Noong unang taon ng panunungkulan ni Punongbayan Kgg. Ernesto T. Genuino, na taon na nang mga panahong iyon ay tanggapan sa pagpapatala ng mga nais mapabilang sa Hukbong Pandagat ng Amerika (US Navy) sa Sangley Point Cavite City. Marami ang hindi natanggap sa kadahilanang hindi tapos ng hayskul. Hindi ito nalingid sa kaalaman ng butihing meyor. Nagsilbi itong palaisipan at marahil ay isang hamon upang tuparin ang kanyang pangarap na magkaroon ng mataas na paaralan sa bayan ng Hen. Trias.
Nang sumapit ang kanyang kaarawan noong ika-3 ng Pebrero, 1966, nagkatipon-tipon ang mga konsehal tulad nina G. Teofilo G. Grepo, Quintin Broas, Cornelio Grepo at iba pa. Binalangkas nila kung paano itatayo ang mataas na paaralan. Nagtungo sila sa tanggapan ni G. Artemio O. Celestial-Tagapanihala ng mga paaralan sa lalawigan ng Cavite upang alamin ang mga pangangailangan sa pagpapatayo ng tinatawag na Barrio High School na tinuklas ni G. Pedro Orata sa bisa ng sirkular ng kagawaran ng paaralang pangbayan. Sila ay nagtagumpay sa kanilang pakay.
Nang dumating ang buwan ng Mayo 1, 1966, sa Araw ng Pagpaparangal para sa mga nagsipagtapos na may karangalan, idineklara ng panauhing pandangal na si G. Artemio O. Celestial-Tagapanihala ng mga paaralan sa lalawigan ang pagbubukas ng Mataas na Paaralan ng Hen. Trias.
Humanap ang lupon ng pansamantalang mapagkaklasihan ng 221 mag-aaral na nagpatalang papasok sa taong iyon. Una nilang pinuntahan ang istasyon ng Saulog na may edipisyong nakatayo sa looban nito. Pinakiusapan nilang kung maaari ay pansamantalang magamit ang nasabing lugar ngunit hindi ito pinahintulutan. Salamat na lang sa dating hukom na si Kgg. Benigno Sarayba. Pinahintulutan niyang gamitin ang bahay kastila na nasa kanyang solar habang hindi pa nabubuo ang paaralan.
Pansamantalang sumailalim ng pangangasiwa ng punongguro ng Tanza National Comprehensive High School na si G. Abdon P. Baybay at umaktong pangalawang punungguro na si Gng. Carmelita Mojica na noon ay punungguro naman sa Artemio Ricarte Memorial School ang bagong katatayong paaralan-Gen.Trias Municipal High School. Ang mga naunang guro na nagturo dito ay sina G. Brigido Salmo, G. Roberto Mirando, Bb.Liria Cajulis at Gng. Elsa Salvador. Sa pahintulot ng mababang paaralan, binigyan ng pagkakataong magturo ang mga guro sa elementarya na sina G. Jesus Masdal, G. Victoriano Columna, Bb. Lina Potente, Gng. Beatriz Nocon, Bb. Ligaya Obiniana, at G. Julio Domingo. Ilang guro din sa mataas na paaralan ng TNCHS tulad nina Gng. Dominga Deseo, Gng. Crispina A. Salgado, G. Eusebio Dichoso at G. Eladio Q. Villa ang nagbahagi ng kanilang panahon sa nasabing paaralan.
Sinikap ng butihing mayor at mga konsehal nito na imantini at paunlarin ang nasabing paaralan ngunit hindi sapat ang pondo upang ito ay matustusan. Humingi sila ng tulong sa mga kapitan ng baranggay na ibigay ang 10% na tulong bilang bahagi ng mga ito na nagmula naman sa pondo ng gobyerno nasyonal. Noong Agosto 1966, ang gusaling may anim na silid-aralan ay naitayo sa tabi ng simbahang katoliko na ngayon ay kinatitirikan ng DSWD.
Hindi dito nagtapos ang problema sapagkat ng sumunod na taon umabot sa 545 ang bilang ng mga magsisispag aral. Nangangahulugan na kailangan ng bagong silid aralan upang pagklasihan ng dumaraming magsisispag aral. Sa ikatlong taon ng pasukan ay 799 na ang bilang ng mga mag aaral. Pabigat na ng pabigat sa kawalan ng mapapasukan. Dahil dito nagpasya ang mayor na magtungo sa Saigon, Vietnam noong Enero 1968 upang humingi ng tulong sa ating mga kababayan doon. Nagtagumpay naman siya ngunit di pa rin ito sapat kaya’t minarapat nilang dumulog sa ating mayayamang kababayan upang magdonasyon ng mga materyales na magagamit sa paggawa at pagsasaayos ng iba ‘t ibang pasilidad ng nasabing paaralan
Sa bisa ng Panukala ng Sangguniang – Bayan bilang 134 noong unang araw ng Setyembre 1968 at sa bisa ng kapasiyahan ni Konsehal Quintin Broas, pinagkaisahan ang pagkakatatag ng Mataas na Paaralan ay gawing Pebrero 3 bilang pagkilala sa butihing mayor ErnestoT. Genuino na siyang nagpasimula dito. Sa kabila ng mga kakulangan sa kagamitan at silid-aralan nagpapatuloy ang takbo ng paaralan . at noong ika-9 ng Enero humaliling pangalawang punungguro si G. Eladio Q. Villa dating guro sa TNCHS na sinundan naman nina G. Benjamin Banaag, Gng. Crispina A. Salgado at Gng. Remedios N. Cionelo bilang mga punungguro na. Nagkaroon na ng panggabing klase upang matugunan ang lumalaking bilang ng mga nagsisipag-aral ngunit di pa rin ito sapat.
