Ni: John Kenneth Casintahan
Sa pagitan ng mga hita natin ay pagkilala sa ating pinagmulan at tingin sa atin ng lipunan. Mayroon din namang pagitang naghihiwalay sa kung paano nga ba dapat na tingnan ang bawat isa ayon sa kanilang kasarian, pagkakakilanlan, at oryentasyon.
Ilang taon na ngang nakikibaka ang ating mga kapatid na kasapi ng LGBTQ+ community. Pero malayo pa ang ating tatahakin upang makamit ang tunay na kalayaan na ating hinahangad—isang makulay at makataong pagpapalaya sa paggalaw ng lipunang walang diskriminasyon at pang-aapi.
Sa iba’t-ibang bansa ay ipinagdiriwang ang isang makulay at makabuluhang buwan para sa mga bahagi ng LGBTQ+ community, ang “PRIDE MONTH”. Ito ay isang selebrasyon upang ipagbunyi ang kanilang makulay na pagkatao laban sa mapangabusong mundo. Sa ganitong mga pagdiriwang ay malayang naisisiwalat ang mga tinig na gusto nilang iparating, ipakita ang kanilang mga sariling malaya at makulay, at itampok ang kanilang kakayanan sa lipunan.
Isang makulay na kinabukasan ang ating makakamit kung patuloy tayong susulong para sa ating mga matatapang na kapatid sa LGBTQ+ community, hindi lang ito para sa kanila kundi para na rin sa ating lahat na naghahangad ng makamasang laban para sa ating kalayaan.
Tunay ba na ang Pilipinas ay malaya na o sadyang nakakulong pa rin tayo at hindi makagalaw sa ating panawagang magkaroon ng makataong pagkakakilanlan? At handa na ba ang lahat upang makiisa at ipaglaban ang kanilang mga hangarin nang LOUD and PROUD?
Para sa LGBTQ+ community, malayo pa ang kanilang tatahakin upang maipasa ang matagal nang gustong maisabatas na SOGIE BILL na naglalayong ipagtibay ang kampanya tungkol sa mga karapatan at isulong ang isang inklusibong espasyo para sa mga indibidwal na may iba’t-ibang SOGIESC.
Sa halos 20 taong pagkakalatag nito sa senado ay hindi pa rin maipasa ang panukalang magkakaloob sa bawat indibidwal ng LGBTQ+ community ng wastong pag-iingat at proteksyon. Larawan ito ng pagpapabaya at pagtalikod sa maraming Pilipinong nakikibaka laban sa pang-araw-araw na kawalan ng katarungan — pagkakait ng akses sa mga serbisyong panlipunan, mga oportunidad sa trabaho at pag-aaral, at mga mekanismong sana ay magtatanggol sa kanila mula sa mga pang-aabusong kanilang dinaranas. Patuloy rin ang pagsasailalim sa mga miyembro ng LGBTQ+ sa panliligalig at karahasan ng kanilang sariling mga komunidad.
Lahat ay may karapatan, anumang maging kasarian, pagkakakilanlan, at oryentasyon. Lahat tayo ay dapat nagkakamit ng pagkakataong maipahayag ang ating sarili nang malaya, na walang hadlang mula ninuman.
Malayo na ang ating tinahak upang maipasa ito, masasabi natin na nasa mahabang proseso pa tayo ngunit sa boses ng bawat isa ay lumalawak ito upang magkaroon tayo ng sandigan upang ang iba ay magkaroon ng kaalaman tungo sa hinahangad na kalayaan.
Sa patuloy nating pagsusulong ay makakamit din natin itong yaring kalayaan sa takdang panahon. Lahat ng ito ay inilalaan upang sa pagsilang ng susunod na henerasyon ay mamayagpag sila sa kanilang binuklod na espasyong makulay, ligtas, at tunay na mapagpalaya.
𝗦𝗮 𝗺𝗮𝗸𝘂𝗹𝗮𝘆 𝗻𝗮 𝗽𝗮𝗸𝗶𝗸𝗶𝗯𝗲𝗸𝗶, 𝘀𝗮𝘀𝗮𝗺𝗮 𝗸𝗮 𝗯𝗮? 𝗞𝗮𝘆𝗮 𝘁𝗮𝗿𝗮, 𝗚 𝗻𝗮 𝘀𝗮 𝗦𝗢𝗚𝗜𝗘!
Other stories
"Babae, Mahusay Ka!" A Celebration of Women in Different Fields
In a patriarchal country wherein underlying inequalities, a history of oppression, and discrimination crises thrown against women are already embedded in the system of society...
Ang Tunay na Kakanyahan ng Kababaihan
May isang naging tanong sa isang beauty pageant, “what, for you, is the essence of being a woman?”