KILALANIN: Ang Ginang na Siyentista sa Gitna ng World War II
Charlie Oranza
KILALANIN: Ang Ginang na Siyentista sa Gitna ng World War II
Charlie Oranza
PHOTO| OROSA fAMILY, VIVIAN LAI
Sa walang hanggang listahan ng mga bayani sa kasaysayan, hindi na mabilang ang dugong nalipasan ng araw na lumaban para sa kalayaan. Samantala, sa ilalim at liblib na parte ng makasaysayang establisyimento sa kabisera, ilang dekada nang namamalagi at naghihintay ng bagong umaga ang labi ng isang pilipinang siyentista. Isang bayaning tumatak ang kadakilaan sa lupa ng inang bayan, maging para sa plato’t kubyertos ng hapagkainan.
Kung ano ang ikinatamis ng banana ketchup, ay siya namang ikinapait ng nakaraan ng ginang na nakaimbento nito, si Maria Ylagan Orosa. Isa siyang food technologist, at pharmaceutical chemist sa gitna ng pakikipaglaban sa kalayaan at karapatan ng mga kababaihan noong World War II kung saan natagpuan ang huling timpla ng kaniyang buhay.
Timpla ng kabayanihan
Ipinanganak si Orosa sa Taal, Batangas noong Nobyembre 29, 1893 kung saan ito natutong maging laman ng kusina. Sa edad na 23, naging iskolar siya ng pamahaalaan at kinilala sa kaniyang talento bilang mag-aaral ng University of the Philippines. Matapos nito, ipinadala siya sa Seattle noong 1981 para mag-aral ng pharmaceutal chemistry at lumipad sa Washington, USA noong 1921 upang mag-aral ng pharmacy.
Gayunpaman, hindi siya nagpakulong sa laboratoryo at pag-aaral dahil sa pagsiklab ng World War II, sumabak siya sa hukbong militar laban sa pananakop ng mga hapon at naging tagapagluto ng kaniyang mga naimbentong pagkain sa mga sibilyan, militar, at nakakulong.
Sa gitna ng matinding labanan sa Battle of Manila, natamaan si Orosa ng matulis na bagay habang nagtratrabaho sa Bureau of Plant Industry sa Malate noong Pebrero 13, 1945. Isinugod siya sa Remedios Hospital kasama ang iba pang nagpapagaling at dito naganap ang isang pagyanig kung saan siya huling naitalang buhay at nailibing kasama ang iba pang mga sibilyan.
Pagkatuklas ng labi
Samantala, sa pagdiriwang ng ika-80 na anibersaryo ng Battle of Manila at pagbomba sa Remedios Hospital, nasilayan na ng araw ang labi ni Maria Orosa. Sa tulong ng isang Collaborative Forensic Archeological and Anthropological Initiatve, nahanap ang kaniyang labi sa ilalim ng dating Remedios Hospital na ngayon ay Malate Catholic School.
Bilang patunay, sumailalim ang kaniyang labi sa DNA testing.
Matapos nito, ganap nang binigyan ng taimtim na libing si Orosa kasama ang 20 pang ibang natagpuan na bangkay sa San Agustin Church sa Intramuros, Maynila.
Pag-alala kay Orosa
Ilang taon man na ang nakalipas, nakatatak pa din sa panlasa at utak ng mga Pilipino ang kaniyang mga nagawa. Bukod sa siya ang nakaimbento ng pinoy na bersyon ng ketchup o banana ketchup, siya rin ang utak sa likod ng palayok oven, pagpapatagal ng buhay ng mga putahe gaya ng adobo, dinuguan, kilawin, at escabeche, wines at calamansi nip, at ang nakatuklas ng Sayola na gamot sa sakit na beriberi. Lahat ng ito ay patuloy na tinatangkilik sa loob at labas ng bansa, patunay kung gaano kalaki ang kaniyang papel sa larangan ng siyensya at kulinarya.
Sa kabila ng kaniyang pagkawala, mananatili siyang bayani para sa masa, laboratoryo, at hapagkainang pilipino. Patunay si Maria Orosa na bukod sa katalinuhan, ang pagsilbihan ang bayan ay isang sakripisyong katumbas ay dangal at pagmamahal sa lupang tinubuhan, bilang siyentista, bilang humanista, at bilang isang babaeng may ipinaglalaban.