TEMPLAR'S PICK | Nanaman ng IV of Spades
Sofia Riobaldez
TEMPLAR'S PICK | Nanaman ng IV of Spades
Sofia Riobaldez
PAG-AANYO | Tahnia Dalit
Title: Nanaman
Artist: IV of Spades
Genre: Pop
Album: N/A (Single Release)
Released: 2025
Rating: 5/5
Inuulit Nanaman, Ngunit ‘Di Nakakasawa
Nakakabaliw ang magmahal sa panahon ngayon–yung tipo ng pagmamahal na paulit-ulit mong binabalikan kahit alam mong wala nang patutunguhan. Masakit na, ngunit inuulit pa. Puro puso, walang utak. Adik sa alaala ng isang taong hindi mo na kayang kalimutan. Sa bawat ulit ng "Nanaman" ng IV of Spades, madadama ang pagiging alipin ng pag-ibig.
Isinulat ang “Nanaman” ni Blaster Silonga, ang drummer ng IV of Spades. Inilabas ang kanta noong ika-13 ng Agosto 2025, ilang linggo lamang matapos nilang inilabas ang kanilang kantang “Aura.” Ito ang kanilang ikalawang kanta matapos mabuo muli noong ika-16 ng Hulyo.
Tunog ng Nakasanayan
Sabay ng pagbalik ng IV of Spades ang kanilang tatak na instrumental. Mapapa-indak ka talaga habang binabagabag ng inyong kalooban. Ang bassline ni Zild ay buhay na buhay, na 'tila ba’y may sariling kwento, habang ang drums ni Badjao ay parang tibok ng pusong hindi mapakali—laging hinahanap, laging umaasa.
Malamig pakinggan ang boses ni Blaster. Maginaw—parang mga gabing hinahanap-hanap mo ang dati mong kapiling. Hindi sumasapaw, ngunit sapat para dalhin ka sa bangin ng inyong damdamin.
Maginaw at mapapa-indak, nananatiling tapat sa tunog ang IV of Spades. Tulad ng kanta, hindi mapipigilan ulit-ulitin ang “Nanaman.” Ito ang tatak na hindi nakakasawa.
Talinhagang Tumatak
Sa bungad pa lamang ng kanta, agad tayong sinasalubong ng realidad at ilusyon. Hindi pa tanggap ng mang-aawit ang mga pangyayari. Nais pa niyang mangarap—ang pahinga ng bawat pusong umaasa. Ang pakikipag-usap sa bituin ay nagpapahiwatig ng pag-asa at lumbay.
Pagsapit ng pre-chorus, lumalala ang obsesyon. Paulit-ulit na niyang hinahanap ang init ng presensyang matagal nang wala. Sa pagkawindang ng mang-aawit sa kanyang halimuyak, hindi lang ito nagpapahiwatig ng pagnanasa, bagkus kabaliwan na halos hindi na makatao.
"Na naman, na naman; Ako'y walang kalaban-laban." Nagmistulang mantra ang katagang ito, na 'tila ba’y nawala na sa wisyo dahil sa labis na pagkahaling sa iniibig. Naging bitag na ng damdamin ang mang-aawit. Walang kawala, walang laban. Desperado para sa pag-ibig na hindi na kailanma’y maibabalik.
Sa nagdaang taludtod, inuulit muli ang mga naunang liriko. Ito ay nagpapahiwatig ng isang mapanirang siklo—isang pag-ibig na ayaw bumitiw, kahit tapos na. Ang pag-uulit ng mga kataga ay naging sandata upang iparamdam ang mga sugat na natamo sa pag-ibig ngunit kay sarap pa ring ulitin.
Mula sa kaindak-indak ng musika, hanggang sa mga lirikong tagos sa puso, ang "Nanaman" ng IV of Spades ay isang magandang depiksyon ng obsesyon sa pag-ibig. Malamig at maginhawang pakinggan, at nakaka-relate ang mga winika sa mga taludturan nito. Malugod na pagbati sa IV of Spades sa kanilang mahusay na paglikha sa kantang ito.
Ang "Nanaman" ay isang paalala na ang pag-ibig ay may kakayahang maging lason sa sarili. Habang paulit-ulit itong pinatutugtog sa ating isipan, baka oras na rin para tanungin ang ating mga sarili: ilang “na naman” pa ba ang hahayaan nating marinig bago tayo tuluyang magising?