Welcome to our school learning resource portal!
Ang paaralang General Trias Municipal High School ay ang kauna-unahang paaralang pansekundarya na itinatag upang makatulong sa mga kabataang Gentriseño na maitaas ang kalidad ng kanilang edukasyon. Ang nasabing pinakaunang pansekondaryang paaralan ay katabi lamang ng simbahan ng San Francisco de Assissi. Ang Pagkakatatag ng paaralan Sa panahon ng panunungkulan bilang punongbayan ni Kgg. Ernesto T. Genuino sa taong 1960, nagkaroon ng matinding hangarin ang alkalde na makapagtayo ng pampublikong mataas na paaralan sa General Trias dahil sa balita na maraming kabataang Gentriseño ang hindi natanggap sa Hukbong Pandagat ng Amerika o US Navy sapagkat hindi sila nakapagtapos ng hayskul.
Ito ay naisalaysay din ni Gng. Resurreccion Saria-Suyom, guro at isa sa mga nanguna upang maitatag ang Governor Ferrer Memorial National High School. Dahil dito, nangalap ang alkalde-mayor ng pondo upang maisakatuparan ang pagpapatayo ng paaralan at noong ika-3 ng Pebrero ay nagkatipon-tipon ang mga konsehal sa pangunguna nina Teofilo G. Grepo, Quintin Broas at Cornelio Grepo upang balangkasin ang pagpapatayo ng ng nasabing pampublikong paaralang pansekundarya. Sinundan ito ng pakikipagpulong sa tanggapan ni Artemio O. Celestial, ang superintendent ng mga paaralan sa Cavite, upang alamin ang proseso sa pagpapatayo ng isang barrio high school.
Sa Araw ng Pagpaparangal noong Mayo 1, 1966 ay idineklara ni G. Celestial, panauhing pandangal, ang pagbubukas ng isang pampublikong paaralang pansekundarya sa General Trias. Naghanap ang Lupon ng Konseho ng pansamantalang mapagdarausan ng klase ng 221 na mga mag-aaral na nagpatalang papasok sa taong panuruang iyon ngunit tumanggi ang Saulog Transit nang idulog ito sa kanila. Sa kabutihang palad, pumayag ang dating hukom na si Kgg. Benigno Sarayba na pansamantalang magamit na klasrum ang bahay-kastila na parte pa ng kaniyang solar at nasa tapat lamang ng plaza. (R. Suyom, Oktubre 2024). Dagdag pa sa salaysay ni Gng. Suyom (2024), naging mag-aaral sa Bahay Kastila, ang klase ay mayroong tatlong (3) seksyon na may tatlumpung (30) mag-aaral lamang. Ang mga mag-aaral ay nagkaklase sa ilalim ng mga puno sa loob ng solar ng bahay-kastila na gawa sa mga tabla. Nagsilbing punongguro ng hayskul sa bahay-Kastila si Abdon P. Baybay ng Tanza National Comprehensive High School (TNCHS), katuwang si Carmelita Mojica, na noon ay principal ng Artemio Ricarte Memorial School. Kabilang sa mga unang gurong humawak ng mga klase sina Brigido Salmo, Roberto Mirando, Liria Cajulis at Elsa Salvador. Maging ang mga regular na guro sa paaralang elementarya na sina Jesus Masdal, Victoriano Columna, Lina Potente, Beatriz Nocon, Ligaya Obiniana at Julio Domingo ay binigyan din ngpagkakataon na makapagturo sa bagong hayskul sa bahay-Kastila. Kahit ang ilang guro ng TNCHS na sina Dominga Deseo, Crispina A. Salgado, Eusebio Dichoso at Eladio Q. Villa ay nakapaglaan ng kanilang panahon at kakayahan sa pagtuturo sa kabubukas na hayskul.
