OPINYON - Xavier Ferdinand Quinto
Maraming bayan sa Pilipinas ang nakaupo sa ibabaw ng kumikinang na ginto. Sa unang tingin, tila isa itong bituing nagbibigay ng pag-asa sa pangakong kaunlaran. Ngunit habang nasisilaw ang ilan sa kislap nito, marami pa ring komunidad ang nananatiling nakapiring sa katotohanan. Sa halip na liwanag, kahirapan pa rin ang nasasaksihan ng mga mamamayang nakatira malapit sa mga minahan. Sa ganitong kalagayan, malinaw kung sino ang dapat unang makinabang sa yamang hinuhukay mula sa lupa: hindi ang mga kompanyang nagkakamal ng tubo, kundi ang mga taong naninirahan sa lupang pinagmumulan nito.
Hindi maikakaila ang ambag ng pagmimina sa ekonomiya ng bansa. Ayon sa Golf News noong 2023, umabot sa humigit-kumulang Php44.84 bilyon ang nakolekta ng pamahalaan mula sa buwis, bayarin, at royalties ng sektor. Sa parehong taon, iniulat ng Philippine Statistics Authority na 38,239 na katao ang legal na nagtatrabaho sa mga minahan sa buong Pilipinas. Patuloy din itong nakahihikayat ng malalaking dayuhang pamumuhunan. Inihayag ng Board of Investments noong 2023 na dalawang dayuhang kompanya ang nagbabalak mamuhunan ng kabuoang 10 bilyong dolyar sa industriya ng pagproseso ng nikel sa Pilipinas. Dahil sa ambag nito sa kita ng pamahalaan, paglikha ng trabaho, at pagpasok ng dayuhang pamumuhunan, hindi kataka-takang ituring ang pagmimina bilang isa sa mga haligi ng paglago ng ekonomiya.
Gayunman, tinatabunan ng makinang na larawan ng industriya ang realidad na kinahaharap ng maraming komunidad. Sa ulat ng Kapuso Mo, Jessica Soho noong 2025, isinalaysay ng mga magsasaka sa Barangay Dimaluade, Dinapigue, Isabela na naging mapula ang tubig sa kanilang mga irigasyon dahil sa laterite na nagmumula sa minahan ng Dinapigue Mining Corporation, dahilan upang lumiit ang kanilang mga pananim at bumaba ang ani mula 100 tungo sa 70 kaban. Habang ipinagmamalaki ang pagmimina bilang pinagmumulan ng trabaho at mga proyektong pang-impraestraktura, may mga magsasaka namang unti-unting nawawalan ng ani at kabuhayan. Para sa kanila, hindi nagsisilbing gabay ang kinang ng nikel kundi isang bituing unti-unting nawawalan ng ningning habang lumalalim ang pagkasira ng lupang matagal na nilang pinagkukunan ng buhay.
Inilalantad nito ang tunay na usapin: hindi kung gaano kalaki ang kinikita ng bansa mula sa pagmimina, kundi kung sino ang nagbabayad ng tunay na halaga nito. Habang kumikinang ang industriya, unti-unti naman nitong kinikitil ang sinag ng kabuhayan sa mga komunidad na umaasa sa lupa at tubig. Hindi matatawag na kaunlaran ang pagmimina kung kapakanan ng tao ang isinasakripisyo kapalit ng tubo. Hindi ang kinang ng mineral ang dapat maging tanglaw ng pag-unlad, kundi ang liwanag na naidudulot nito sa buhay ng bawat mamamayan.
Mahalaga ang papel ng pamahalaan sa pagtitiyak na patas ang distribusyon ng mga benepisyo. Nararapat na mahigpit ang pagpapatupad ng mga regulasyon at malinaw ang pananagutan sa rehabilitasyon ng kalikasan at pagpapaunlad ng mga komunidad. Sa huli, hindi nasusukat sa dami ng nahuhukay o sa laki ng kinikita ang tunay na halaga ng ginto. Walang saysay ang kinang ng pagmimina kung nauuwi lamang sa dilim ang liwanag na ipinapangako nito sa mga komunidad na unang nasasakripisyo.
CONTACT US
app@dlsu.edu.ph
(02) 524-4611 loc. 701
503 Bulwagang Br. Connon,
Pamantasang De La Salle,
2401 Taft Avenue, Maynila, PH