahayag tungkol sa paglaladlad at ang diversity ng karanasan sa paglaladlad paglaladlad, at pagkakaroon ng ligtas na espasyo para rito.
LGBTQIA+ rights as human rights in the context of the ongoing stigma and discrimination
Magpakatotoo tayo: bagamat unti-unting tinatanggap ng mundo ang LGBTQIA+ community, hindi natin maipagkakaila na sila ay nakakaranas pa rin ng stigma at diskriminasyon sa araw-araw na pamumuhay.
Ang diskriminasyon ay ang hindi patas na pagtrato sa isang tao dahil lang sa kanilang pagkatao. Ito ay maaaring sa pamamagitan ng paghadlang sa mga oportunidad, pagbabalewala, o minsa’y umaabot sa punto ng pananakit. Sa kabilang dako naman, ang stigma ay maling paghuhusga o mababang pagtingin sa isang tao. Nagbubunga ito ng pakiramdam na sila’y wala sa lugar (“out of place”), pakiramdam ng hiya, o pakiramdam ng hindi ligtas na kapaligiran, bagamat wala silang ginagawang masama.
Sa madaling salita, maaaring isipin na ang stigma ay negatibong pag-iisip sa kapwa na nagiging sanhi ng ganap na diskriminasyon. Ang mga paksang ito ay mas lalong napapalala sa ating bansa kung saan ang talakayan tungkol sa LGBTQIA+ community ay itinuturing na maselang usapin, maaaring dahil sa kakulangan ng tamang sex and gender education at kawalan ng kongkretong batas tungkol sa gender equality. Ang matagal nang kinagawian sa ating lipunan na nagtatakda ng heteronormativity ay patuloy na nagpapatatag sa opresyon at panunupil laban sa LGBTQIA+ community, na nagdudulot ng takot at pangangamba pagdating sa pagpapahayag ng kanilang pagkakakilanlan (Africa, 2022, as cited in Montilla, 2022). May pag-aaral sina Domingo at Escobido (2024) kung saan naglunsad sila ng pakikipagpanayam sa LGBTQIA+ community sa ating bansa na silang nagsalaysay ukol sa posibilidad ng pagkadismaya, stigma, diskriminasyon, panghuhusga, pagtakwil, pagbubully, poot, at iba pang pakiramdam na kahalintulad nito mula sa ibang tao. Ang mga bagay na ito ay hindi lamang nagdudulot ng pagkailang — kundi ito ay maaaring magbunsod ng pangkaisipan, emosyonal, o maging pisikal na pag-abuso. Kaya naman ang lahat ng ito ay mahalagang pagtuunan ng kaukulang pansin at panahon.
Sa kabuuan, karapatan ng LGBTQIA+ ay karapatang pantao rin; at ang lahat ay dapat makaramdam ng kapanatagan, makapagpahayag ng sarili, at makaranas ng patas na pagtrato. Ang lahat ay nararapat lamang na igalang, protektahan, pangalagaan, at pakinggan. Kung ang karapatan ay ipinagkait sa LGBTQIA+ community, hindi lamang ito madaya kundi paglabag na mismo sa karapatang pantao. Ang mga nabanggit na ito ay hindi dapat nakasalalay sa sexual orientation o gender identity ng isang tao dahil ang bawat isa ay nararapat na makapaglakad sa daan nang ligtas, makapagkwento tungkol sa kanilang crush nang walang panghuhusga, at makaramdam ng pagtanggap habang nagpapakatotoo sa sarili. Sa kabila ng mga isyung ito, dumarami na ang mga naghahangad at nagsusulong ng pagbabago para sa ligtas at payapang mundong ginagalawan. At kabilang ka na rin dito! Sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng zine na ito ay nag-aambag ka na rin sa pagkakaroon ng pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Basic LGBTQIA+ Terms and Definitions
Girl, Boy, Bakla, Tomboy, atbp. na SOGIESC (Montilla et al., 2022)
Isa sa mga ipinaglalaban na LGBTQIA+ rights ang SOGIE Equality Bill. Alam mo bang hindi ito pang mga miyembro ng LGBTQIA+ community lamang at kasama ang lahat dito?
