Ang Repositoryong Childa Magallanes ay naglalaman ng mga serye ng mga teaching video na inilalabas ng Samahan ng mga Mag-aaral ng Kasaysayan - PNU bilang pagtupad sa history teaching thrust nito bilang opisyal na samahang pangkasaysayan ng Pamantasang Normal ng Pilipinas — ang Pambansang Sentro ng Edukasyong Pangguro. Ito ay inaasahang maging pantulong sa pag-aaral at pagtuturo ng mga mag-aaral at guro sa Grade 2 [Ikalawang Markahan: Ang Aking Komunidad Ngayon at Noon] sa mga paksang may kinalaman sa “Ang Kwento ng Pinagmulan ng Aking Komunidad” na tinukoy ng Department of Education sa Curriculum Guide. Ito rin ay isang pagtalima sa tungkulin ng Samahan bilang kasapi ng Local Historical Committees Network (LHCN) ng National Historical Commission of the Philippines, sa pagpapalaganap at pagpapayabong ng talastasan tungkol sa kasaysayang lokal sa bansa.
Episode 1 | Batasan Hills, Quezon City
Ang Batasan Hills ay isang barangay sa Lungsod ng Quezon na noon ay nasasakupan ng barrio ng Matandang Balara bilang Constitution Hill. Hiniwalay ang Constitution Hill sa Matandang Balara noong 25 Pebrero 1983 sa bisa ng Batas Pambansa Blg. 343 - An Act Creating Barangay Batasan Hills in Quezon City. Ang Batasan Hills ay unang pinag-isipang gawing panibagong Sentro ng Pamahalaang Pambansa ngunit ang pagtatayo lamang sa House of Representatives ang matagumpay na natupad sa pangarap para sa barangay na ito sa Kanlurang hangganan ng Lungsod Quezon.
Episode 2 | Flores, Malabon City
Ang Barrio Flores ay isang barrio na naitatag noong huling bahagi ng ika-19 na daantaon sa bayan na noon ay tinatawag na Tambobong at ngayon ay kilala na bilang Lungsod ng Malabon. Naitatag ang barrio ng Flores dahil sa pagkakatatag ng isang kapilya na ngayon ay puntahan ng mga mamimintakasi kay Sta. Peregrina. Mula sa kapilya at pamimintakasi kay Sta. Peregrina ay sumulpot ang magarbong tradisyon ng Flores de Mayo sa barrio na dahilan upang dito kunin ang pangalan nito.
Episode 3 | Ugong, Valenzuela City
Ang Barrio Ugong ay isang malaking barangay na matatagpuan Timog Silangang bahagi ng kasalukuyang Lungsod ng Valenzuela, na noon ay may pangalang Polo, Bulacan. Ang Barangay Ugong ay may kabuuang lawak na 340 kilometro kwadrado at nagsisilbing hangganan ng Lungsod ng Valenzuela sa Timog Caloocan. Ito ay pinangalanang Ugong dulot ng topograpiya nitong malapit sa Ilog Tullahan na lumilikha ng umuugong na tunog. Panahon ng mga Kastila nang ito ay maitatag at unang pinamunuan ng mga tinatawag na Tenientes del Barrio. Bukod sa sikat para nagsasarapang puto at palabok nito, ang Barangay Ugong ay sikat rin noon para sa napakalagong industriya ng pag-aadobe dahil sa mayamang lupa nito.
Episode 4 | Castilla, Sorsogon
Ang bayan ng Castilla ay isang baybaying komunidad sa Timog na bahagi ng lalawigan ng Sorsogon sa Rehiyon ng Bicol. Ito ay may kabuuang lawak na 186.20 kilometro kwadrado at binubuo ng 34 na mga barangay. Ito ay bayang itinatag noong panahon ng mga Kastila sa pamamagitan ng maimpluwesiyang Kastila na si Don Eugenio Santos Martinez na tubong Castilla, España at noon ay naninirahan sa pueblo ng Bulabog. Iminungkahi ni Don Martinez na ang pueblo na binubuo noon ng mga baryo ng Bulabog, Inarihan, Capuy, Macalaya at Cumadcad ay pangalangang Castilla na kaniyang lupang tinubuan gayundin ng dakilang Reyna Isabella I ng España. Taong 1894 nang mapabilang ito bilang bahagi ng lalawigan ng Sorsogon mula sa pagiging bahagi ng Albay.