Unity ang sigaw ng taumbayan, ngunit tila hindi makita ang pagkakaisa. Mapa-comment section man sa mga social media o harap-harapan, walang katapusan ang bangayan at talakan sa iba’t ibang mga usapin. Walang papatalo sa kudaan. Kailan kaya makakamit ng mga Pilipino ang tunay na pagkakaisa—ngunit sa una pa lang, kailan ba ito nawala sa masa?
Maaalala noong kalakasan pa ni Manny Pacquiao sa boksing, sa bawat laban ay tumitigil ang buong bansa bilang pagsuporta sa Pambansang Kamao. Sa kada suntok na tumatama sa kalaban ay sumasabay ang hiyawan, tutok na tutok sa mga telebisyon sa kani-kanilang bahay na nagpapaluwag sa karaniwang bumper-to-bumper na trapiko. Ito ay patunay sa pagkakaroon natin ng karanasang pangkalahatan na nagbibigay sa atin ng pagkakakilanlan at makabagong kultura subalit sa patuloy na pag-usbong ng social media ay patuloy na kumukupas.
Ang social media ngayon sobrang personal na at kilala ang interes ng gumagamit nito na paunti-unting nagiging indibidwal na ang mga hangad ng bawat isa kesa maging kolektibong para sa bayan. Ito ay dahil ang social media ay mas madaling nakabibigay ng kaligayahan sa sarili— na mas nailalaan natin ang ating pokus sa kanya kesa sa ibang gawain na pwede ring makapagpagalak sa atin. Sa Ingles, ito ang tinatawag na “instant gratification”. Mas pipiliin ng karaniwang tao ang madali at mabilis na katuwaan at hindi papansinin ang ibang opsyon sapagkat sino ba naman ang tatanggi pa sa ligaya na nasa harap mo na.
Dahil dito, nahihirapan umasenso at umunlad ang bayan at mas lalong dumadami ang taong nawawalan ng oportunidad sa ating sariling lupa. Sapagkat ang mga tao ngayon ay mas umaaksyon na lamang ayon sa kanilang pansariling hangad at nakakalimutan ang pagkatao at pakikipag-isa, lalo na sa sariling kapwa. Sapagkat ang mga tao ngayon ay sarili nalang ang iniisip na ang mga kakulangan ng kalahatan ay hindi na maisalba dahil hindi na kaya sa kalagayan ng bayan ngayon na baguhin pa ang mga interes ng bawat isa sa atin.
Ngunit mahalagang alalahanin, na kahit ganito ang lagay ng bayan ngayon, hindi ito kasalanan ng bawat isa na naging makasarili tayo. Normal lang ito. Normal lang na hangarin ang preserbasyon ng sarili— lalo na sa panahon na mahirap umasa sa mga kadalasan naman ay maaasahan tulad ng gobyerno. Ngunit kailangan natin hanapin ang balanse nito at ang pakikisama sa kapwa upang umunlad ang ating mga komunidad at sa tatagal ay ang ating bayan na rin.
Kaya hindi dapat nating hayaang lumaganap at lumala ang makasariling pag-iisip na ngayon ay umuusbong. Kung gustuhin lang madali nating makakamit ang tunay na pagkaka-isa. Magkaroon lamang ng kamalayan sa kabuoang lagay ng bansa at umaksyon ng maayos sa impormasyong ito. Kailangan natin gawin ang lahat ng ito para sa bayan. Para sa pagkaka-isa at para di na muling mapag-isa.