TEMPLAR'S THOUGTHS | Digmaang Walang Sandata
Elijah Leigh Tan
TEMPLAR'S THOUGTHS | Digmaang Walang Sandata
Elijah Leigh Tan
DIBUHO | Seanne Lalaine San Diego
PAG-AANYO | Carlene Sarmiento
Digmaang Walang Sandata
Sa bilis ng panahon, hindi ko namalayan na ako na pala ang susunod sa hanay na sasabak sa digmaan. Digmaan kung saan umuulan ng bala ng ekspektasyon at bumubulusok na mga kanyon ng pangarap na tila suntok sa buwan.
Parang kahapon lamang ay nasa elementarya pa ako— isang batang munti na kay laki ng pangarap, lubhang mangha sa mga naglalakihang unibersidad, at tahimik na inuukit sa isip ang mga katagang: "Balang araw, diyan din ako mag-aaral." Subalit ngayon, heto na ako, kaharap ang kinabukasang walang kasiguraduhan, nangangamba na baka walang unibersidad na kayang abutin ng mababaw na bulsa.
At tiyak na ganito rin ang nadarama ng karamihan sa mga kabataang Pilipino na kasalukuyang hinaharap ang kay taas at kay hirap pasukin na pintuan patungo sa mundo ng kolehiyo. Ang huli at pinakamahalagang antas ng pag-aaral para sa lipunan—dahil sa kaisipang ang pagtatapos ang makapagsasalba sa pamilyang nakabaon sa utang ng ilang taon o maging dekada na. Marahil dahil na rin sa paniniwalang ang natapos ang siyang batayan ng halaga ng isang indibidwal.
“Bakit ka pa nagpapakahirap?” “Pare-pareho lang naman ‘yan,” “Pumili ka na lang.” Kung kasingdali lamang ng pagpili ng kendi sa tindahan ang pagpili ng paaralan sa kolehiyo, kung saan lahat ay pantay-pantay, iisang presyo, at madaling ibalik kung magbago man ang isip, marahil nga’y napakadali nito. Ngunit sa panaginip lamang maaaring magkatotoo iyon. Ang kalidad na edukasyon ay limitado, isang bagay na hindi madaling maunawaan ng mga taong hindi apektado ng sumpa ng mababa at gitnang uri—ng mga taong hindi kailangang pumili ng kendi sa tindahan dahil kaya naman nilang bilhin ang lahat ng klase nito.
Ayon sa Presidential Communications Office, tinatayang mahigit 250 ang State Universities kabilang na ang mga Local University Colleges, habang ang mga pribadong institusyon ay tinatayang nasa 1,977. Patunay na kahit marami ang mga paaralan sa bansa, iilan lamang dito ang nakapagbibigay ng libreng edukasyon. Kaya’t nananatiling mas lamang pa rin ang bilang ng mga Pilipinong nangangarap na makapagtapos—mga Pilipinong umaasang makaahon sa buhay ngunit walang pinansyal na kakayahang makapasok basta-basta sa mga institusyon. Kayat’t imbes na ang pagpasok sa mga libreng unibersidad ay magsilbing karapatan, mas itinuturing ito bilang paligsahan.
At may mas hihirap pa ang digmaang ito dahil ang iba ay armado. Armado ng perang nakabibili ng koneksiyon at kalidad na edukasyon. Sa pila ng buhay, sila ang mga naka-VIP o express lane kung saan ang kalidad na edukasyon ay abot-kamay, salamat na rin sa tulong ng kanilang access sa mga mahuhusay na review centers, gadgets, at impormasyon. Ang kolehiyol na siyang panibagong yugto ng buhay, ay isang munting hakbang lamang para sa kanila, ngunit para sa iba ito ay isang matarik na bundok.
Dagdag pa ang mga lumilipad na bala ng ekspektasyong tumatagos ng kaluluwa, lalo na sa mga mag-aaral na hindi na nga armado sa digmaan, inaasahan pa ng mga tao sa paligid niya ang katiyakan na sa mga prestihiyosong unibersidad siya mapupunta. “Naku! Matalino ka naman, panigurado ko’y makakapasa ka!” Kalimitang bulalas nila. Hindi nalalaman na ang mga simpleng salita, mabuti man ang intensiyon, ay unti-unting kumakain sa isipang lalong nangangamba. Ang nagtatanggal ng buhay sa kumikislap na mata sa takot mabigo sa harap ng mga taong umaasa.
Matagal na nating naririnig ang mga sabi-sabing nagsisimula ang "tunay na buhay" pagpasok sa kolehiyo. At marahil nga’y tama sila, dahil habang papalapit ito ay mas dama ng isang tao kung gaano hindi patas ang mundo. Totoo ang digmaang ito, at walang makapipili sa labang tatahakin. Subalit hindi man pantay ang oportunidad ng lahat, at hindi man lahat ay may kakayahang makipagsabayan sa kompetitibong laban, marami pa rin ang patuloy na humaharap dito—patuloy na sumusubok at umaasang ang edukasyon ang magiging daan tungo sa mas maliwanag na kinabukasan.