Ginintuang Talon ng Bagong Kampeon
Iya Beatriz Perez at Alyssa Andrei Rimorin
Ginintuang Talon ng Bagong Kampeon
Iya Beatriz Perez at Alyssa Andrei Rimorin
Litrato | REUTERS/Amanda Perobelli
Agosto 2, 2024 (Biyernes) - Malugod na sinalubong ng Colegio ang mga bagong mag-aaral ng ika-11 na baitang at transferees ng ika-12 na baitang na kung saan ay ipinakita ang tunay na diwa ng tatak Arriba. Muling nabigyan ng buhay at kulay ang bawat sulok ng Colegio de San Juan de Letran sa pagdaraos ng taunang Binyag Arriba na nagsilbing tulay sa maligayang pagbubukas ng taong panuruan 2024-2025. Ang naturang pagdiriwang ang naging hudyat ng panunumbalik ng siglang hindi nalimot—ang siglang Letranista.
Mula sa mga palamuting nakabalandra sa mga pasilyo ng paaralan hanggang sa mga masisiglang hiyawan ng mga Letranista. Dagdag pa ang mga ngiting nakaukit sa mga labi ng mga estudyante matapos nilang salubungin ang bagong yugto ng kanilang buhay. Tunay ngang ito ay magsisilbing simula ng hindi malilimutang paglalakbay sa pamayanan ng Letran.
Sinasagisag ng Binyag Arriba ang mayaman na kultura at kasaysayan ng Colegio na siyang pundasyon ng institusyon tungo sa patuloy na paglago. Ito ay unang naipakita sa pamamagitan ng seremonya o mga ritwal na naglalaman ng mga hakbang. Ito ay upang opisyal na maging bahagi ng pamayanan ng Letran at maisapuso ang tatak Arriba.
Una ay ang “Rite of Passage” kung saan sila ay nakatakdang pumasok sa main gate bitbit ang dedikasyon na harapin ang bagong yugto ng edukasyon. Sumunod ang “Rite of Vestition” kung saan isa-isa nilang pinatutunog ang kampana tanda ng pagiging isang ganap na Letranista. Pangatlo ang “Rite of Cleansing” kung saan sumasailalim sa proseso ng paglilinis ang mga mag-aaral. Ito ay upang maalis ang mga pangamba at mga negatibong bagay bago magsimula ang taong panuruan. Panghuli ang “Hooding” kung saan isinusukbit sa mga estudyante ang hood bilang tanda ng mataas na antas ng edukasyon.
Maituturing na isang kumpas at liwanag ang pagdiriwang ng naturang kaganapan upang maayos na matahak ang panibagong daan bilang isang Letranista. Tunay ngang ang Binyag Arriba ang simula ng panibagong kabanata sa buhay ng mga mag-aaral na siyang magtatapos sa isa pang pagdiriwang na tinatawag na Sulong Arriba. Dito, sila ay muling sasailalim sa parehong ritwal na kanilang ginawa.
Samantala, matapos ang pagsasakatuparan ng mga nabanggit na ritwal, sabay-sabay na tinakpan ng mga mag-aaral ang kanilang mga mata gamit ang kulay asul at pulang piring na sumisimbolo sa pagiging dugong Letranista. Sa bawat patak ng tubig at bula sa paligid, sama-samang nagtampisaw sa kasiyahan ang bawat isa. Sinabayan pa ng pagsaboy ng mga matitingkad na kulay. Kahit natatakpan ang kanilang mga mata, masisilayan pa rin ang kaligayahan sa pamamagitan ng mga matatamis na ngiti.
Sa pagtatapos ng pagdiriwang, kumintal sa isipan ng mga bagong binyag na Letranista ang pagkakaisa ng mga mag-aaral at ang tunay na diwa ng tatak Arriba. Sa pagtahak ng daan tungo sa panibagong simula, ang bawat hakbang ay nag-iwan ng marka ng kanilang dedikasyon. Bitbit din nila ang pagnanais na maging bahagi ng pamayanan ng Letran sa pagkamit ng mataas na antas ng pagkatuto, pag-unlad, at pagbabago. Kasabay ng pagtunog ng kampana at pagpalo ng tambol, sabay-sabay na haharapin ng mga Letranista ang pagbubukas ng panibagong taong panuruan 2024-2025.