Tayong mga Pilipino ay kilala na talentado at maraming mga hilig gaya lamang sa pagkanta, sa pagkain,pagsasayaw, pangents at lalong-lalo na sa larangan ng isports. Makikita ang pagmamahal at walang sawang suporta ng mga pinoy kung kapwa pilipino na ang pag-uusapan gaya lamang nung nakikiisa ang buong bansa kay Manny Pacquiao kapag sasabak sa ring at hiyawan kapag titira na ang binansagang “The Magician” o si Efren “Bata” Reyes sa bilyaran. Hindi rin mawawala ang basketball court sa halos lahat ng barangay sa buong bansa ma bata man o matanda ay game parin sa paglalaro, ngunit hindi maipagkakaila na kahit magaling maglaro ay kulang pa rin upang mangibabaw ang mga pilipino sa mga pandaigdigang kompetisyon. Hindi naman kapos sa talento ngunit saan ba nag kulang?
Maraming nagsasabi na kahit tayo ay magaling sa isports, bagama’t kulang naman sa pagsasanay. Kaya’t minabuti ng Kagawaran ng Education (DepEd) na palawigin at palaguin ang talento ng mga batang pinoy sa pagpapatupad ng mga programa, isa na dito ay ang tinatawag na Special Program in Sports (SPS), School Sports Club, DepEd Memorandum No. 056, s. 2024 na Batang Pinoy National Championships, Scholastic multi-sports competitions, Archery Tournaments at pati narin ang DepEd Memorandum No. 005, s. 2023 na Sports for All Program na naglalayong gawing accessible ang sports sa lahat, anuman ang edad, kasarian, talento o kakayahan.
Sa mga programang ito, tumutulong ito sa mga mag-aaral na may interes, kakayahan o kasanayan sa isports na magtatag ng karera sa isports o di kaya'y suportahan ang kanilang karera. Sa paraan ding ito, hinihikayat ang mga paaralan na mag organisa ng mga isports clubs at magpatibay ng mga mandatoryong sports tulad ng Arnis, Athletics, Chess, Dancesports, Sepak Takraw at Swimming. Sinuportahan din ng DepEd ang pagsasagawa ng kompetisyon gaya lamang ng intrams, palarong pampook, at palarong pambansa na lalong magpapatibay sa mga batang atleta.
Gayunpaman sa mga programang ito makakakuha rin ito ng magandang oportunidad sa mga kabataan na makakatulong sa paghubog ng sarili. Sa paraang pagbalanse, mapapalakas ang disiplina na matagumpay na magagampanan ang mga tungkulin, dito rin lalong mahubog ang kadalubhasaan sa larangang nilalaro. Dagdag pa dito makatutulong itong mapalago ang pagpapahalaga sa tinatawag na teamwork at leadership, at sa larangang ito makakuha pa ito ng scholarship at posibilidad na maging delegado sa prestihiyosong paligsahan na tinatawag na Olympics.
Sa kabuuan, tayong mga kabataan ay may tinatagong talento na nakaukit sa ating pagkatao. Babae man, lalaki, o mga kapwa nating miyembro ng LGBTQ ay may karapatang maranasan at makasali sa mga pagkakataon na mahasa ang mga talento. Tunay ngang mahirap ang proseso dahil sa dalang pagsubok nito, ngunit sa mga programang ito matutuwid ang mga dilema at matatahak ang tamang landas tungo sa magandang kinabukasan.