Ang tatlong yugto sa buhay ng isang OFW

By: Roxanne Sta Ana - OF Focal Person/Member Relation Officer

Ang buhay ng isang tao ay binubuo ng mga maliliit na serye ng mga yugto (series of moments) na syang nagpapakulay rito at nagbibigay ng kahulugan sa kanyang eksistensya sa mundo. Sa bawat yugtong haharapin ng isang tao ay humaharap rin sya sa hamon ng pagbabago. Ika nga nila “Change is the only constant in life” sa kabila ng kaalamang ito ay marami pa rin sa mga tao ang nahihirapan sa pag harap sa mga pagbabago sa kanyang buhay ang ilan ay nakakaranas ng depresyon at mga kabalisahan.

Araw-araw ay humaharap tayo sa hamong ito kaya mahalagang malaman at matutuhan ng isang tao kung paano haharapin ang mga malalaking pagbabago sa kaniyang buhay. Maging sa relasyon, pamilya, trabaho, lugar o pangyayare man ito. Ang pagbabagong dulot ng migration ay may malaking epekto sa mental na kalusugan ng isang tao, Bagaman makabago na ang ating panahon ay madalas na sarado pa rin ang isip ng mga tao ukol sa usapang mental health. Ngunit ang mga isyung ito ay nasa paligid lamang natin kung magagawa lamang natin na ito tingnan ng mabuti. Isa sa mga nakararanas ng malaking pagbabago sa kanilang buhay ay ang ating mga kababayang manggagawa sa labas ng ating bansa at kasama rin sa mga pagbabagong kanilang nararanasan ay ang kanilang pamilya. Kada taon libo-libong mga Pilipino ang nakikipag sapalaran sa labas ng bayan, dala ang mga pangarap na sa pamamagitan ng pangingibang bayan ay kanilang mabago ang kanilang mga kalagayan sa buhay. May tatlong yugto sa buhay ng isang OFW, mga yugto na nagdudulot ng mga pagbabago sa kaniyang buhay gayon din sa kaniyang pamilya. Ang mga yugtong ito ang mga sumusunod; PRE-DEPARTURE, DURING DEPARTURE at POST-DEPARTURE.

PRE-DEPARTURE – Ito ang yugto kung saan nagpapasya ang isang pinoy na sya ay mangingibang bayan upang maghanap buhay at tugunan ang pangangailangan ng kaniyang sambahayan. Sa bahaging ito ay unti-unti na nyang pinapaalam sa kaniyang pamilya at malalapit na kaibigan ang intensyong pag-alis. Dito pa lamang ay nakakaranas na ng pagbabago ang pamilya. Tulad sa isang tiyatro ang bawat miyembro ng pamilya ay may kaniya kaniyang mga “role” at kung magpapasya na umalis ang isa ay tiyak na magkakaroon ng pagbabago sa role ng iba. Ang isang magulang na noon ay nagtatrabaho ay kaylangang magpasya na tumigil sa trabaho upang mangalaga sa mga anak na maiiwan, Kung minsan naman ang anak ay kaylangan maging ama at ina kung parehong magulang ang kailangang mangibang bayan. Mahalaga na sa bahagi pa lamang na ito ay magkaroon ng family counselling ang isang pamilya upang matutunan ng bawat isa kung paano haharap sa malaking pagbabago sa kanillang mga buhay. Isang malaking bagay rin kung magagawang pag-usapan ang ukol sa pagbabago sa loob ng pamilya at makuha ang damdamin ng bawat isa sa planong pag alis ng isa sa miyembro ng sambahayan. Sa ganitong paraan ay magkakaroon ng smooth na transition pagdating sa pagbabago ng mga role sa tahanan.

DURING DEPARTURE – Ang yugtong ito ay tumutukoy sa buhay ng bawat isang miyembro ng pamilya sa panahon nasa malayo na ang isang miyembro nila. Ang kapamilyang nasa ibang bansa ay kailangan mag adjust sa bago nyang luagr. Nararanasan nya ang labis na kalungkutan dulot ng pag-iisa at pagiging malayo sa kaniyang mga mahal sa buhay. Kinakailangan nilang magsanay ng mga panibagong pag-uugali upang makibagay sa kultura ng kinaroroonang bansa. Pagbabago ng pananalita, pananamit dulot ng klima at pag-buo ng mga panibagong kakilala/kaibigan o grupo na makakasama (social ties).