Sinikap ng butihing mayor na si Kgg. Ernesto T. Genuino at mga konsehal nito na imantini at paunlarin ang nasabing paaralan ngunit hindi sapat ang pondo upang ito ay matustusan. Humingi sila ng tulong sa mga kapitan ng baranggay na ibigay ang 10% na tulong bilang bahagi ng mga ito na nagmula naman sa pondo ng gobyerno nasyonal. Agosto 1966, ang gusaling may anim na silid-aralan na yari sa tabla ay naitayo sa tabi ng simbahang katoliko, ngayon ay kinatitirikan ng CVSU-General Trias.
Nang sumunod na taon ay umabot sa 545 ang bilang ng mga magsisipag-aral, nangangahulugan na kailangan ng bagong silid-aralan upang pagklasihan ng dumaraming magsisipag-aral. Nang mga panahong ito hindi pa uso ang pagkakaroon ng pang-umaga at panghapon na klase lamang. Sa ikatlong taon ng pasukan ay 799 na ang bilang ng mga mag aaral, pabigat nang pabigat dahil sa kakulangan ng mapapasukan. Dahil dito nagpasya ang alkalde-mayor na magtungo sa Saigon, Vietnam noong Enero 1968 upang humingi ng tulong sa ating mga kababayan doon. Nagtagumpay siya ngunit hindi pa rin ito sapat kaya’t minarapat nilang dumulog sa ating mayayamang kababayan upang humingi ng donasyon ng mga materyales na magagamit sa paggawa at pagsasaayos ng iba ‘t ibang pasilidad ng nasabing paaralan.
Sa bisa ng Panukala ng Sangguniang-Bayan bilang 134 noong unang araw ng Setyembre 1968 at sa bisa ng kapasiyahan ni Konsehal Quintin Broas, pinagkaisahan ang pagkakatatag ng Mataas na Paaralan ay gawing Pebrero 3 bilang pagkilala sa butihing mayor Ernesto T. Genuino na siyang nagpasimula dito. Sa kabila ng mga kakulangan sa kagamitan at silid-aralan nagpapatuloy ang takbo ng paaralan. Noong ika-9 ng Enero, humaliling pangalawang punungguro si G. Eladio Q. Villa dating guro sa TNCHS na sinundan naman nina G. Benjamin Banaag, Gng. Crispina A. Salgado at Gng. Remedios N. Cionelo bilang mga punungguro na. Nagkaroon na ng panggabing klase upang matugunan ang lumalaking bilang ng mga nagsisipag-aral ngunit di pa rin ito sapat. Kaya’t noong taong 1979, pinayuhan ni Gng. Loreto G. Riego De Dios na ng noo’y Tagapamanihala ng mga paaralan sa Cavite, ang mga opisyales ng bayan na humanap na ng malaking lupang mapaglilipatan ng paaralan. Naisipang lapitan ng noo’y kahaliling mayor na si Kgg. Teofilo G. Grepo si Gng. Martina S. Ferrer, ang biyuda ng namayapang Gobernor Luis Y. Ferrer Jr. Si Lola Tinang (para sa marami) ay hindi nagkait ng tulong. Siya at ang kanyang pamilya ay nagkaloob ng 8,000 metro kwadradong lupa na matatagpuan sa Brgy. Pinagtipunan, General Trias, Cavite. Naisagawa ang paglilipat ng dalawang palapag na gusali sa loob lamang ng dalawang buwan kung kaya’t ito ay pinasukan ng mga mag-aaral sa taong panuruan ding yaon. Umabot na ang kanilang bilang sa 1300. Sa simula’y sadyang nahirapan ang lahat sapagkat di pa kumpleto ang kaayusan nito idagdag pa ang mga putik at kasukalan ng paligid sapagkat ito ay nasa bukid pero unti-unti sa pagtutulungan ng lahat, naisaayos na muli ang paaralan (https://www.gfminhs.com/about-us/history).
