Bungad ng katapusan ng taong 2023 ang mensaheng nagbigay kulay sa mga bahaghari—tanggap na ang pagbabasbas ng mga Katolikong pari sa same sex na relasyon, ayon kay Pope Francis sa anunsyo ng Vatican. Yumanig ang mundo para sa iilan at ang karamihan ay naglabas ng buntong hininga. Sa wakas, hindi na ikakahiya ang pagiging bading. Sa wakas, baka sakaling titigil na pagdurusa sa ilalim ng simbahang “makatao”.
Noon pama’y nakaukit na sa mga panrelihiyong kasulatan na ang simbahan ay nakatuon sa pagpapayaman ng pagmamahal at kabutihan. Mahalin ang Diyos at kapwa mamamayan, do unto others what you want others to do unto you, ika nga nila. Dala dala nila ang mga biling na ito ngunit ang alpombra ng simbahan ay naka mantsa ng dugo at pawis ng mga taong LGBTQ na nagdusa sa ilalim ng labis na pagpapahirap at panlalait ng kanilang mga kapwa Katoliko.
Ayon sa Spring 2019 Global Attitudes Survey ng Pew Research Center, halos 20% ng mga Katoliko sa Pilipinas ay nagsasabing hindi dapat tanggap sa lipunan ang mga LGBTQ+. Dahil dito ay hindi bihira ang pang-aapi at pananakit ng lipunang Pilipino sa mga tao na ganito.
Nasaan ang pagmamahal? Nasaan ang kabutihan na ilang dekada nang paulit-ulit na tinuturo sa simbahan? Ang pagtrato ng bansa sa mga LGBTQ ay kunwari man sila ay mas nakabababaw sa tao.
Makatao raw ang simbahan—“pro-life”—ayon sa kanila. Ngunit sabi sabi lamang nila ito, at ang katotohanan ay dati pa’y magkasalungat ang mga kasulatan sa simbahan at kilos ng komunidad Katoliko.
Sa opisyal na pagtanggap ng simbahan sa same sex couples, sana ito ay ang unang hakbang para sa pagbabago. Sa wakas, hindi na ikakahiya ang pagiging bading. Sa wakas, baka sakaling titigil na pagdurusa sa ilalim ng simbahang “makatao”