AGHAM ROAD JOURNAL
Mga Pananaliksik sa Filipino ng Mataas na Paaralan ng Pilipinas sa Agham-
Pangunahing Kampus
Mga Pananaliksik sa Filipino ng Mataas na Paaralan ng Pilipinas sa Agham-
Pangunahing Kampus
BAGONG ISYU
TOMO 1 BLG. 1
PAUNANG SALITA
Saksi ang kahabaan ng Agham Road sa mayamang kuwento at kalagayan ng mga indibidwal at komunidad sa labas ng Philippine Science High School- Main Campus o PISAY. Dahil sa likas na primaryang datos ang karanasan sa lansangan, hinayaan ng mga guro ang mga mag-aaral na galugarin at tumuklas ng mga pag-aaral na kumakatawan sa tunay na kalagayan ng iba’t ibang komunidad at pagka-Pilipino.
Ang Agham Road Journal ay unang biyahe sa pagsasainstitusyon sa kapangyarihan, gampanin at kakayahan ng wikang Filipino na maisulat ang mga makabuluhang pananaliksik na kumakatawan hinggil sa kalagayang panlipunan. Mahalaga ang pagbagtas mula loob patungong labas para maisadokumento ang bawat karanasan at sitwasyon.
May inilalatag na daan ang bawat pananaliksik, mula sa mga resulta nito, mabubuksan ang iba’t ibang direksyong posibleng tahakin ng mga mambabasa. Ambag din ang mga pag-aaral sa mas maagap na pagsagip sa mga lubak na nagsasadlak sa kahirapan ng lipunan.
Makikita sa unang isyu ng Agham Road Journal ang pagtatampok ng mga mag-aaral ng mga matitingkad na isyu sa panahon ng pandemya. Naririyan ang kanilang pagdalumat sa karanasan ng pandemya, ang online learning, ang kultura at karanasang Pilipino sa pagharap sa mga hamon sa gitna ng kawalang katiyakan at kaligtasan dulot ng Covid-19. Ito ang ubod ng journal, ang pagdalumat sa karanasan at kaakuhang Pilipino.
Mula sa isang taong pananaliksik, malugod naming inihahandog ang bunga ng pagbiyahe ng mga mag-aaral mula Agham Road patungo sa kani-kanilang lansangan.
Para sa mas makabuluhan pang paglalakbay!
Mga Editor