Mga Karaniwang Tanong tungkol sa PhilHealth Konsulta

Ano ang PhilHealth Konsulta?

Ang PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama o mas kilala na PhilHealth Konsulta ay ang pinalawak na primary care benefit ng PhilHealth.

Sino ang maaaring makagamit ng PhilHealth Konsulta?

Lahat ng Filipino na miyembro ng PhilHealth ay kwalipikado sa benepisyong ito. Kailangan lamang na magparehistro sa accredited na PhilHealth Konsulta Facility na kanilang napili.

Para naman sa mga hindi pa rehistrado sa PhilHealth, kinakailangan lamang na magpatala at magsumite ng pinunan na PhilHealth Member Registration Form (PMRF) sa pinakamalapit na tanggapan ng PhilHealth upang mabigyan ng PhilHealth Identification Number (PIN).

Paano ako makakapagparehistro sa isang Konsulta facility o pasilidad na nagbibigay ng PhilHealth Konsulta Package?

Ang pagpaparehistro ay kinakailangang gawin online at matapos ay makatatanggap ng confirmation mula sa PhilHealth. Maaari itong gawin sa inyong bahay (self-registration) o magtungo sa pinakamalapit na PhilHealth Local Health Insurance Office o ibang ahensya na binigyan ng permiso ng PhilHealth na magsagawa ng assisted registration.

Paano kung hindi pa ako rehistrado sa PhilHealth, ano ang nararapat kong gawin?

Para sa mga hindi pa rehistrado, kinakailangan lamang na magpatala at magsumite ng PhilHealth Member Registration Form (PMRF) sa pinakamalapit na PhilHealth Local Health Insurance Office para mabigyan ng PhilHealth Identification Number (PIN).

Bakit kinakailangan kong magparehistro muli sa Konsulta facility?

Ang pagpaparehistro sa isang Konsulta facility ay alinsunod sa itinakda ng Universal Health Care (UHC) Law. Ito ang paraan ng gobyerno upang masiguro na ang bawat Filipino ay mayroong doktor na tutugon sa pangagailangang pangkalusugan at magkaroon ng continuity of care sa pamamagitan ng referral na manggagaling sa Konsulta facility.

Ano-anong serbisyo ang makukuha ko sa PhilHealth Konsulta?

Ang mga serbisyong makukuha dito ay ang mga sumusunod: check-up, health screening and assessment, laboratory at gamot ayon sa health risks, edad at pangangailangan ng pasyente.

Saang pasilidad ko maaaring gamitin ang PhilHealth Konsulta?

Ito ay magagamit sa alinmang pampubliko o pribadong pasilidad na accredited ng PhilHealth bilang Konsulta facility.

Maaari ba akong kumuha ng serbisyo sa isang Konsulta facility kung saan hindi ako nakarehistro?

Oo. Ngunit ang mga serbisyo na ibibigay sa iyo ay kailangan mong bayaran. Upang maiwasan ito, kinakailangan na ikaw ay magpupunta lamang sa isang Konsulta facility kung saan ka nakarehistro.

Ano ang ATC at saan ito ginagamit?

Ang Authorization Transaction Code o ATC ay isang code na maihahalintulad sa One Time Pin (OTP) na kailangang ibigay sa Konsulta facility sa bawat pagbisita dito.

Paano magkakaroon ng ATC? Paano kung wala akong nakuhang ATC, maaari pa ba ako makagamit ng aking benepisyo?

Ang ATC ay maaaring makuha sa alinman sa mga sumusunod:

  1. Pag-access sa Member Inquiry na matatagpuan sa PhilHealth website;

  2. Pagtawag sa PhilHealth Call Center sa numerong 8441-7442;

  3. Paglapit sa PCARES na nakatalaga sa isang ospital; at

  4. Pagbisita sa pinakamalapit na PhilHealth Local Health Insurance Office (LHIO).

Kung walang paraan na ikaw ay makakuha ng ATC, maaari ka ng magtungo sa iyong Konsulta facility at kinakailangang magpakuha ka ng litrato dito.