Ang SOGIESC ay tumutukoy sa sexual orientation, gender identity at expression, at sex characteristics ng kahit sinong tao. Lahat ng tao ay may SOGIESC: ikaw man ay girl, boy, bakla, tomboy, o nabibilang sa iba pang grupo.
Girl
Para sa atin, ang salitang “girl,” “female,” o “babae” ay ginagamit bilang pangkalahatang pantukoy ng SOGIESC. Maaaring sabihin ng isang tao na siya ay “babae” ayon sa kanyang biological sex na tumutukoy sa ari na mayroon siya pagkapanganak sa kaniya. Ginagamit din ang salitang “babae” upang iparating na kinikilala ng isang tao ang sarili niya bilang babae, bilang deskripsyon kung paano ipresenta ng isang tao ang kanyang sarili, o upang magpakilalang heterosexual o taong nagkakagusto lamang sa ibang kasarian.
Boy
Tulad sa mga babae, ang “boy,” “male,” o “lalaki” ay ginagamit din natin sa anumang aspeto ng SOGIESC. Ang “lalaki” ay maaaring deskripsyon sa isang tao na pinanganak na may ari ng lalaki, kinikilala ang sarili niya bilang isang lalaki, panlalaki ang ekspresyon ng sarili, o bilang heterosexual.
Bakla
Tulad ng salitang “gay”, ang “bakla,” “bading,” “badet,” at iba pang mga bersyon nito ang kadalasang ginagamit para sa buong LGBTQ+ community. Mas kilala itong deskripsyon ng mga lalaki na may pusong-babae at kinikilala ang sarili nila bilang babae o bakla at mga lalaking nagkakagusto sa kapwa lalaki. Dahil sa kakulangan sa translasyon ng mga Ingles na SOGIESC, ginagamit na rin ito upang tukuyin ang mga lalaking pambabae ang gender expression at trans women o mga ipinanganak na lalaki at nag-transition bilang babae.
Tomboy
Ang salitang “tomboy” ay Tagalog na salin ng “lesbian.” Bagamat salitang Ingles din ito na tumutukoy sa mga babaeng panglalaki ang ekspresyon ng sarili, mas ginagamit ito bilang salita sa sekswalidad ng isang babae na nagkakagusto sa kapwa babae na kadikit ng pagkakaroon ng panglalaking ekspresyon sa konteksto ng Pilipinas.
Atbp.
Higit pa sa mga nabanggit, mayroon pang mga SOGIESC na hindi lamang nabibilang sa magkabilaang-dulo ng kasarian. May mga taong inilalagay ang kanilang sarili sa gitna o pinagsasama ang ilang kahulugan ng mga kategoryang ito kapag sa tingin nila ay hindi akma ang mga mas kilalang salita na tumutukoy sa identidad ng mga tao.
Ang mga salitang ito ay nakatutulong upang mas lalo nating makilala ang ating sarili at magpakilala sa iba. Tulad ng isang pangalan na identidad natin, kaakibat nito ang pakikipagpakilala sa ating sarili at sa ibang tao, ang paglaladlad.
Coming Out as a Process
Sa pagbabasa mo ng Zine na ito ay maaaring sumagi sa iyong isipan kung paano ipinapaalam ng mga kasapi ng LGBT community ang kanilang katauhan sa iba?
Sa kasalukuyang henerasyon, sikat ang terminong “coming out” kung saan ang isang tao ay nagpapahayag na siya ay isang bakla. Ngunit sa konteksto ng Pilipinas, tinatawag din itong “paglaladlad”. Inaaninag nito ang mga eksenang pamilyar sa buhay ng isang Pilipinong bakla tulad ng pagsuot ng gown ng isang babaeng ikakasal o di kaya’y ang kapa o cape ng Reyna Elena sa Santacruzan o ang mga damit na sinusuot ng isang beauty queen sa isang pageant (Embate & Labor, 2025). Sa akda ni Madula (2009), ang paglaladlad ay tila isang “bagahe” na kailangang ilabas at ilantad ang kanilang tunay na anyo at katauhan partikular ang kanilang pagiging bakla. Kapalit ng paglaladlad o ang paglantad sa kanilang tunay na katauhan ang diskriminasyon na maaari nilang matanggap lalong lalo na sa mga kanilang kapwa Pilipino. Ang paglaladlad ay karaniwang tinitingnan ng pamilyang Pilipino bilang isang maling desisyon at nagiging bukal o source ng ‘hiya’ at ‘pangamba’ para sa imahe ng kanilang anak o kapatid at pati na rin ng kanilang pamilya. Ganito nga ba natin dapat tingnan ang reyalidad ng pagiging bakla? Magiging inklusibo ba ang mundo para sa mga LGBT at sa mga tao na hanggang ngayon ay hindi pa sigurado sa kanilang sekswalidad sa ganitong paraan? Ang sagot…HINDI. HINDI DAPAT.
