Join our online PMES on December 21, 2020 1:30 PM
Ang kooperatiba ay isang samahan ng mga taong may iisang adhikain na pinagbubuklod ng kanilang pare-parehong interes at mithiin. Sila’y kusang nagsama-sama upang makamit ang kanilang mga pangangailangan sa pamayanan sa pamamagitan ng pag-aambag ng kanilang inipong kapital, pagtangkilik sa kanilang sariling produkto at serbisyo, at pakikibahagi sa benepisyo ng kanilang pagbubuklod.
Kumikita ang kooperatiba sa pamamagitan ng produkto at serbisyo na ibinibigay nito na kailangan ng mga kasapi. Mas malaki ang kita dahil hindi pinapatawan ng buwis ng gobyerno ang transaksyon ng koop sa kanyang mga miyembro.
Dahil ang kooperatiba ay pagmamay-ari ng kaniyang mga miyembro bilang mga shareholders, sila rin ang namamahala ng kooperatiba sa pamamagitan ng tinatawag na General Assembly (GA) kung saan lahat ay pantay pantay. Ang GA ang pumipili ng pamunuan na mamamahala sa kooperatiba.
Mga miyembro rin ang nakikinabang sa koop. Bukod sa mga produkto at serbisyo na maaaring tangkilikin, nakikinabang rin ang mga kasapi sa kita ng kooperatiba na kanilang natatanggap bilang interes sa saping puhunan at ang balik tangkilik.
Ang share capital ang katumbas ng pera na inilalagak ng miyembro bilang investment niya sa kooperatiba. Binibigyan sya ng Share Certificate para dito. Ipinamamahagi ng kooperatiba ang ilang porsyon ng kanyang kita sa mga miyembro base sa laki ng share capital na kanyang pagmamay-ari.
Binibigyang-halaga ng kooperatiba ang pagtangkilik sa kanyang mga produkto at serbisyo. Mas malaki ang pagtangkilik ng miyembro sa koop, mas malaki rin ang patronage refund na matatanggap niya mula sa kita nito.
Ang bawat kooperatiba ay may kanya kanyang requirements para makasali. Nakapaloob ito sa ByLaws ng kooperatiba. Hindi mawawala sa requirements ang pag dalo sa PMES upang makasali sa isang kooperatiba.
Ang PMES o Pre-Membership Education Seminar ay kailangang madaluhan bago tanggapin ang kanyang aplikasyon. Sa pamamagitan nito, mas maiintindihan ng miyembro ang konsepto ng kooperatiba at ang kanyang mga karapatan at tungkulin bilang kasapi at ka-may-ari ng kooperatiba.
Ang isang kooperatiba ay dapat rehistrado sa Cooperative Development Authority (CDA). Bukod dito, dapat ay mayroon din silang Certificate of Compliance (COC) taun-taon. Maaaring magtanong sa Cooperative Office ng inyong bayan upang makasiguro.