TEMPLAR'S PICK | 'Di Ka Sayang ng Ben&Ben
Judy Pagurayan
TEMPLAR'S PICK | 'Di Ka Sayang ng Ben&Ben
Judy Pagurayan
PAG-AANYO | Carlene Sarmiento
Title: 'Di Ka Sayang
Artist: Ben&Ben
Genre: Pop rock, Folk, Indie-Folk
Album: N/A (Single release)
Released: 2020
Rating: 5/5
Mahalaga ka—Hindi Sayang, Hindi Kulang
Sa dami ng nangyayari sa mundo ngayon—sunod-sunod na pagsubok at puno ng mga mapanghusgang tao—mapapaisip ka nalang talaga ng, “Ano ba talaga ang silbi ko sa mundong ‘to?” o “Tanggap kaya nila kung sino talaga ako?”
Araw-araw, bagong laban at bagong problema. Sa gitna ng ingay ng mundo at kaguluhan ng isip, buti na lang at may musika. Lalo na kapag tumutugtog ang “Di Ka Sayang” ng Ben&Ben—isang awitin na nagsisilbing paalala na sa bawat hakbang, luha at ngiti ay siguradong may yayakap sa iyo ng buong-buo at sasamahan ka hanggang maghilom ang mga sugat na dala ng mundo.
Ang Ben&Ben ay isang folk-pop band na nabuo noong 2016 at nakilala sa mga kantang tumatalakay sa pag-asa, pag-ibig, at damdamin upang makabuo ng koneksyon sa mga tagapakinig. Ito ay nakita sa Marahuyo Project, isang LGBTQ+ TV series, kung saan ginamit ang kanta upang ipakita na ang paglalakbay patungo sa pagkilala sa tunay na sarili ay puno ng pagdududa at takot. Ngunit matututunan rin dito ang pagmamahal, pag-unawa at pagpaparaya. Ipinapakita rito na ang kasarian ay hindi hadlang sa pagkatao, kundi bahagi ng kung sino ka talaga.
Iba’t ibang tunog, isang melodiya
Isa sa mga tatak ng Ben&Ben ay ang kakayahan nilang magdala ng emosyon sa pamamagitan ng kalmadong instrumental. Ngunit sa likod ng katahimikan ng tugtog, may mga damdaming hindi mo alam na matagal mo na pa lang kinikimkim. Mga emosyong unti-unting binubuksan, binibigyang-halaga at inaakay paalis sa napakabigat mong saloobing.
Ang mga tinig ng kambal na sina Paolo Benjamin at Miguel Benjamin, puno ng damdamin at sinseridad, ay sinamahan ng napakaraming instrumento. Mula sa electric guitar ni Poch, violin ni Kiefer, keyboards ni Pat, bass ni Agnes, percussion nina Toni at Andrew, hanggang sa drums ni Jam. Kung titignan, napakaraming instrumento na tila magkakalayo ang tugtog sa isa’t isa. Ngunit lahat ng ito ay pinagsama-sama upang bumuo ng isang himig na nagsisilbing salamin ng bawat damdamin hindi masabi ng bibig.
Sa dami ng tunog, nagawa nilang gawing iisa ang napakaraming tugtog ng mga instrumento. Isang agos ng musika na dumadaloy sa puso ng nakikinig—tahimik ngunit malalim, kalmado ngunit tagos sa puso ang mga mensaheng tinatanim.
Simpleng mga salita ngunit tagos sa puso
Ang “Di Ka Sayang” ay hindi lamang kanta; ito ay isang pagtanggap, paghilom, muling pagmamahal sa sariling halos hindi na makilala.
Nagsimula ang kanta sa simpleng pahayag: “May nakakakita sa’yo.” Isang pangungusap na tila bulong, ngunit kay bigat ng dating. Sa mundong puno ng ingay, isa itong paalala na may isang taong handang makinig sa katahimikan mo. Sa likod ng mga problemang at mga luha na hindi mo masambit, at pilit na tinatabunan ng maskarang nakangiti, ay mayroong nakakaunawa.
Sa chorus, paulit-ulit na maririnig ang:
“’Di ka sayang, ’di kailangan manghinayang.” “’Di ka kulang, ’di kailangan patunayan.”
Mga salitang unti-unting bumubura sa libo-libong tanong sa isipan, pinapalitan ng pangakong,
“Magiging maayos ang lahat. Sundin mo kung sino ka. Dahil sapat ka.”
Ang linyang, “Sarili ay mahalaga, kahit pa anong tingin nila,” ay isa sa mga pinakamakapangyarihang mensahe ng kanta. Isa itong direktang pagtanggap sa sarili—sa pagkatao, kasarian, at lahat ng aspeto ng isang indibidwal. Ito ay isang pagsigaw sa mundong madalas manlait, manukat, at humusga. Nagsasabing, “Sapat ka, kahit talikuran ka pa ng mundo.”
Kasunod naman ang linyang, “Tanggap kita.” Dalawang salita lamang, ngunit natatahak ang napakaraming aspeto, lalo na sa mga taong laging hinuhusgahan at sanay na laging tinataboy. Isang pangako na kahit ilang beses kang masaktan, kahit ilang ulit kang talikuran ng mundo dahil sa pagiging “iba,” ay may mga taong yayakap sa iyo ng buong-buo. Nang walang kondisyon. Nang walang tanong. Tulad ng kanta, ikaw man ay hindi kailanman naging sayang.
Ang musika ng Ben&Ben ay paalala na sa mundong ito—may lugar ka. May kabuluhan ka. May saysay ang lahat ng sakit, lahat ng pagsubok, at lahat ng tanong. Kung sakaling malunod ka sa lahat ng iyon, maaari mong balikan ang awit na ito. Dahil minsan, sapat na na may nagpapaalala sa iyo na hindi ka sayang at katanggap-tanggap ka upang bumangon ulit at patuloy na labanan ang napakagulong mundo.