Ni: Jiro M. Rosario
May pag-asa sa pagbasa.
Ipinagdiriwang ngayong Nobyembre ang Buwan ng Pagbasa kung saan bawat paaralan ay nagsagawa ng iba’t ibang paraan upang mas mahasa ang kakayahan ng mga bata sa pagbabasa at mapayabong ang kasiglahan nila rito. Mula 2011 pa lamang ay ginagawa na ang selebrasyong ito ngunit bakit hanggang ngayon ay isa pa rin ang Pilipinas sa pinakamababa pagdating sa pagbabasa? Saan ba tayo nagkamali at sino ang dapat sisihin?
Ayon sa nakaraang report ng Program for International Student Assessment o PISA kung saan kulelat nanaman ang Pilipinas pagdatiing sa reading comprehension, mathematics and science. Nagtamo ang Pilipinas ng Ika-78 mula sa 81 na bansa na kanilang sinuri.
Ipinakita ng datos na ito ang nakapanlulumong realidad na nahuhuli ang ating mga estudyante sa mga skills na fundamental sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Bilang tugon dito, nagbalangkas ang Department of Education o DepEd ng bagong MATATAG curriculum na naglalayong mas bigyan ng pokus ang mga subject na ito at maisunod tayo sa international standard.
Tunay namang nga na dapat nating bawasan ang mga subject ng mga bata upang mapagtuunan ang mga subject na ito at nang hindi sila magkaroon ng information overload. Ngunit sa pagbabago ng Curriculum ay may kaakibat na pag-aadjust dito ng mga teachers dahil kahit papaano ay iba ito sa kanilang nakasanayan.
“Pangalawang magulang” ito ang madalas bansag sa kanila. Halos buong araw ay kasama nila ang mga estudyante at ang trabaho nila ay turuan ang mga bata kaya naman sa kanila madalas ang bale ang sisi ng mga magulang kapag mayroong kakulangan sa edukasyon ng kanilang mga anak. Na sila ay hindi raw magaling magturo o hindi gaanong natututukan ang kanilang mga estudyante kaya hindi natututo ng tama. Ngunit ang mga guro ay mga tao ring may hangganan.
Sa harap ng mga pagbabago sa curriculum, kinakailangan din nila ng sapat na suporta at mga resources upang magampanan ang kanilang tungkulin nang epektibo. Hindi na dapat nila kailangang bumili ng mga kagamitan sa pagtuturo galing sa kanilang sariling bulsa.
Ayon sa pagdinig ng budget para sa DepEd, lumabas na 193 lamang mula sa 6,379 target ang napagawang classroom noong 2023 na lalong nagpapakita ng kakulangan ng ating mga paaralan sa kalidad at sapat na kagamitan at pasilidad.
Dagdag pa rito ang malaking kakulangan sa library sa ating mga paaralan. Karamihan dito ay ginagamit na lamang na pandagdag na storage space at kung man ay limitado lamang din ang koleksyon ng mga libro. Bukod pa dito ang kawalan ng mga Librarians na tanging maaaring mag-manage ng mga ito. Ayon kay Lourdes David noong 2020, isang miyembro ng Professional Regulatory Board for Librarians, mayroon lamang na 9,000 registered librarians sa Pilipinas at humigit kumulang 10% lamang ang supply na ito. Kung talagang gusto nating pagyabungin ang kagustuhan ng ating mga estudyante na magbasa, siguraduhin rin dapat nating mayroon sila ng mga angkop na babasahin at mabigyan sila ng tamang environment upang makapag basa nang matiwasay.
Ilan naman sa mga batikos dito ay maaari na lamang na iasa na lamang ang pagbabasa ng mga reading materials sa mga gadyets at internet dahil tila anumang babasahin at panoorin iyong naisip mas malamang sa hindi ay makikita mo agad. Sa ilang aspeto, nawawalan na rin ng saysay ang pagpunta sa mga library dahil sa kadalian ng paggamit ng internet. Ito rin ang naging pangunahing pamamaraan upang maipagpatuloy ang pag-aaral nitong pandemic.
Sa dami ng benepisyo na ating natatamasa dahil rito, gayundin ang posibleng pinsala na maaari nitong maidulot sa ating mga bata. Malaki rin ang kaibahan ng pagbabasa gamit ang isang libro sa isang silid-aklatan, sa pagbabasa mula sa tablet kung saan mas madali kang ma-distract ng anumang ads o notification na kumukulit sa inyo.
Talagang kuhang-kuha nito ang atensyon ng mga bata at minsan ay dito na lamang inaaasa ng mga magulang ang pagkatuto ng kanilang mga anak at dahil na sa ating labis na pagkababad dito, naging sanhi rin ito ng pagbaba ng interes ng mga bata sa kanilang mga aralin. Nang matapos ang pandemic, napag-alaman sa ilang pag-aaral ang tila pagbaba ang attention span ng Pilipino. Lalong-lalo na sa mga bata na mas kaunti ang kontrol sa kanilang sarili at nagdedevelop pa lamang.
Sinasabi naman ng ilan na bilang magulang, dapat sila ang magmonitor ng paggamit ng kanilang mga anak ng mga gadyet. May ilan rin na nagsasabi na bakit hindi nalang nila i-enroll ang kanilang mga anak sa private school kung ganoon?
Ang edukasyon ay hindi lamang natatapos sa loob ng eskwelahan. Tungkulin pa rin ng mga magulang na bantayan at gabayan ang pag-aaral ng kanilang mga anak upang hindi sila mahuli sa kanilang mga assignments.
Pero hindi mo rin masisisi minsan ang ilang mga magulang dahil sila mismo ay nagtatrabaho buong araw para lamang may maihain sa hapag dahil sa hirap ng buhay. Kaya naman sa mga guro na lamang nila inaasa ang pag-aaral ng kanilang anak.
Sa huli, ang problema sa pagbasa ay hindi dapat ipasa-pasa lamang. Ito ay isang kolektibong responsibilidad na nangangailangan ng pagtutulungan ng lahat—guro, magulang, pamahalaan, at komunidad. Lahat tayo ay may kakayahang mapunan natin ang nakikita nating kakulangan. Maaaring sa maliit na paraan gaya ng pagdodonate na sari-sarili nating mga babasahin sa mga school o kaya ay pagsali sa mga initiatibo gaya ng iRead ng DevComSoc na boluntaryong pagtuturo sa mga piling estudyante na makapag basa. Kung hindi natin aakuin ang problema, mas lalo lamang tayong mananatiling kulelat at mangmang.
Ang pagbabasa ay pundasyon ng kaalaman at tagumpay, kaya't nararapat lamang na bigyan natin ito ng sapat na pansin at halaga.
Other stories
On the Maguindanao Massacre and Press Freedom
“Gusto namin talaga ng rightful justice” (We just really want rightful justice) these are the words of Emily Lopez from an Al Jazeera interview...
Sa Pagtahimik ng mga Medalyang Nagkakalampagan
Sa pagtahimik ng mga medalyang nagkakalampagan, maingay ang mga nananahimik at hindi napapansing danas na problema ng student-athletes ng ating unibersidad...