Ayon kay Belen B. Saria (2024), ang paaralan ay may isang gusali na yari sa kahoy, binubuo ng dalawang palapag na siya ang tumayong school barangay president ng paaralan, tumulong din sila sa paglilinis at pagsasayos ng paligid ng paaralan katuwang ang iba pang mag-aaral. Taong panuruang 1980, huling taong panuruan na nakapagtapos sa paaralang General Trias Municipal High School bago pa ito nagkaroon ng bagong pangalan at lugar na pinagtayuan (Gng. Divina S. Tumbaga, panayam, October 2024). Pagkakaroon ng Bagong Pangalan ng Paaralan Magmula noon ang dating General Trias Municipal High School (GTMHS) ay nagkaroon na ng bagong ngalan, Governor Ferrer Memorial High School (GFMHS) na isinunod sa ngalan ng dating Gobernador ng ating lalawigan. Itinaon naman ang pagkakatatag nito sa mismong kaarawan ni Lola Tinang. Ang unang anibersaryo nito ay noong Nobyembre 27, 1980 at ang unang punongguro ay si Gng. Remedios N. Cionelo.
Naging kauna-unahang proyekto ng PTA ay pagpapakisame ng mga silid-aralan. Kauna-unahang naging Bb. GFMHS ay si Marivic Colmenar. Ang pondong ginamit sa pagpapatakbo ng paaralan hanggang sa 1983 ay buhat sa pondong local (30%) – matatanggap buwan- buwan at panustos sa gastusin ng paaralan ngunit sa kalaunan ito ay nabigyan ng kalutasan. Sa bisa ng Batas Pambansa Blg. 587 noong ika-24 ng Hunyo taong 1983, ang paaralan ay naging nasyonal na kaya ang pondo nito ay buhat na sa gobyerno nasyonal. Dahil dito, ang paaralan mula sa ngalang General Trias Municipal High School na naging Governor Ferrer Memorial High School noon, ay naging Governor Ferrer Memorial National High School.
Sa kasalukuyan, ito ay may opisyal na pangalang Governor Ferrer Memorial Integrated National High School alinsunod sa Batas Republika Blg. 9155 at 10533, at DepEd Order No. 51 s. 2015 na may Special Order No. SHS-A-1-21 dahil sa pagkakaroon nito ng senior high school taong 2021. Ang mga sumunod na naging punungguro ay sina G. Jose M. Salazar Jr. (1981-1986), Gng. Crispina A. Salgado (1986-1991), Gng. Presenciana Pinazo (1991-1992), Gng. Soledad Pallera (1992-1998), G. Prudencio M. Animas (1998 -2021), Gng. Corazon L. Novelo (2021-2022), at si G. Ramy R. Dalida (2022 hanggang kasalukuyan) (https://www.gfminhs.com/about-us/history).
Ang GFMNHS ay nagkaroon ng limang annexes na ngayon ay hiwalay na: Biclatan, Buenavista, Marycris, Pamayanang Maliksi, at San Francisco. Sa kasalukuyan, patuloy ang pag-unlad ng paaralan at lalong nakilala ang galing ng mga batang Gentriseño sa tulong at suporta ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng General Trias sa pamumuno ng Punong Lungsod, Kgg. Luis Jonjon A. Ferrer at Kinatawan ng ika-6 na Distrito ng Cavite, Kgg. Antonio “Ony” A. Ferrer, at ng kanilang pamilya (https://www.gfminhs.com/about-us/history).
SANGGUNIAN:
Batas Pambansa Blg. 587, June 24, 1983 https://elibrary.judiciary.gov.ph/thebookshelf/showdocs/2/33088
DepEd Order No, 51 s. 2015. Guidelines on the Implementation of SHS Program in Existing Public JHSS and ISS, Establishment of Stand – Alone Public SHSS and Conversion of Existing Public Elementary and JHSS into stand-alone SHSS https://www.deped.gov.ph/wp-content/uploads/2015/10/DO_s2015_51_0.pdf
GFMINHS History, Admin, Johanna Mae E. Obar at Marie Aldron G. Asuncion, https://www.gfminhs.com/about-us/history The North Star 1981
Annual Souvenir – Editor- in- Chief Judith R. Parin https://elibrary.judiciary.gov.ph/ (Supreme Court E-Library)
PERSONAL NA KOMUNIKASYON: Ludimer, Genuino, Oktubre 2024 Saria, Belen S. Oktubre 2024 Suyom, Resurrecion S., Oktubre 2024 Tumbaga, Divina S., Oktubre 2024