Kaya’t noong taong 1979, pinayuhan ni Gng. Loreto G. Riego De Dios na ng noo’y Tapamanihala ng mga paaralan sa Cavite, ang mga opisyales ng bayan na humanap na ng malaking lupang mapaglilipatan ng paaralan. Naisipang llapitan ng noo’y kahaliling meyor na si Kgg. Teofilo G. Grepo si Gng. Martina S. Ferrer, ang biyuda ng namayapang Gob. Luis Ferrer. Si Lola Tinang (para sa marami) ay hindi nagkait ng tulong. Siya at ang kanyang pamilya ay nagkaloob ng 8,000 metro kwadradong lupa na matatagpuan sa Brgy. Pinagtipunan, General Trias, Cavite. Naisagawa ang paglilipat ng dalawang palapag na gusali sa loob lamang ng dalawang buwan kung kaya’t ito ay pinasukan ng mga mag- aaral sa taong panuruan ding yaon. Umabot na ang kanilang bilang sa 1300. Sa simula’y sadyang nahirapan ang lahat sapagkat di pa kumpleto ang kaayusan nito idagdag pa ang mga putik at kasukalan ng paligid sapagkat ito ay nasa bukid pero unti-unti sa pagtutulungan ng lahat, naisaayos na muli ang paaralan.
Magmula noon ang dating GTMHS ay nagkaroon na ng bagong ngalan GFMHS na isinunod sa ngalan ng dating Gobernador ng ating lalawigan. Itinaon naman ang pagkakatatag nito sa mismong kaarawan ni Lola Tinang. Ang unang anibersaryo nito ay noong Nobyembre 27, 1980 at ang unang punongguro ay si Gng. Remedios N. Cionelo. Naging kauna-unahang proyekto ng PTA ay pagpapakisame ng mga silid-aralan. Kauna-unahang naging Bb. GFMHS ay si Marivic Colmenar. Ang pondong ginamit sa pagpapatakbo ng paaralan hanggang sa 1983 ay buhat sa pondong local (30%) – matatanggap buwan- buwan at panustos sa gastusin ng paaralan ngunit sa kalaunan ito ay nabigyan ng kalutasan pagkat sa bisa ng Resolusyon Blg. Serye 1980, ang paaralan ay naging nasyonal na kaya’t ang pondo na nito ay buhat sa gobyerno nasyonal, dahil dito, ang paaralan mula sa ngalang Gen. Trias Municipal High School na naging Gov. Ferrer Memorial High School noon, ngayon ay GOV. FERRER MEMORIAL NATIONAL HIGH SCHOOL.
Ang mga naunang guro na naunang magturo dito at magpahanggang ngayon ay nagtuturo pa rin dito ay ang mga sumusunod: Gng. Wilma L. Broas, Bb. Lorna C. Mendoza (Ingles) Isidra E. Dominguez at Gng. Resurreccion S. Suyom( Mathematics)Aida A. Montoya (Science)Agnes R.Descallar Camutin at Belinda S. Montoya –Ambogia (Practical Arts) G. Ricardo L. Sidocon ,Gng. Aida B. Rollan at Norma V. Valencia (YDT_ CAT) Ang mga sumunod na naging punungguro ay sina G.Jose M. Salazar Jr. (1981-1986) Gng.Crispina A. Salgado (1986-1991) Gng. Presenciana Pinazo (1991-1992) Gng. Soledad Pallera (1992-1998) At G. Prudencio M. Animas (1998 up to the present)
Nagkaroon na ng apat na annexes ang paaralang ito: Biclatan, Buenavista, San Francisco at Pamayanang Maliksi. Patuloy ang pag-usad tungo sa pag-unlad ng ating paaralan. Sana ay magpatuloy pa ito upang lalong makilala ang galing ng mga Gentriseño sa maayos na pangangasiwa ng ating mahal na principal – Dr. Prudencio M. Animas at higit sa lahat sa walang humpay na pag-alalay ng ating butihing punungbayan Kgg. Luis Jonjon A. Ferrer gayundin ng ating mahal na kongresman Kgg. Antonio “Onie” A. Ferrer at ng kanilang kapamilya . Sanay lalo pang matanyag ang ating kahalalan at pagpalain po tayo ng Amang Maykapal.