Sumasalamin sa Iyo: Iisa ngunit Nagkakaiba
Gelcy Anne Gaviola
Gelcy Anne Gaviola
“Mahirap lumaban lalo na kung sarili mo ang mismong kalaban.”
Bahagi na ng buhay ng isang tao ang mga hindi pagkakaintindihan. Ngunit, paano kung sa pagkakataon na ito, ang kaguluhang iyon ay nagmumula na sa iyong sarili? Paano kung sarili mo na ang iyong kaaway?
Emosyon ang kadalasang pinag-uugatan kung bakit umaabot ang isang indibidwal sa ganitong sitwasyon. Mayroon kasi itong abilidad na manipulahin ang pag-iisip. Positibo man o negatibo, kaya nitong kontrolin ang bawat desisyon ng sinuman.
Ang pangyayari gaya nito ang nag-uudyok sa tao upang kalabanin ang kaniyang sarili. Dito na papasok ang pag-aalinlangan sa tuwing mayroong hakbang na gustong maisakatuparan. Ninanais ng damdamin ngunit isinusumpa ng isipan o kabaligtaran.
Karaniwang halimbawa nito ang pagpili ng kursong kukunin sa kolehiyo. May iilan pa rin na naliligaw pagdating sa usapin na ito. Mayroong mga tao na may minimithing kurso subalit, hindi iyon ang nais ng kanilang magulang para sa kanila. Magbubunga ito ng pagkalito kung susundin ang isinisigaw ng puso o ang idinidikta ng utak.
Nariyan din ang patungkol sa pag-ibig. Kapag naiipit sa isang relasyon na puno na lamang ng pag-aaway, paulit-ulit na lang ang mga pangyayari at unti-unti nang gumuguho ang pagsasama, darating ang oras na kailangan nang pumili kung alin ang pakikinggan.
Sa kabilang banda, matatagpuan ang pagdadalawang-isip sa pagpaparaya. Kung nasa loob naman ng ugnayan na ang isa ay nakahanap na ng iba, makukuwestiyon ang sarili gamit ang dalawang pangungusap. Ang iniuutos ng kalooban na: “Manatili ka pa!” at ang binubulong ng isip na “Palayain mo na siya.”
Pagdating naman sa pagkakaibigan kung saan tanging mga alaala, haba ng panahon at pinagsamahan na lamang ang pinanghahawakan, mapapabuntong-hininga na lamang sa pagpapasiya kung ano ang mas papaboran.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa walang katapusang listahan ng mga senaryo na nagtutulak sa isang tao upang salungatin ang kaniyang sarili. Nangingibabaw na dahilan nito ang kaniyang puso at isipan. Pagtatalong hindi maiiwasan at mapipigilan, kaya sumiklab man ang digmaan sa pagitan ng dalawang ito, laging tatandaan na sila ang bumubuo sa iyong pagkatao. Ang sarili mo ay ikaw, ikaw ang sarili mo.