Sa parehong akda nina Embate at Labor (2025), inilahad dito ang proseso ng paglaladlad o coming out sa konteksto ng isang parloristang bakla (queer hairdresser). Sa kanilang pakikipagpanayam, lumitaw na ang kanilang kamalayan tungkol sa tunay nilang sekswalidad ay nagsimula sa panahon ng kanilang kabataan. Nagkaroon ng pagkalito dahil sa epekto ng dominanteng konsepto ng pagkalalaki at heterosekswalidad kaya’tpinili nilang itago ang katotohan sa madla, lalong lalo na sarili nilang kapamilya. Kabilang na dito ang masalimuot na pagtanggap sa negatibong reaksyon ng (mga) miyembro ng kanilang pamilya dahil sa katauhan tulad ng harap-harapang pagtatakwil sa kanila. Kaya’t maging sila ay humaharap din sa isang mahabang proseso ng pagtanggap sa kanilang sarili. Parte rin ng proseso na kailangan nilang bumukod sa pamilya at humanap ng kalayaan nang mag-isa dahil sa kalaunan ay makakahanap din sila ng mga taong lubos na maka-iintindi sa kanilang katayuan at pinagdaanan at patuloy na pinagdadaanan, katulad ng mga kapwa nila bakla. Sa pag-angkin ng kanilang kalayaan, ang kilos at ekspresyon na hindi tugma sa kanilang kasarian ay manipestasyon na pinangangatawan nila at nagpapakatotoo sila sa kanilang kabaklaan sapagkat para sa kanila, ito ay isang paraan upang mabuhay ng masaya na walang bahid ng takot sa kanino man.
Ang proseso ng paglaladlad sa Pilipinas ay hindi karaniwang ginagawa sa paraan ng pagpapahayag (announcement), pagsisiwalat (disclosure) o ng pagpapaalam (to ask one’s permission) bagkus ay sa pamamagitan ng kanilang kilos na karaniwang may kaalaman at kamalayan na ang sarili nilang magulang bago pa nila mapagtanto ito sa kanilang sarili (Embate at Labor (2025). Ngunit maraming anggulo ang paglaladlad o ang coming out sapagkat hindi lamang ito limitado sa iisang karanasan ng isang miyembro ng LGBT community. Pinapakita lang na ang coming out ay may iba’t ibang anyo’t pamamaraan ngunit may iisang layunin sa patuloy na paghanap, pagpapayabong at pag-angkin sa espasyo na nararapat para sa sang-kabaklaan sa loob ng ating lipunan.
Coming Out as a Diverse Process and a Personal Decision
Iba-iba ang proseso ng paglaladlad sa bawat isa, dahil iba-iba rin ang konteksto natin sa buhay. May iba na ligtas ang tahanan, kaya’t malaya silang magsabi. May iba na hindi ligtas, kaya mas pinipiling manahimik muna. May ibang confident agad, handang ipagsigawan ang sarili. May iba namang tahimik lang, pero buo sa loob. May naglalakas-loob sa ngayon — may naghihintay pa ng tamang panahon. May iba ring tinatanggap muna ang sarili bago humingi ng pagtanggap mula sa iba. Walang tama o maling paraan. Walang template. Walang deadline. Ang mahalaga: ikaw ang may hawak ng kwento mo.
