Noong Mayo 2023, bilang bahagi ng isang peregrinasyon, ay dumalaw ang ating Kura Paroko, Mons. James A. Contreras sa Catedral-Basilica de Nuestra Sra. Del Pilar sa Zaragoza, Espanya, ang Simbahan na pinabanal ng pagdalaw ng Mahal na Birhen at kung saan nananatili at pinararangalan ang orihinal na Pilar dinala ng mga anghel noong ang Birhen ay dumalaw kay Apostol Santiago Mayor noong 40 A.D.
Dinala niya doon ang isang liham na nilagdaan ng mga deboto ng Mahal na Birhen sa Alaminos. Taglay nito ang isang kahilingan na magkaroon ng isang ugnayan sa pagitan ng Catedral-Basilica at ng Simbahan ng Alaminos. Ang liham na ito ay tinanggap ni P. Joaquín Aguilar Balaguer, and Deán-Presidente ng Cabildo Metropolitano de Zaragoza.
Pinag-aralan ng Cabildo ang kahilingan at noong Hunyo 20, 2024 ay ipinagbigay-alam sa Alaminos ni P. Daniel Granada Cañada, Secretario Capitular ng Cabildo, na sa kanilang Sesión Ordinaria noong Mayo ay ipinagkakaloob sa Simbahan ng Alaminos ang hinihiling na ugnayan.
Bilang tanda nito, pagkakalooban ang Simbahan ng Alaminos ng isa sa mga orihinal na Manto ng Birhen sa Zaragoza at ng isang “Liham ng Pagkakapatid”. Ipinagkakaloob nito sa mga miyembro ng Cofradia ang mga indulhensiya at mga pribilehiyo, gayun din ang mga biyaya ng mga panalangin na patuloy na inaalay sa Catedral-Basilica ng Zaragoza.
Dahil dito, ang Simbahan ng Alaminos ay tila naging isang “Munting Zaragoza” at ang mga nagdarasal at nagpeperegrino rito ay para na ring nakaabot doon. Ito ang tanging Simbahan sa Laguna, at maaring sa buong Pilipinas, na may ganitong ugnayan sa Catedral-Basilica ng Zaragoza.
Noong Setyembre 22, 2024, nagsadya si Mons. Contreras doon upang personal na tanggapin ang manto at ang Liham ng Pagkakapatid (Carta de Hermandad). Kasama niya si Padre Park O. Ebones at ang ilang mga taga-Alaminos na karamihan ay naninirahan sa iba’t-ibang bahagi ng Espanya. Pagkatapos ay ipinagdiwang nila ang Santa Misa sa Altar ng Santa Capilla, ang lugar na pinakamalapit sa imahen ng Mahal na Birhen at sa kanyang orihinal na Pilar.
Ang Pormal na Pagpapahayag ng Ugnayan ay ginanap noong Oktubre 12, 2024, sa harap ng Obispo Prelado ng Infanta - ang Lubhang Kagalang-galang Bernardino Cortez, ni Mons. Contreras, Padre Ebones, Padre Renato Bron, MF, ng pamunuan ng PPC at PFC, ng mga Hermanos at Hermanas 2024, mga deboto, at ang Katolikong Pamayanan ng Alaminos, Laguna.