At dahil sa bagong hanap buhay ay nababago rin ang kanilang kalagayan sa buhay gayon din ang kanilang pamilya sa Pilipinas. Nakakapag-pundar at nakakabili ng mga bagay na kanilang gusto. Mas dumarami ang kanilang mga pagpipillian sa buhay dahil mayroon nang salapi na panggugol para rito. Nagkakaroon ng pagkakataong makatapos ng paaral at makapagbukas ng mga negosyo upang higit na mapaunlad ang kanilang buhay. Sa punto ring ito ay nagkakaron rin ng malaking pagbabago sa relasyon ng mga magulang sa anak at ng mga mag-asawa. Ang ama o ina ng sambahayan ay kailangan gumanap ng dalawang papel dahil nasa malayo ang kaniyang katuwang sa buhay. Dumadanas rin ng hirap sa kumunikasyon ang mga pamiya kahit pa nasa panahon na tayo ng social media, dahil minsan mas pinipili ng pamilyang wag na ipaalam sa knilang mahal sa buhay ang kanilang tunay na kalagayan upang hindi na magdulot ng pag-aalala. Ito ang madalas na magiisip ng isang Pilipino “Di bale ako na lang magproblema, wag na lang sila” ngunit ang ganitong pag-iisip ay maaring magdulot ng mas malaking pinsala sa ating mga relasyon sa katagalan. Ika nga nila “communication is key” ang regular na pag-uusap ay nakakatulong upang mapatibay ang mga samahan ng bawat pamilya. Sa bahagi ng isang OFW mahalaga rin ang proper ventilation ng mga damdamin, Importanteng may nakakausap at napagsasabihan ng saloobin upang kahit bahagya ay makatulong ito na pagaanin ang mga dalahin.

POST-DEPARTURE – Sa yugtong ito ay nagpapasya na ang isang OFW na umuwi at manatili na sa Pilipinas ng permanente at makasama ang kaniyang pamilya. Kung mahabang panahon ang kaniyang ginugol sa paninirahan sa ibang bayan ay marami na ring pagbabago ang naganap sa buhay na kaniyang babalikan. Dadanas syang muli ng paninibago sa pakikisama sa kaniyang sariling pamilya dahil sa pagbabago ng kanilang mga “role” sa tahanan. Ilan sa mga ex-OFW ang nakakaranas ng depression sa bahaging ito ng kanilang buhay. Nagbabago ang kanilang papel sa pamilya kaya naman nakakaranas sya ng displacement. Mahalaga na sa bahaging ito ay maisagawa ang tamang reintegration. Malaking tulong ang nagagawa ng pagkakaroon ng matibay na ugnayan ng isang pamilya pagdating sa proper reintegration. Naibabalik ang dating samahan ng mag-asawa at muling nalalapit ang loob ng mga kabataan sa kanilang mga magulang. Pagdating sa bahaging ito mahalagang laging naka ugnay sa mga eksperto pagdating sa larangang sikolohikal.

Ang ating pamahalaan ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga kooperatiba upang maging kabahagi ang mga koop sa pagbuo ng mga proramang maaring makatulong sa mga OFW at kanilang pamilya. Kamakaylan ay dinaluhan ng BS2MC ang isang forum ukol sa Sustainable Reintegration of Overseas Filipinos through Cooperatives noon Agosto 20 2020. Naging labis na makabuluhan ang pagpupulong na ito dahil nagkaroon ng mas malawak na pang-unawa ang kooperatiba ukol sa mga yugtong pinagdadanan ng isang OFW. Malaking tulong ang mga ganitong pag-uusap upang patuloy na maka-isip ng mga serbisyo at produkto ang mga koop na magiging kapaki-pakinabang sa mga kababayan natin na nagbabalik sa ating bansa.

Tunay na napaka halaga ng ambag ng isang OFW sa ekonomiya ng bansa kahit saan man sila makarating ang puso nila ay palaging nasa kanilang mga pamilya at laging nakatanaw sa mga bagay na ikabubuti ng kanilang sambahayan. Kaya naman karapatdapat lang na mabigyan rin sila ng mga oportunidad na magiging tulay nila tungo sa tagumpay ng kanilang mga pangarap. Tulad ng isang OFW ang aming misyon ay maging kasangkapan ang BS2MC ng mga miyembro upang baguhin ang kanilang mga kalagayan sa buhay tungo sa pag-unlad. Mabuhay ang lahat ng mga migrants worker sa buong mundo! Tunay na kayo ang mga makabagong bayani.