Iba-iba man ang paraan, iisa ang saysay: ang pagiging totoo sa sarili ay isang tapang na dapat kilalanin. May mga tao na bata pa lang ay may ideya na kung sino sila. Alam na nila kung ano ang gusto nila, paano sila kumilos, at kung paano nila gustong ipahayag ang sarili nila. Gaya ni Bretman Rock, isang Filipino-American na kilala bilang content creator at proud na miyembro ng LGBTQIA+ community. Sa isang panayam (Jaucian, 2023), sinabi ni Bretman: “I truly didn’t have to come out because they were so used to it.” Ibig sabihin, hindi na niya kinailangang mag-"come out" o magpaliwanag sa pamilya niya. Bata pa lang siya, tanggap na siya ng mga magulang niya. Nakikita na nila kung sino si Bretman, at hindi na nila siya pinilit na magbago o itago ang sarili niya. Minsan, hindi kailangan ng pormal na pagdeklara ng identidad. Minsan, hindi kailangang i-explain ang sarili. Minsan, sapat na na tanggap mo ang sarili mo, at tanggap ka ng mga mahal mo sa buhay.
May mga taong dumarating sa punto ng buhay nila na handa na silang maging mas bukas tungkol sa kung sino sila. Gaya ni Paolo Ballesteros, isang kilalang aktor, TV host, at drag artist sa Pilipinas. Sa kabila ng matagal nang espekulasyon ukol sa kanyang sekswalidad, hindi niya ito agarang kinumpirma. Sa halip, ipinahayag niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang ginagawa—tulad ng pagda-drag, paraan ng pananamit, at presensiya sa social media—nang hindi diretsahang ipinapaliwanag ang kanyang identidad. Hanggang sa isang panayam (Siazon, 2019), direkta niyang sinabi, “I’m a lady.” Para kay Paolo, hindi niya kailangang magbigay pa ng malawak na paliwanag. Aniya, hindi niya itinatago kung sino siya—makikita ito sa kanyang kilos at sa paraan ng kanyang pamumuhay. Mahalaga ring banggitin na tanggap siya ng kanyang anak na si Keira Claire. Ayon sa kanya, “Hindi na nagtatanong, alam na niya.” Mula rito, makikita na ang pagtanggap ay maaaring magsimula sa mga pinakapersonal na relasyong mayroon tayo—gaya ng sa pamilya.
Gayunpaman, mahalagang kilalanin na hindi lahat ay nagkakaroon ng ganitong ligtas at tanggap na kapaligiran. Sa maraming konteksto, lalo na sa mga kabataang lumalaki sa konserbatibong tahanan o komunidad, ang paglaladlad ay nananatiling mapanganib at puno ng pangamba. Sa kabila nito, ang salaysay ni Bretman at Paolo ay nagsisilbing halimbawa ng isang posibilidad na maaaring magkaroon ng espasyong may pagmamahal at pagtanggap, kung saan hindi na kailangang ipilit ang pag-unawa kundi ito ay kusang dumarating sa konteksto ng pagmamalasakit.
May mga kwento rin ng paglaladlad na dumaan sa mahaba at masalimuot na proseso. Gaya ng kay Jake Zyrus, na dating nakilala bilang Charice Pempengco. Bata pa lang, nasa entablado na siya. Kilala siya sa buong mundo bilang isang child singing prodigy. Pero sa kabila ng kasikatan, hindi niya agad naipahayag kung sino talaga siya. Sa mga panahong siya’y kilala pa bilang Charice, madalas siyang makaranas ng pressure na maging "perfect" sa mata ng publiko. Sa loob-loob niya, may matinding lungkot at pagkalito. Umabot sa punto na halos sumuko na siya—dahil hindi na niya kaya ang bigat ng hindi pagiging totoo sa sarili. Hanggang sa dumating ang panahon na pinili niyang ipaglaban ang sarili niyang kapayapaan. Noong 2017, isinapubliko niya ang kanyang identidad bilang isang trans man at piniling gamitin ang pangalang Jake Zyrus. Simula noon, mas nakita natin ang isang taong mas panatag, mas buo, at mas totoo sa sarili.
May mga paglaladlad na masakit. Yung tipong hindi ka pa man nagsasalita, hinusgahan ka na. Gaya ng karanasan ni Paula, isang parloristang bakla (Embate & Labor, 2025) na lumaki sa isang tahanang hindi ligtas para sa mga tulad niya. Kwento niya, hindi siya gusto ng ama niya. Waray ito—mahigpit, tradisyonal, at lumaki sa paniniwalang ang bakla ay duwag, malas, at walang kwenta. Dahil dito, tumigil ang suporta ng ama niya sa pag-aaral niya. Hindi man lang ito dumalo sa graduation niya noong elementarya. Hindi biro ang ganitong karanasan. Sa halip na yakapin kung sino siya, kinailangan niyang itago ang sarili. Kinailangan niyang patunayan pa na karapat-dapat siyang mahalin, kahit wala naman dapat patunayan para lang matanggap.
