OPINYON - Shermy Calin Yap
Noong bata pa ako, hindi pagbukas ng pinto ang hudyat ng pagdating ng aking mga magulang. Sa katunayan, kadalasan itong dumarating sa anyo ng isang balikbayan box. Higit pa sa mga pasalubong ang hatid ng bawat kahon para sa maraming tahanang Pilipino. Isa rin itong paalala ng pagmamahal ng isang magulang na naghahanap-buhay sa ibang bansa sa kabila ng distansiya. Ngunit gaano man karami ang laman ng kahong ito, may mga bagay na hindi nito kailanman napapauwi.
Sa pagpiling lumayo sa sariling tahanan upang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang pamilya, kinikilala ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) bilang mga bagong bayani ng bansa. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2024, tinatayang umabot sa 2.19 na milyon ang bilang ng mga OFW. Malaki ang naitutulong nila sa ekonomiya ng bansa at sa kabuhayan ng kanilang mga pamilya. Gayunpaman, may isang halagang hindi kailanman mababayaran ng mga padalang salapi—ang mga anak na lumalaki nang malayo sa piling ng kanilang mga magulang.
Ipinakita sa pag-aaral nina Capol, Espanto, Federico, at Tan noong Mayo 2024 na maaaring makaranas ng emosyonal na hamon ang mga anak ng OFWs dahil sa matagal na pagkawalay mula sa kanilang mga magulang. Lumilitaw ang mga hamong ito sa mga kaarawang ipinagdiriwang sa harap ng cellphone, sa mga pagtatanghal sa paaralan na walang magulang na nanonood, at sa mga tagumpay na hindi magkasamang pinagsasaluhan ng buong pamilya.
Dahil dito, may mga anak na lumalaking kinukuwestiyon ang dahilan ng pag-alis ng kanilang mga magulang. Sa murang edad, nasanay akong may bakanteng upuan sa hapag at boses na naririnig lamang sa tawag. Hindi ko noon lubos na naunawaan ang dahilan ng kanilang pag-alis. Mahirap unawain na maaaring pagmamahal din ang nasa likod ng ganitong sakripisyo. Bakit may mga batang nakakasama ang kanilang mga magulang sa mga payak na araw, habang kailangan kong masanay sa kanilang pagkawala?
Nasa sistema ang problema. Hindi dapat kinakailangang iwan ng isang magulang ang sariling anak upang mabigyan ito ng magandang kinabukasan. Ayon sa World Bank noong 2025, bagama’t patuloy ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas, nananatiling hamon ang paglikha ng mas marami at mas produktibong trabaho na magbibigay ng sapat na kita at seguridad sa mga manggagawa. Patuloy na itinutulak ng kakulangan ng disenteng trabaho sa bansa ang maraming Pilipino na humanap ng kabuhayan sa ibang panig ng mundo. Hangga’t hindi natutugunan ng bansa ang kakulangang ito, patuloy na may mga magulang na mapipilitang ipagpalit ang presensiya sa pagkawalay nila sa buhay ng kanilang pamilya at mga anak na masasanay sa kawalan nito.
Hindi natin dapat hayaang maging ganito ang karaniwang kuwento ng mga pamilyang Pilipino. Sapagkat sa bawat padalang salapi at balikbayan box, may mga panahong lubusan nang naikakahon at hindi na kailanman maibabalik.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH