Ang SAMAKA - PNU ay isang organisasyong pang-akademiko na itinatag noong 1990 na naglalayong magbuklod sa mga mag-aaral na nagpapakadalubhasa sa Kasaysayan sa Pamantasang Normal ng Pilipinas. Bilang isang organisasyong nangangalaga sa kapakanan ng mga tagapagtaguyod ng Kasaysayan, adhikain ng samahan ang mayabong na pagpapalaganap ng nasyonalismo at pagmamahal sa sariling kultura; pagsusulong ng karunungan at kahusayan sa pagtuturo; pangunguna sa mga gawaing pangkasaysayan ng pamantasan sa partikular at ng buong sambayanang Pilipino sa pangkalahatan; at ang pagbibigay ng mga oportunidad sa mga mag-aaral na mapaunlad ang kanilang sariling kakayahan at makikiisa sa panlipunang pagbabago sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kamalayang pangkasaysayan.
Nabatid ang pangangailangan sa pagtataguyod ng samahan sa pagkakaroon ng unang Pagpapakadalubhasa sa Kasaysayan ng Pamantasan noong 1974 sa ilalim ng Departamento ng Agham Panlipunan. Naitatag muli ang programa noong 1986 ayon na rin sa panuntunan ng programang SEDP.
Taong 1990 nang nagkaroon ang mga mag-aaral ng Kasaysayan ng dalawampu’t-apat na mag-aaral, nagsipagtapos na karamihan ay nagkamit ng karangalang Cum Laude at ang pinakamataas na parangal na naigawad sa isa nitong mag-aaral bilang Magna Cum Laude. Kasunod nito ang pagtatakda ng isang Departamento ng Kasaysayan noong sumunod na semester ng 1990, sa panahon ng dating pangulo ng pamantasan na si Dr. Edilberto P. Dagot na nakabatid ng pangangailangan ng pamantasan sa iisang organisasyon na kikilos at mangangalaga sa pag-aaral ng kasaysayan. Nagbukas ang departamento ng kursong Batsilyer sa Sekundaryang Edukasyon na nagpapakadalubhasa sa Kasaysayan para sa Kolehiyo, at Masterado na nagpapakadalubhasa sa Pagtuturo ng Kasaysayan para naman sa Paaralang Masterado. Si Propesor Childa R. Magallanes ang nagsilbi bilang unang Puno ng Departamento ng Kasaysayan
Prof. Childa R. Magallanes
October 25, 1945 - April 8, 2021
Ayon kay Prop. Magallanes, nagkaroon ng unang pangalan ang samahan, History Society (1990) ngunit hindi ito lubusang kinilala kaya’t napalitan ito ng nabuong Samahan ng mga Mag-aaral ng Kasaysayan na ngayon ay kinikilala bilang opisyal na organisasyon nagsusulong ng kamalayang pangkasaysayan para sa mga guro ng kinabukasan. Sa pagbabago ng kurikulum na OBTEC, nawala ang programa ng mga nagpapakadalubhasa sa kasaysayan kung kaya't binubuksan na ang samahan sa mga mag-aaral mula sa Fakulti ng Agham Pangkaasalan at Panlipunan noong 2016, at sa lahat ng mag-aaral mula sa anumang fakulti o dalubhasaan noong 2017. Ito ay upang hindi mawala ang organisasyong magsusulong ng kamalayang pangkasaysayan, at bunga na rin ng paniniwalang ang pagnanais na mag-aaral ng kasaysayan ay taglay rin ng mga mag-aaral mula sa ibang kurso. Sa higit tatlumpung taon na nakalipas, malayo na rin ang narating ng samahan sa pagtupad sa mga tungkulin nito.
Naging masigasig ang samahan sa pakikiisa sa mga gawaing pangkasaysayan sa loob at labas ng pamantasan kabilang na ang pagtataguyod ng mga panayam at kumperensya sa kasaysayan, pagdaraos ng mga eksibit at mga lakbay-aral, at pakikipag-ugnayan sa mga institusyong pangkasaysayan tulad ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa pamamagitan ng Local Historical Committees Network (LHCN). Ang SAMAKA-PNU ay isa rin sa mga organisasyong nagtatag ng Alyansa ng mga Pangkasaysayang Organisasyong Pangmag-aaral ng Pilipinas (ANGKOPP). Nagpapatunay lamang na ang tunguhin ng samahan ang higit na pagpapaunlad ng kamalayang pangkasaysayan at kahusayan sa pagtuturo nito. Hanggang sa ngayon, patuloy ang pagpupunyagi ng samahan sa paghubog ng mahuhusay na tagapagtaguyod ng kamalayang pangkasaysayan sa larangan ng pagtuturo.
Huling Mga Naging Pangulo ng
Samahan ng mga Mag-aaral ng Kasaysayan - PNU
MARK ANTHONY CABIGAS
PANGULO 2019 - 2022
CHARLES DARWIN TALAVERA
PANGULO 2018 - 2019
GESUS DELA CRUZ
PANGULO 2017 - 2018
KRIZZA MAE EGUAC
PANGULO 2016 - 2017
CHRISTIAN PAUL AQUINO
PANGULO 2015 - 2016