Minsan, ang paglaladlad ay hindi tungkol sa pagtanggap ng iba—kundi ang matagal at masalimuot na proseso ng pagtanggap sa sarili. At ‘yan ang tapang na hindi laging nakikita, pero dapat kilalanin.
Ang bawat kwento ay patunay: Hindi madali ang maging totoo sa mundong madalas humuhusga. Pero sa kabila ng lahat—may tapang, may tibay, at may pag-asa.
Ang paglaladlad ay hindi sukatan ng pagiging totoo. Ang mahalaga ay ang sarili mong kapayapaan. Walang tamang oras, paraan, o porma. Ikaw ang may hawak ng kwento mo. At kung darating ang panahong pipiliin mong magladlad, sana ay sa kontekstong may pag-unawa, may malasakit, at may pagkilala sa iyong pagkatao.
Mula sa pagtanggap sa sarili hanggang sa pakikipaglaban para sa espasyo, ang pagiging totoo ay isang rebolusyon. Karapat-dapat tayong lahat sa buhay na may dignidad, respeto, at pagmamahal. Hindi mo kailangang dumaan mag-isa. May mga taong handang umalalay, makinig, at sumama sa iyong paglalakbay.
Ang kwento mo ay mahalaga. Ang damdamin mo ay totoo. Ang pagkatao mo ay may lugar sa mundong ito.
Pagbuo ng Ligtas na Espasyo: Ano ang magagawa natin upang suportahan ang bawat isa?
Panatilihing ligtas ang espasyo para sa kapwa, sarili, at sa lahat ng komunidad.
Mayroong magagawa na hakbang ang bawat isa para suportahan ang bawat isa na ipahayag ang kanilang identidad, at sa pamamagitan ito ng pagbuo ng ligtas na espasyo. Mayroong magagawa ang bawat isa na buuin at mapanatiling ligtas ang bawat espasyo para sa lahat ng kabataan na nais ipahayag ang kanilang kasarian at pati na rin ang mga nasa proseso pa lamang ng kanilang pagkilala sa sarili.
Tumutukoy ang “ligtas na espasyo” bilang produkto ng mga desisyon at aksyon ng mga indibidwal—maaaring sa iba’t ibang espasyo tulad sa bahay, komunidad, o mga organisasyon—upang palaganapin ang pagkakapantay-pantay, walang karahasan, at kasiguraduhan na mayroong pagtanggap ang lahat ng tao sa mga kabataan na nais ipahayag ang kanilang sariling pagkakakilanlan tulad ng kanilang kasarian (Advocates For Youth, 2020).
Saan nga ba natin mabubuo ang Ligtas na Espasyo?
Tandaan na ang pagiging ligtas ay dapat nakikita, nararanasan, at nadadama sa iba’t ibang espasyo tulad sa ating bahay, paaralan, komunidad, at maging sa online.
Ang mga espasyo na ito ay madalas kung nasaan ang mga kabataan, at dito rin matatagpuan ang kinakailangan ng mga kabataan tulad ng suporta mula sa mga kapamilya, positibong pagkakaibigan, at tiwala sa saril.
Sa bahay, dapat ay napapakinggan ang iyong saloobin at kung paano mo gustong maipahayag ang sarili. Ang mga kapamilya o magulang ay mayroong respinsbilidad na mapanatiling nasa mabuting kalagayan ang isang bata o anak, kabilang na rito pagdating sa usaping kasarian.
Sa paaralan, dapat ay nasisiguro na walang pambubully at diskriminasyon sa iyo at sa kapwa mo estudyante pagdating sa kasarian. Ang mga guro o guidance counselors ay mayroong papel sa pagpapanatiling ligtas ka mula sa mga pananakit—pisikal, mental, at salita.
Sa komunidad, dapat ay mayroong mga aktibidad at programa na makatutulong sa iyo bilang kabataan na mapataas ang iyong potensyal at talento nang walang nararanasan na pagtapak sa iyong dignidad. Ang mga nakakatanda ay dapat na maging mapagtanggap sa iyo at hayaan ka na maging malaya sa pagpapahayag ng kasarian mo.
