Mapag-arugang Tanong: Ayos ka lamang ba?
Gelcy Anne Gaviola
Gelcy Anne Gaviola
Isang tanong, binubuo ng limang pantig, at mayroong labindalawang letra. Maikli kung bigkasin ngunit naglalaman ng sari-saring emosyon, positibo man o negatibo.
Sa kasalukuyan na kung saan ang buong mundo ay halos lumuhod na dahil sa kabi-kabilang pagsubok, at kung saan ang mga tao ay lugmok na dahil sa lupit ng pandemya, napakalaki ng kahulugan at halaga na tinataglay ng tanong na ito para sa sinumang indibidwal.
Para sa mga doktor at nars na patuloy na nakikipaglaban upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga nangangailangan ng atensyong-medikal, na ang bawat pagtulo ng pawis, luha at dugo, kanilang mga sakripisyo ang katumbas. Pagtitiis sa loob ng halos walang katapusang oras. Maging isang saksi sa bawat buhay na nalalagas ngunit walang magawa kung ‘di tanggapin na lamang at magpakatatag.
Para sa mga guro na kailangan na talikuran ang nakasanayang pagtuturo sa silid-aralan. Hinarap ang mga bagong pamamaraan upang pagbabahagi ng edukasyon ay maipagpatuloy pa. ‘Tila nangangapa man sa dilim ngunit nararapat na mahanap ang susi upang kanilang mahal na mga mag-aaral ay matuto pa rin.
Para sa mga estudyante na nanakawan ng pagkakataon na makasama ang kanilang mga guro at mga kaklase. Nawalan ng motibasyon at inspirasyon na mag-aral subalit pilit na hinahanap muli ang sarili. Nahihirapan ngunit sinisikap na makasabay sa tulin ng takbo ng mga pangyayari.
Para sa mga manggagawa na pinadapa ng pagbagsak ng ekonomiya. Kaliwa’t kanan na pagkalugi at pagkatanggal ng mga hanap-buhay ang dinanas ng karamihan, unti-unti ay bumabangon muli mula sa madilim na kahapon.
Para sa mga ina, ama, anak o pamilya na malubhang naapektuhan. Nawalan ng mapagkukunan ng mga pangangailangan sa araw-araw, namatayan ng kaanak, at nasalanta ng mga nagdaang kalamidad ngunit pursigido pa rin.
Lahat ng mga nabanggit ay dapat lamang na matanong ng “Ayos ka lamang ba?”. Simple at payak kung mailalarawan ngunit walang katumbas na ginhawa ang handog sa taong mapagsasabihan nito. Ito ay sapagkat pagmamalasakit at aruga ng isang indibidwal sa kanyang kapwa ang ipinapahayag nito. Ipinamamalas din na sa gitna ng lahat ng pagdurusa, paglalaho ng dating pamumuhay at ‘di mapigilang mga pagbabago, hindi sila nag-iisa dahil ang lahat ay magkakasama sa laban na ito. Madurog man sila ngayon sa dami ng hamon, tandaan na laging mayroong pag-asa upang makatayo at mas higitan pa ang kanilang mapait na nakaraan.
Kaya ikaw na nagbabasa ay nais ko ring tanungin; ayos ka lamang ba?