Mahiwagang Salamin:
Pagsilip sa Musika at Karera ng BINIverse
Charlie Oranza
Mahiwagang Salamin:
Pagsilip sa Musika at Karera ng BINIverse
Charlie Oranza
Layout | Larry MArtino, Izenn Tan
“Huwag mag-alala buhay ay di karera”
Tila bulkan na biglang pumutok ang pangalan ng tinitingala ngayon bilang nation's girl group na BINI matapos magbigay kulay at enerhiya sa mga Pilipino sa larangan ng musika. Naging laman din ng social media at tainga ng masa ang iba-iba nitong kanta hindi lamang sa Pilipinas, kung hindi maging sa iba't ibang panig ng mundo na nakisama sa islang pantropiko. Sa pagsibol ng kanilang kalawakang puno ng saya at musika, ang isang munting pangarap noon ang unti-unti na palang nakakamtan.
Kinuha sa salitang “binibini” o isang dalaga ang tawag sa pinakasikat na Filipino girl group ngayon na BINI. Nagsimula ang karera sa musika at pagsayaw nito noong October 15, 2021 na binubuo ng walong kabataang Pinay na sina Mariah Queen "Aiah" Arceta, Maria Nicolette Vergara, Maryloi Yves "Maloi" Ricalde, Gwyneth "Gwen" Apuli, Lindtsey Stacey Aubrey Sevilleja, Mikhaella Jannah "Mikha" Lim, Jhoanna Robles, at Sheena Catacutan, sa ilalim ng Star Music ng ABS-CBN management.
Animo’y bumuo ng bagong kalawakan gamit ang musika ang BINI lalo na't nagbago ang ihip ng OPM nang magningning ang kanilang pangalan. Sa kasalukuyan, mayroon silang 7.3 milyong monthly listeners sa Spotify habang marami sa kanilang kanta ang nasa milyon-milyon ang streams, dahilan upang kilalanin sila bilang unang Filipino pop group na may pinakamaraming monthly listeners sa Spotify. Pinangunahan ito ng single na "Pantropiko" na unang kanta ng grupo na naging patok sa masa ngayong taon at mayroon lang namang 132,826,433 streams, na sinundan ng "Salamin, Salamin" na may 124,367,162,.
Patunay din ang pag-arangkada ng "Rising Stars" na ito ang pagpaparangal sa kanila sa Billboard 100 bilang "Voices of Asia," isang prestihiyosong global music award na minsan lang makamit ng isang OPM artist, kasama ang Pinoy boy group na SB19. Dagdag pa rito, nagbukas din ng mga entablado sa iba't ibang panig ng mundo para imbitahan na magtanghal ang BINI gaya ng KCON, Music Festival sa Los Angeles California nitong July 27, 2024.
Bukod sa masaya at puno ng enerhiyang tono ng kanilang mga kanta, sangkap ng tagumpay na ito ay ang mga adbokasiya sa likod ng kanilang mga kanta gaya ng pagpapagalanap ng sign language, pangangalaga sa LGBTQ community, at pagtaguyod ng kakayahan ng mga kababaihan.
Sa kanta nitong "Karera" na tungkol sa realidad ng buhay, ibinahagi ng BINI ang choreography nito na hinaluan ng sign language para sa mga walang pandinig. Ipinakita rin ng grupo ang suporta nito ang bawat kababaihan at LGBTQ community nang nagkaroon sila ng impromptu performance sa Rampa Drag Club, at nagpahayag ng kanilang pagtindig para inklusibidad ng musika para sa lahat kasarian.
Gayunpaman, hindi naging madali ang pagningning ng mga bituing ito nang minsa'y sinubok ito ng panahon. Bago ito kilalanin sa entablado, tatlong taon na hinarap ng mga binibining ito ang masinsinang paghahanda at pag-eensayo sa pagsayaw, pagkanta, pagra-rap, at pagtatanghal habang ang ilan sa kanila ay isinasabay ang kanilang mga pag-aaral. Ayon pa kay Jhoanna, humantong na sa puntong nasa bingit na ng katapusan ang kanilang karera bunsod ng pag-shutdown ng ABS-CBN.
Dagdag pa rito, may pagkakataon na minsan nang sumuko ang isa sa mga bituin sa pagbuo ng kanilang kalawakan. Sa gitna ng pandemya, pumanaw ang ina ng miyembro na si Sheena sa gitna ng pananatili niya sa Manila para sa pag-e-ensayo, dahilan upang hindi ito makauwi upang mamaalam sa kaniyang ina. Subalit aniya sa isang interview, hindi niya maaaring sayangin ang pagkakataon at dapat pa din ipagpatuloy ang bagay na magpapaligaya sa kaniyang ina kaya hindi siya sumuko sa kaniyang karera.
Sa kabila ng lahat ng ito, matagumpay pa ring namamayagpag at nagbibigay inspirasyon ang mga dating mumunting bituin na ngayon ay isang ganap nang kalawakan. Sa katotohanan, kasalukuyang nasa "BINIverse: The 1st Concert Tour" kung saan iniikot nila ang buong Pilipinas upang magtanghal sa iba't ibang entablado para sa mga "blooms", ang bansag sa kanilang mga tagasuporta. Kamakailan lamang, tumungtong din ang concert tour na ito sa entablado ng Canada na naging matagumpay sa pagdalo ng maraming fans at iba pang global music artist.
Sa pagsibol ng bagong yugto ng OPM, iba't ibang pangalan ang nagniningning at bumubuo ng kanilang marka na siyang nagpapayaman ng talentong Pilipino at nagbubukas ng pinto upang makilala tayo sa buong mundo sa larangan ng musika, pagsayaw, at pagtatanghal. Sangkap rin ng tagumpay na ito ang walang sawang suporta ng mga kapwa Pilipino sa kanilang kababayan na siyang naging daan sa pagtupad ng mga dating mumunting pangarap lang. Bahagi lamang ang BINI ng makulay na talentong mayroon ang kabataang Pinoy, at nawa'y maging inspirasyon sila upang magtiwala ang bawat isa sa kanilang kakayahan. Gaya ng bituin, may kakayahan pa ring magningning ang isang tala upang magbigay ng liwanag kahit sa kalagitnaan ng walang katapusang karimlan.