Panghuli, sa mundo ng online, dapat na masigurong ligtas ka mula sa mga nakasasama na mga litrato, posts, komento, o bidyo na mayroong kinalaman sa iyong kasarian. Ang mga magulang o nakakatanda ay dapat na gabayan ka mula sa mga ito.
Paano nga ba natin mapapanatili ang Ligtas na Espasyo?
Maaari nating mapanatili ang kaligtasan ng ating kapwa na nais magladalad o nasa proseso pa lamang ng pagkilala sa sarili sa pamamagitan ng pagsiguro na ligtas ang ating: salita, kilos, at kaisipan.
Sa salita, ilan sa mga paraan ay: iwasan ang mga mapanirang biro o panlalait na may kinalaman sa kasarian na maaaring makasakit sa iyong kapwa; maaari mo rin na tanungin kung ano ang gusto nilang itawag sa kanila; at kung mayroong lumapit sa iyo upang magkuwento, tanungin kung kumusta sila at kung handa ba sila na magbahagi.
Sa kilos, ilan sa mga paraan ay: magsumbong o magsalita kapag nakakita ng mga pambubully na may kinalaman sa kasarian, at makinig nang walang paghuhusga.
Panghuli, sa kaisipan, ilan sa mga paraan ay: maging bukas ang pag-unawa na hindi lamang ‘babae’ o ‘lalaki’ ang kasarian; laging tandaan na ang paglaladlad ay isang proseso at dapat na respetuhin ang kapwa sa kanilang desisyon.
Bakit nga ba mahalaga na masiguro na ligtas sa iba’t ibang espasyo pagdating sa paglaladlad o kahit nasa proseso pa lamang ng pagkilala sa sarili?
Ikaw ay maaaring maging isang Ligtas na Espasyo ng Iyong Kapwa!
Maaaring hindi lahat ay nakatatanggap ng sapat na suporta mula sa kinokonsidera nila na malalapit na tao sa kanila tulad ng kanilang mga kapamilya o kaibigan. Lalo na marami ang kaso ng karahasan at hindi pagtrato nang tama sa mga kabataan na naiiba ang kasarian mula sa nakasanayang tradisyon na mayroong ‘babae’ at ‘lalaki’ lamang.
Kaya naman, bilang mga kabataan maging ligtas na espasyo tayo para sa isa’t isa—lalo na sa mga kapwa natin na nangangailangan ng pagtanggap, pagmamahal, at suporta upang maipakita nila ang kanilang totoong sarili.
Laging tandaan na ang paglaladlad ay hindi minamadali. Ang pagbuo at pagkilala sa ating sarili at kasarian ay isang proseso din. Huwag mag-alala, kahit nasaan ka pa man ngayon, ikaw ay mahalaga at may lugar ka sa lipunan.
Mga Maaaring Lapitan at Samahan ng mga Kabataan
UP Babaylan: Tumutulong sa mga estudyanteng miyembro ng lesbian, gay, bisexual, at transgender (LGBT). Gumagawa ng mga aktibidad tungkol sa paggalang at pagtanggap sa mga estuydanteng LGBT.
Facebook Page: https://www.facebook.com/upbabaylan/
Babaylanes: Isa itong grupo na layunin na palakasin ang kakayahan ng mga kabataang LGBTQI sa Pilipinas. Sila ay nagbibigay rin ng pang-aaral tungkol sa karapatang pantao.
Lokasyon: 10C Matipid, Sikatuna Village, Quezon City
Email: info@babaylanes.org
Website: https://babaylanes.org/
Queer Safe Spaces: Isang grupo para sa mga Pilipinong miyembro ng LGBTQIA+ at mga taga suporta nito. Isa sa kanilang mga programa tungkol sa mental health at pagbuo ng mga pag-aaral para sa mga kabataan tungkol sa kasarian
Email: info@queersafespacesph.org
Website: https://www.queersafespacesph.org/
Bahaghari Center: Samahan ito para magbigay aral at protektahan ang kabuhayan ng mga miyembro ng LGBTQIA+.
Lokasyon: 2627 Dian St, Malate, City Of Manila, 1004 Metro Manila
Website: https://bahagharicenter.org/about-us/