ADVISER'S CORNER | 'Balota' - isang pelikulang mapagmulat
OCTOBER 30, 2024Eric Thomas Paulin
Eric Thomas Paulin
PHOTO | GMA NETWORK
Ngayong taon, inihahandog ng GMA Pictures ang isang pelikulang napapanahon at kapupulutan ng aral—ang 'Balota' na pinagbibidahan ni Marian Rivera-Dantes sa direksyon ni Kip Oebanda (Bar Boys, 2017; Liway, 2018)
Sa isang liblib na baryo noong 2007, kaliwa't kanan ang anomalyang nangyayari sa gaganaping eleksyon. Magkalaban sa pagka-alkalde ang re-electionist na si Hidalgo (Mae Paner) at ang dating sexy star na si Edralin (Gardo Versoza). Sa higpit at dikit na laban ng dalawa, isa sa kanila ang idinaan sa dahas ang pagtakbo tulad ng pamimili ng boto, pagpapakulong sa mga walang sala, at pagpatay sa mga opisyal na naatasang magbantay ng kasagraduhan ng pagboto.
Sa kadahilanang ang parehong kandidato ay may dungis sa kanilang mga pangalan, naging palaisipan sa pelikula kung sino ang nasa likod ng mga karahasan.
Isa sa mga naipit sa marahas na eleksyong ito ay ang gurong si Emmy (Marian Rivera, 2024 Cinemalaya Awards Best Actress) na nagpresintang sumama sa pagsasauli ng isang ballot box patungong Governor's Hall matapos ang botohan. Bilang tradisyon sa naturang bayan, ipinosas ang ballot box sa kamay ni Teacher Emmy bilang simbolo ng kanyang tungkulin para protektahan ang mga boto ng taumbayan. Lingid sa kanyang kaalaman, ito na pala ang simula ng kanyang kalbaryo.
Upang maiwasan ang pagdedeklara ng isang "failure of election" sa bayan, kailangang mahanap ang ballot box na nakaposas kay Teacher Emmy na siya na ring magdudulot sa kanyang pagkakapatay.
Liban sa iilang eksenang panimula, naging epektibo ang pagganap ng batikang aktres na tinagurian ding Primetime Queen ng GMA. Mararamdaman ng mga manunuod ang takot at simpatya para sa kanyang karakter. Nakatulong din dito ang pagpapakita ng kanyang malalim na ugnayan sa kanyang anak na si Enzo (Will Ashley) na siyang naging pangunahing motibasyon ng bida upang huwag sumuko.
Maayos na naipakita ng pelikula ang iba't ibang uri ng karahasan sa panahon ng eleksyon. Maliban sa sentro ng kwentong umiikot sa pagtugis kay Teacher Emmy, narito rin ang temang kaugnay sa pagmamalupit ng pulisya. Makikita rito na ang mga taong gipit sa buhay ang sila ring biktima ng pagkapit sa patalim. Ang lahat ng ito ay mahusay na nailahad sa pamamagitan ng mga makatotohanang pagganap ng mga bidang artista, kasama na rin ang mga may maliliit ngunit makabuluhang karakter nina Nico Antonio, Royce Cabrera, Sassa Gurl, at Esnyr Ranollo.
Isa rin sa mga nagpamalas ng kagalingan sa pag-arte ay si Donna Cariaga bilang ang aktibistang si Anita. Naging malaki ang papel niya sa naging resolusyon ng pelikula.
Ang pangkalahatang mensahe ng 'Balota' ay ang pagpapakita ng baluktot na pamamaraan ng ilang politiko para lamang manalo. Sa gitna ng kawalanghiyaan at dahas ng politika, nangibabaw ang pagkabayani ni Teacher Emmy, hindi lang bilang guro kundi bilang isang ina. Layunin ng pelikulang ito na makapagmulat ng mata ng mga manonood patungkol sa magulong mundo ng politika, partikular sa panahon ng eleksyon. Isang bahagi sa ikatlong akto ng palabas ang nagpakita ng mala-ahas na dila ng mga politiko sa pagbibigay ng mga pangako sakaling sila'y manalo.
Mas lalong naging epektibo ang paglalahad ng kwento sa pamamagitan ng napakagandang cinematography at musical score. Magaganda rin ang kuha sa lugar kung saan naganap ang kwento. Damang dama ang pagkadalubhasa ni Kip Oebanda sa pagsulat at paggawa ng mga pelikulang may malalalim na mensahe.
Mapapanood ang pelikulang ito sa bagsak-presyong halaga na P150 para sa mga estudyante at guro. Magpakita lamang ng school ID upang makuha ang nasabing promo.
"...naniniwala kami sa kakayahan ng mga guro at estudyante para humubog ng mas magandang bukas para sa Pilipinas," paliwanag ni Marian Rivera sa kanyang social media patungkol sa naturang discount. Aniya, hindi layunin ng pelikulang 'Balota' na kumita lamang ng pera.
Ang 'Balota' ay mapapanood pa rin sa piling mga sinehan sa buong bansa.